Chapter 33

1.3K 68 19
                                    

2007

"Di ba napanood niyo na 'yan dati?" tanong ko kina Gerlie at sa kanyang mga kaibigan.

"Opo, Lolo, pero ang ganda kasi...buti nalang ibinalik nila ulit sa TV," sagot ni Gerlie. Hindi ko makakalimutan ang palabas na ito dahil maski ako ay nakikinuod din dati, halos mabingi nga ako nun kapag tumitili dahil sa kilig si Gerlie, at halos sumakit na ang tenga ko dahil sa paulit-ulit niyang pagkanta ng theme song nitong hindi ko maintindihan...ngayon ay bumalik na naman ito "Oh, baby, baby...oh, baby, baby..." Nung 2003 ay pinalabas ito ng ABS-CBN at ngayon nama'y ipinalabas din ng GMA...nahihilig na talaga ang mga pinoy sa Tagalog dubbed na palabas.

"Ano, crush mo pa rin si Dao Ming – ?"

"Of course!" masayang sagot niya sa tanong kong hindi pa tapos.

"Lolo, may tumigil na sasakyan sa tapat!" sigaw ni Paulo mula sa labas ng bahay.

Lumabas ako at nakita kong palabas mula sa sasakyan ang aking pinakamamahal na anak.

-

Naging simple ang ika-walong pu't tatlong kaarawan ko. Nagluto sina Grace at Antonia ng hapunan. Hindi nila alam kung gaano ako kasaya ngayon lalo na't nandito ang aking anak.

Pagkatapos naming magdasal ay kinantahan nila ako ng Happy Birthday. Sana araw-araw na lang ang aking kaarawan...

Hindi kami magkasya sa hapag-kainan kaya ang mga apo kong binata't dalaga ay sa sala kumain. Kumpleto kami ngayon at wala na akong mahihiling pa.

Pagkatapos ng kainan ay nagpalamig muna ang ilan sa labas at ako naman ay nakaupo lang sa sulok ng sala. Para akong napagod nang husto.

Nilapitan ako ni Grace. Nang muli kaming nagkita ay halos hindi ko na siya makilala dahil sa namumuti na niyang mga buhok...at dahil siguro ito sa sobrang stress.

"Papa, salamat at pumayag din kayong sumama sa amin," sabi ng aking anak tsaka niya hinawakan ang aking kamay.

"Wala na akong magagawa, Grace..."

"Pa, sabihin mo ang totoo...gusto mob a talagang sumama sa amin sa lungsod?"

Huminga ako nang malalim. "Hindi ko kayang iwan ang bahay na ito, anak...pero, matanda na ako at gusto kong makasama kayo sa mga natitirang araw ng aking buhay."

"Papa, hayaan niyong kami ang mag-alaga sa inyo...hindi ka namin iiwan mag-isa."

-

Gumising ako ng maaga at agad na nag-ayos ng sarili. Bago ko lisan ang barrio, kailangan ko muna pumunta sa burol.

Palabas na ako nang makita ako ni Greg. "Lolo, san kayo pupunta? Di ba mamaya na kayo babiyahe ni Tita Grace?"

"May bibisitahin lang ako."

"Samahan na kita, Lolo."

Tinulungan ako ni Greg sa pag-akyat ng burol. Nang makarating kami sa taas, napalitan ng ginhawa ang aking pagod.

"Ang ganda dito, Lolo."

"Mas maganda nung wala pang masyadong kabahayan sa baba...Apo, pakikuha mo naman ako ng matulis na bato," utos ko sa kanya.

Naghanap si Greg at ini-abot niya ito sa akin. "Anong gagawin niyo sa bato, Lo?"

"Iuukit ko ang mga pangalan sa katawan ng puno...habang hindi ko pa nakakalimutan." At inumpisahan ko sa pangalan ni Diego. Nasa letrang E palang ako nang bumagsak ang aking mga luha at bigla akong nanghina. Akala ko nakalimutan ko na kung gaano kasakit ang mawalan ng kaibigan, mali pala ako...naging parte na talaga ito ng alaala ko.

Santiago (Sequel of Stuck in 1945)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon