PROLOGO: Sino si Tracy Part 2

1.8K 67 7
                                    


            Inilagay ni Elizza sa palad ni Diyosang Dayaw ang butil ng kanyang alaala. Nalungkot si Diyosang Dayaw sa kanyang gagawin—buburahin ang alaala at pagkatapos ay pupunta na ng Amalao at doon na mamumuhay.

Tiningnan niya si Elizza. "Ano'ng mangyayari, Elizza? Paano ako?"

"Mawawala ang alaala mo, mawawala ang katawang-lupa mo, pero ang enerhiya mo, mananatiling naririyan at hindi mawawala," sabi ni Elizza.

"Ano'ng mangyayari sa katawan ko?"

"Pupunta ka sa Amalao at sasanib sa isang sanggol. Ang enerhiya mo ang bubuhay sa kanila. Dahil hindi namamatay ang enerhiya mo, magpapalipat-lipat ka sa iba-ibang buhay doon sa Amalao."

Napaisip si Diyosang Dayaw. Marahan, muling naging tubig si Elizza at naging batis.

Humakbang si Diyosang Dayaw sa tubig ng batis.

"Lahat ng nakita, naging karanasan ko rito sa Gabun, mawawala sa aking alaala. Ang pagiging diyosa ko ng pangangalaga, makakalimutan ko. Pati ang pangalan ko."

Unti-unti, inilubog ni Diyosang Dayaw ang katawan sa batis. Unti-unti, nawala ang alaala niya sa Gabun. Sa kanyang paglubog, unti-unting naglaho ang kanyang katawan at naging parang puting usok. Umangat iyon sa tubig at inilipad ng hangin.

Naglakbay sa Amalao ang enerhiya ni Diyosang Dayaw. Sa maraming panahon, nabuhay siya roon sa iba-ibang katawan ng mga buntawi (tao). Ilang katawan na rin ang sinaniban ng kanyang enerhiya. Kahit napupunta siya sa iba-ibang katauhan, isang katangian niya ang hindi nawawala—ang pagiging maalaga sa mga bata. Bilang diyosa ng pangangalaga sa Gabun, dala-dala niya sa ano mang buhay ang natatanging karakter—ang pagiging maalaga.

Sa panahong ito, ang kadwang si Diyosang Dayaw ay napunta sa katawan ni Tracy. Kaya bilang diyosa ng pangangalaga ng Gabun, tiniyak ni Montar nang ipanganak si Moymoy na ibigay sa kanya ang bata para lumaking isang mabuting bata.

Palaging nakabantay noon si Montar kay Tracy sa pinapasukang bookstore. Inaalam niya kung papaano ibibigay ang sanggol na si Moymoy.

Nagtagumpay si Montar na ibigay si Moymoy sa pangangalaga ni Tracy. Lumaking mabuting bata si Moymoy.

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon