KABANATA 11: NAIIBANG LILIW

702 45 0
                                    



NAKATAAS ang noo. Mapino at elegante ang paglakad. Larawan ng isang diyosa ang kabuuan ni Liliw. Namamangha ang mga kapatid niya sa nakikitang pagbabago.

"Kailangang matigil ang minahan sa mga bundok," matigas na sabi ni Liliw habang naglalakad sa pasilyo ng palasyo kasama ang mga kapatid at ang tatlong lumilipad-lipad na diwata.

"May ipag-uutos ba kayo sa amin, Diyosang Liliw?" tanong ng isang diwata.

Huminto si Liliw pagdating niya sa pinto ng Himpabulan. Tumingala siya para harapin ang diwata. "Meron. Patawan ninyo ng sakit ang lahat ng mga buntawing nagwawasak ng kagubatan."

"Lahat ba, mahal na diyosa?" tanong naman ng isa pang diwata.

"Lahat," matigas na sabi ni Liliw.

"Lahat ng mga nanghuhuli ng hayop sa kagubatan. Ang mga naghuhuli ng ibon, parusahan n'yo sila. Iligaw n'yo sila sa kagubatan, para hindi na sila bumalik muli," utos pa ni Liliw.

Bumukas ang malaking pinto ng Himpabulan.

"Pagmasdan n'yo ito," utos ni Liliw sa mga diwata.

Kumumpas si Liliw sa bintana ng Himpabulan. Tumambad doon ang sarisaring kagubatan.

"Pagmasdan n'yong mabuti," kinausap ni Liliw ang mga kapatid at ang mga diwata. "Wasak na wasak na ang pinangangasiwaan kong kagubatan. Malupit ang mga buntawi. Wala silang tigil sa pagputol ng mga punongkahoy. Nawawalan ng tahanan ang mga ibon at ang mga hayop. Kagagawan ng mga buntawi ang lahat ng ito."

Ikinumpas pang muli ang kamay ni Liliw sa bintana ng Himpabulan. Makikita ang sarisaring minahan. Makikita ang mga taong nagwawasak ng kabundukan.

"Dahil sa kasakiman ng mga buntawi, tingnan ninyo ang ginawagawa nila sa kabundukan. Kailangang matigil ang lahat ng ito," sabi ni Liliw.

"Mga diwata," sabi ni Liliw sa nag-uutos na tinig. "Pumunta kayo sa Amalao, ngayon din. Tanggalan n'yo ng paningin ang lahat ng buntawing pumapasok sa kagubatan. Ang mga nagmamay-ari ng minahan, patawan n'yo sila ng malulubhang sakit."

"Gano'n ba, Diyosang Liliw? Hindi ba natin aalamin muna kung gaano kalaki ang pinsalang dinudulot nila?" sabi ng isang diwata.

"Hindi na kailangan," mabilis na sagot ni Liliw. "Ang kahit na anong uri ng paninira sa kagubatan, paninira pa ring maituturing. Wala nang tanong-tanong, diwata. Gawin mo ang ipinag-uutos ko."

Bantulot na sumagot ang tatlong diwata. "Masusunod ang kahilingan ;yo, Mahal na Diyosa."

Mabilis na lumipad paalis ng Himpabulan ang mga diwata.

"Liliw," sabi ni Amihan. "Ngayon lang kita nakitang ganyan katigas. Dati-rati, pinagbibigyan mo ang ilang nangangailangang buntawi sa sinasakupan mong kalikasan."

"Hindi gano'n dapat, kapatid kong Amihan. Ibinigay sa akin ng Bathala ang papel na tagapangasiwa ng kagubatan, kailangang gampanan ko iyon nang buong tapat at buong husay. Hindi ko ito pababayaan," may pagmamalaking sagot ni Liliw.

"Tama, Liliw. Tama ang ginagawa mo," ani Ilawi.

"Napaligaya mo kami, Liliw," sabi ni Marino. "Napaligaya mo kami sa desisyon mo na kalimutan ang nakaraan sa buhay mo. Maligayang pagbabalik, aming kapatid!"

Masayang niyakap nina Marino, Ilawi, at Amihan si Liliw.

���"� 

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon