Chapter 23

1.1K 52 6
                                    

1953

Sinamahan ko si Manong Luis na bumili ng lubid sa bayan na gagamitin niya sa kanyang alagang baka. Habang tinitignan ni Manong Luis ang lubid, nilapitan siya ng tindero na matagal nang kakilala ni Manong Luis.

"Luis, malapit na eleksyon...sinong iboboto mo bilang presidente?" tanong niya.

Tinignan ni Manong Luis ang tindero. "Hmmm...hindi pa ako sigurado sa ngayon, Dante." Pero, alam kong may pambato na si Manong Luis para sa eleksyon at ayaw lang niya ito ibahagi.

Pagkarating namin sa bahay, nagpahinga kami ni Manong Luis sa sala. Nilapitan kami ni Nanang at sinabi niya na nasa likod ng bahay si Manang Perlita na asawa ni Manong Luis. Labandera namin si Manang Perlita at kasama niya palagi sa paglalaba ang anak na si Warlita, na siyang taga-igib ng tubig.

May lagnat si Warlita ngayon kaya alam kong mas mahihirapan ang payat na katawan ng Nanay niya. Pinuntahan namin ni Manong Luis ang kanyang asawa sa likod. Naabutan namin siyang nagku-kuskos ng damit. Umupo sa tapat niya si Manong Luis at tinulungan niya ito sa pagkuskos, at ako naman ay nag-umpisang mag-igib ng tubig at punuhin ang isang batsa.

Sinabihan nila ako na ayos lang sila at dapat daw na magpahinga muna ako. Tumanggi ako at sinabi ko na gusto kong tumulong.

Napatigil ako saglit nang napansin ko ang sigarilyo ni Manang Perlita na nasa ibabaw ng isang malapad na kahoy. Basa ang baga nito, pero umuusok pa.

Kinuha ito ni Manang Perlita at isinubo ang halos kalahati nito, at ang nasa loob ng bunganga niya ay yung may baga. Hindi ko alam kung paano niya 'yun nagawa. Hindi naninigarilyo sina Nanang at Tatang, at ang mga kaibigan ko ay hindi ganito kung manigarilyo.

Tinignan ako ni Manang Perlita at natawa siya sa pagmumuka ko.

"Manang, apay haan kayo nga...napapaso?" tanong ko sa magkahalong Ilocano at Tagalog.

"Padasem, ah, Tiago," sagot ni Manong Luis nang hindi tumitingin sa akin.

Tumawa ako nang mahina. "Um, hindi na ako naninigarilyo, Manong." Totoo, hindi na ako nanigarilyo magmula nung napunta ako sa kung nasaan man ako ngayon.

Pagkatapos kong mapuno ang batsa, pumasok ako sa loob ng bahay at pumunta sa kusina para maghanap ng makakain. Sa mesa ay may isang plato ng nilagang kamote. Tinitigan ko ito at napabulong ako sa aking sarili. "Huwag kang mag-alala, makakakain ka ulit ng burger at pizza."

-

Dumating ang araw ng botohan at sinamahan ko sina Nanang at Tatang sa bayan. Hindi ako rehistrado kaya hindi ko kailangang bumoto, tutal kilala ko na kung sino ang mananalo sa eleksyon ngayon.

Ang maglalaban para sa pagka-presidente ay sina Elpidio Quirino, Ramon Magsaysay at Gaudencio Bueno. May naririnig akong tsismis na panigurado daw na mananalo si Magsaysay dahil may malaking alas ito. Hindi ko alam kung ang 'alas' ay ibang salita para sa 'propaganda'.

-

"Buti nalang naging maayos ang lahat, di tulad ng kalagayan sa ibang bayan na may patayan," giit ni Nanang.

"Ganun talaga, laging may nakabuntot na kamatayan sa bawat balota," seryosong sabi ni Tatang.

"Haaay! Bakit kailangan nilang magpatayan para sa kapangyarihan..."

Itinungga ni Tatang ang tasa na may lamang kape at sa tatlong lunukan ay naubos niya ito. Tinignan niya si Nanang. "Di ka na nasanay, baket. Tsaka, noon pa man ay may bahid na ng dugo ang eleksyon dito sa Pilipinas...tanungin mo sina Daniel Tirona at Emilio Aguinaldo!"

Santiago (Sequel of Stuck in 1945)Where stories live. Discover now