Chapter 20

1.2K 55 4
                                    

1949

"Bakit hindi nalang yung kalabaw mong si Ashang ang katayin natin?" tanong ni Manong Oscar sa kapatid niyang si Manong Luis. Nagpapahinga kami sa ilalim ng punong acasia sa likod ng kubo nila. Kaarawan bukas ng nag-iisang anak na lalaki ni Manong Luis na si Ismael o mas kilala sa tawag na Boy.

Tinignan ni Manong Luis ang kanyang nakababatang kapatid nang masama. "Pinag-trabaho ko sa bukid nang walang bayad, tapos kakatayin ko lang at ipapakain?!"

Nagulat ako sa naging reaksyon ni Manong Luis. Ako at ang anim pa naming kasama ay napatingin agad kay Manong Luis.

Parang wala lang kay Manong Oscar ang sinabi ng kanyang kuya. "Mas madaming mapapakain yun kaysa sa anim na manok. At matanda na ang kalabaw mo...kaya –"

"Ukinnam kitdi!" pagtatapos ni Manong Luis sa usapan.

-

Sabay-sabay kami nina Tatang, Nanang at Elena na pumunta sa munting bahay ng pamilya ni Manong Luis na dalawang kanto lang ang layo. Malapit nang mag-tanghaling tapat, kaya naka-payong kaming pumunta. Katabi ko si Elena at magkatabi sa paglalakad ang mag-asawa.

Nakahanda na sa mga pinagdugtong na tatlong lamesa ang mga pagkain. Iniabot naman ni Nanang sa asawa ni Manong Luis ang basket na may mga lakatan. Umupo kami sa mahabang upuan na katapat ng pamilya ni Manong Luis. Nasa kaliwang banda ko si Nanang na katabi si Tatang na nasa unahan at nasa kanan ko naman si Elena. Katapat ko ang pangalawang anak ni Manong Luis na si Warlita na limang taong gulang. Napatingin siya sa akin at nginitian ko siya pero, hindi niya ako pinansin. Asungot.

Dumating ang ibang mga kaibigan ni Manong Luis at nang naka-upo na ang lahat, nagdasal na kami. Pagkatapos ay kinantahan namin ng Happy Birthday si Boy na ngayo'y dalawang taon na. Nagpasalamat si Manong Luis sa mga dumalo at sinabing kumain na.

Tinignan ko ang mga nakahandang pagkain sa hapag. May mainit na kanin sa gitna, may adobong manok na walang patatas at carrots, may tinola, may pritong manok, may pinaghalo-halong kalabasa, okra, sitaw, talong,...pinakbet, may daing at may kakanin for dessert. Isama pa ang dinala ni Nanang na saging.

Napaka-simple at walang cake or balloons pero, halatang masaya ang lahat at higit sa lahat kompleto't sama-sama.

Kumuha ako sa bawat ulam na ipinagitna ko sa kaning nasa plato ko. Hindi madami ang kinuha ko kaya hindi mukang bundok ang nasa plato. Ang katapat ko naman ay kanin at sabaw lang ng tinola ang kinakain. Vegetarian kaya'tong bata?

Nang matapos nag lahat ay nagkaroon ng tugtugan at kantahan. Nasa ilalim kami ng malaking puno ng acacia kaya presko. May dalawang may dalang gitara ang kumanta ng isang kundiman.

-

Kinatok ko ang pintuan sa kwarto ni Elena at walang sumagot. Binuksan ko at nakita ko siyang nakakumot at nagtu-tulog-tulugan. Pumunta ako sa tapat ng paanan niya at niyugyog ko ang kanyang magkabilang paa.

"HOY! GISING NA!"

"Ano ba naman, Kuya! Inaantok pa ako!" sigaw niya.

"Alas-siyete na kaya!"

Umupo siya at nagtanggal ng muta. Habang binubuksan ko ang mga bintana ay narinig ko siyang tumayo at umalis ng kwarto. Paalis na sana ako nang may napansin ako sa puting bed sheet ng kama niya. Iniangat ko ang kumot para lalo itong makita at napabuntong hininga ako sa aking nakita.

Hinabol ko si Elena at nakita kong naglalakad siya patungo sa kusina kung saan nakaupo na sina Tatang at Nanang para sa almusal.

"Elena, sandali!"

Hinarap niya ako. "Bakit ba, Kuya?!"

Paano ko ba ito sasabihin? Bakit parang nahihiya akong magsabi sa kanya? Bahala na!

"Elena, pumunta ka muna sa taas at kumuha ng pamalit na damit at - "

"Hindi pa naman ako maliligo, ah."

Hininaan ko ang aking boses. "May...may dugo...sa..."

Nanlaki ang kanyang mga mata at tumakbo papunta sa kanyang kwarto. Narinig siguro nila Nanang at Tatang ang mga malalakas na yabag ni Elena. Nilapitan nila ako at tinanong kung bakit...nang biglang may sumigaw sa taas.

Agad kaming pumunta sa taas at kinatok muli ang kanyang pintuan. "Elena, ayos ka lang?" tanong ko at sa loob-loob ko ay pilit kong nilalabanan ang pagtawa.

"Elena, buksan mo ito," utos ni Tatang.

"Nanang, ikaw lang ang kailangan ni Elena ngayon. Alis muna tayo Tatang," sabi ko sa dalawang naguguluhan.

"Bakit?" tanong ni Nanang sa akin.

"Fire truck..." bulong ko.

"Ha?!"

Huminga ako nang malalim. "Nire-regla na po si Elena."

-

Nang matapos magbihis si Elena ay dahan-dahan siyang umupo sa silyang katabi ko. Bumasag ng katahimikan si Nanang.

"Elena, kain ka muna at mamaya tuturuan kita kung paano gumawa ng pasador."

Napatingin kaming dalawa ni Tatang kay Nanang. Tumango si Elena at muling yumuko.

"Magdasal na tayo at kumain," sabi ni Tatang.

Pa.Sa.Dor...ano yun DIY na sanitary napkin? Bakit kailangan nilang gumawa? Hindi nalang sila bumili. Wait. Nakalimutan ko pala na nasa ibang panahon ako.

-

"Tiago, wala ka bang balak mag-asawa?" tanong sa akin ni Pablo nang umupo ako sa tabi niya. Dito sa tapat ng bahay ni Manong Luis ang tambayan namin tuwing hapon. Hindi masyadong uso sa aming mga kalalakihan ang mag-siesta at inuubos nalang ang oras sa kwentuhan at minsan ay sa inuman...ng mainit na kapeng barako.

"Depende kung may ma-pusuan akong dalaga," sagot ko.

"Alam mo ba na madaming nagkaka-gusto sa'yo dito," patawang sabi ni Gasat. "Pati yung gusto kong asawahin na si Kulasa ay parang may gusto sa'yo."

"Tiago, ano ba ang gusto mo sa isang babae?" tanong ni Pablo.

"Morena, hindi masyadong mahinhin, may respeto –"

"Ah! Si Petra!"

"Wag kang sumigaw, Gasat. May mga natutulog!" sita ni Pablo.

"Ang alam ko ay nobya na siya ni Butit," pagpapa-alala ni Manong Luis na gumagawa ng panali ng palay na tinatawag nilang ban-ban at mula ito sa bamboo grass. Ewan ko ba kung bakit Butit ang tawag nila kay Rolando.

"Wag na nga nating pag-usapan ito at bata pa naman ako, eh." Napansin ko na maagang nag-a-asawa ang mga tao sa panahong ito.

"Tiago, kapag may nagustuhan ka na, sabihan mo kami at tutulungan ka namin sa pang-ha-harana," nakangiting sabi ni Pablo.

"Oo naman, Pablo."

Nadagdagan pa kami habang lumilipas ang oras. Napuno ng kwentuhan at inuman ang aming hapon. Nakiki-sali at nakikinig ako sa mga kwentuhan pero, parang hindi masyadong interesado ang utak ko ngayon dahil iisa lang ang laman nito...si Marcella de Ocampo.

Ang hirap mong tanggalin mula sa puso't isipan ko, Marcella. Kung alam ko lang na ganito ang kahahantungan ko, sana hindi na lang kita nakilala...

Santiago (Sequel of Stuck in 1945)Where stories live. Discover now