1963
"Maligayang kaarawan, Don Tiago!" bati sa akin ni Manong Luis tsaka kami nagyakapan. "Pasensya na at nahuli kami ng pamilya ko."
"Ayos lang, manong, at please wag mo akong tatawaging Don. Saluhan niyo na kami."
Sa mahabang lamesa ay nagsalo-salo kaming lahat. Bukas ang mga pintuan sa bahay para sa lahat ng manggagawa at kapitbahay.
"Tatlongpu't siyam na taong gulang ka na, anak, eh kailan mo ba balak mag-asawa? Nasasabik na kami ng Tatang mo na magkaroon ng mga apo sayo," patawang tanong at sabi ni Nanang Cresencia mula sa aking kaliwa.
"Nang, kontento na ako sa buhay ko ngayon," nakangiti kong sabi. "At tsaka, nandiyan naman ang mga pamangkin ko." Nilingon ko ang magkakapatid, si Thomas na anim taong gulang, si Junior na limang taong gulang at ang tatlong taong gulang na si Antonia.
"Mas masaya kapag may sarili ka nang pamilya, Tiago," tugon ni Tatang Martin. Nang tignan ko siya, nakita ko na desperado siya na magkaroon ako ng pamilya.
Kung alam niyo lang sana. Gustong-gusto ko nang magkaroon ng pamilya. Pero sa babaeng mahal ko lang...at wala siya sa panahong ito. May katapusan ang bawat awit at matagal nang natapos ang himig ng pag-ibig namin ni Marcella. Sa panaginip ko nalang siya pwedeng hagkan at makasama...
Habang kumakain ang ibang mga bisita, may ilan din sa sala na sumasayaw sa naka-play na plaka sa ponograpo na bigay ng kumpare ni Tatang. Masaya nilang sinasabayan ang dalawang taon nang dance craze, The Twist ni Chubby Checker.
"Come on, baby! Let's do the twist!"
Pinapanuod ko sila nang biglang may humila ng kamay ko papunta sa gitna.
"Elena, hindi ako marunong sumayaw!" Naramdaman ko na lahat ng mga mata ay sa akin nakatingin.
"Ako din, Kuya!" Tumawa siya at nag-umpisang sumayaw. Kahit nahihiya ako ay sinabayan ko siya sa pag-twist at pag-kembot. Hindi ko mapigilan na hindi matawa, lalo na't nakita ko si Manong Luis at kanyang asawa na sumasayaw din...at pareho silang may dalawang kaliwang paa.
"Yeah, you should see my little sis'
You should see my my little sis'
She really knows how to rock
She knows how to twistCome on and twist
Yeah, baby twist
Oh yeah, just like this
Come on little miss and do the twist"Hinawakan ko ang kaliwang kamay ni Elena at itinaas ko ito, at kusa siyang umikot. Nagpatuloy ang aming pagsayaw hanggang sa matapos ang musika.
-
Isang buwan ang nakalipas..
Maynila
Ipinarada ko ang sasakyan sa tapat ng tarangkahan ng bahay ng aking tiyahin na kapatid ni Nanang. Pagkalabas ko ng sasakyan ay agad akong sinalubong ng alimuom at ang banaag ng bahaghari sa kalangitan.
"Insan Tiago?"
"Jerry!" Nilapitan ko siya at niyakap. "Musta kayo ng pamilya mo?"
"Okay lang naman. Inaasahan namin sa susunod na buwan ang aming magiging bunso," masayang balita sa akin ni Jerry. Sayang nga lang dahil hindi sila nagkatuluyan ni Ricanita, at ang napangasawa ni Jerry ay ang kaibigan ni Rica na si Felipa. Ang mga panganay niya ay kambal na babae na sina Dorothy at Alice, ewan ko ba kung bakit iyan ang ibinigay niyang pangalan...para tuloy galing ang kambal sa dalawang magka-ibang mundo, sa Oz at sa Wonderland.
YOU ARE READING
Santiago (Sequel of Stuck in 1945)
Historical Fiction(Battle of Manila 1945, Post World War II to Contemporary History) Ilang buwan na ang nakalipas magmula nang mapunta si James Salvacion sa taong 1945, kung kailan siya nakipaglaban ng isang buwan laban sa mga Hapones. Sa kanyang pagbabalik ay unti-u...