Chapter 25

1.2K 53 7
                                    

Mag-hahapunan na nang makarating ako sa bahay. Maingat kong buhat ang sanggol habang palabas mula sa sasakyan. Naglakad ako nang dahan-dahan papunta sa bahay. Kakatukin ko na sana ang pintuan nang biglang bumukas ito at bumungad sa akin sina Tatang at Nanang.

Alam kong masaya sila pero, parang nagulat sila sa nakita nilang sanggol.

"Pasok..." mahinang utos sa akin ni Tatang. Tumabi sila at pumasok ako. Bigla akong nakaramdam ng takot dahil sa mga kinikilos nila, lalo na't sinusundan nila ako ng tingin.

Umupo ako sa may sala at nagkumpulan silang tatlo sa katapat kong mahabang upuan.

"Uhmmm..." Tinignan ko ang hawak kong bata. "Siya nga pala si Grace...anak ko."

"Tiago, wala ka pang siyam na buwan sa Maynila at halos isang linggo ka palang dun..." Tumawa nang may alinlangan si Tatang. "...ang bilis naman ata. Tsaka, nasaan ang ina ng bata?"

Para maintindihan nila, kwinento ko ang lahat sa kanila tungkol kay Engracia at kung paano napunta sa akin si Grace.

Nang maliwanag na sa kanila ang lahat, nakita ko ang kanilang kasiyahan. Ipina-buhat ko kay Nanang si Grace na siyang mas lalo niya ikinatuwa.

"May bago na naman tayong apo," masayang sabi ni Tatang habang tinitignan ang sanggol.

Ilang minuto pang nagkaroon ng excitement at natigilan kami nang may maamoy kaming nasusunog na kanin.

-

Kinaumagahan ay bumisita sa bahay si Elena at Danilo kasama ang kanilang mga anak na sina Thomas, Junior at Antonia.

Nasiyahan sila sa bagong miyembro ng pamilya pero, sobra ang pag-aalala ni Elena. Sinabi niya na kailangan ng bata ng gatas mula sa suso, at kung anu-ano pa na wala ako para kay Grace.

"Elena, may nahiram si Nanang kina Manang Perlita ng botelya para sa sanggol. Tsaka, andito naman palagi si Nanang at Tatang na tutulong sa 'kin sa pag-aalaga sa anak ko, eh," sabi ko sa kanya.

"Anong pina-inom mo kay Grace?" tanong niya habang tinitignan si Grace na buhat-buhat niya.

"Gatas ng kambing."

Tinignan niya ako at nanlaki ang kanyang mga mata. "Kuya, hindi kambing si Grace! Hindi ko akalain na naisip niyo ito ni Nanang."

"Ayos lang naman daw ang gatas ng kambing, eh. Tsaka, walang malapit dito sa atin na nagpapa-suso. Naku, kung pwede lang, ako na sana nagpa-suso sa kanya," biro ko. Pero, hindi na ako pinansin ni Elena.

Ganun na ang nakasanayan, gatas ng kambing at powdered milk na binibili ni Nanang sa bayan. Hindi uso ang diaper dito, kaya sa puting lampin naglalabas ng sama ng tiyan at pantog si Grace. Naaawa tuloy ako kay Manang Perlita tuwing lalabhan niya ang mga ito.

-

1964

Bumisita si Jerry sa probinsya para mangamusta. Sa apat na araw niya dito, gabi-gabi ay sagot niya ang inuman.

"Alam niyo ba na pumunta ako sa concert ng Beatles nung nakaraang taon?" Masayang tugon ni Jerry pero, bigla nalang naging seryoso ang kanyang muka. "Grabe! Halos wala akong marinig dahil sa mga tumitiling mga babae! Buti nga may konting tunog pa akong narinig mula sa pangit na sound system." Muli na namang naging masaya si Jerry. "Magaling talaga sila pero, ang mas inabangan ko ay si Pilita Corales na isa sa mga opening act...nakaka-bighani ang kanyang boses at kahit nasa malayo ako'y kita ko ang kanyang kagandahan."

Santiago (Sequel of Stuck in 1945)Where stories live. Discover now