KABANATA 2: NASAAN SI BUHAWAN?Part 3

979 48 0
                                    


"Narito pa rin, kamahalan," sagot ng damugong sa malagom at nakakakilabot na boses. "Narito at buong-buo ang Ginto ng Buhay. Bakit hindi mo na ginagamit ang kapangyarihan ng ginto?"

Umiling si Buhawan. "Wala kang alam. Walang silbi kung malaman mo pa."

"Buhawan..."

Bahagyag nagulat si Buhawan nang marinig ang malaki at malalim na boses. Pero pagkaraan ng ilang saglit, biglang may sumilay na ngiti sa kanyang mukha. "Gunaw! Gunaw, ikaw ba 'yan?"

"Walang iba, Buhawan. Ako nga, ang panginoon mo. Si Gunaw..."

"Ang tagal kitang hinintay. Magpakita ka sa 'kin!" nasasabik niyang sabi.

Sa harap ni Buhawan, marahang natatakpan sa kanyang paningin ang bilog at maliwanag na buwan ng kulay-itim na usok. Nag-ipon ang usok na iyon hanggang sa tuluyan nang natakpan ang buwan kaya lalo pang dumilim ang paligid sa pagdating ni Gunaw.

Makikita ang mukha ni Gunaw na nabubuo at umaalon-alon sa usok. Hindi makita ang kabuan ng mukha nito dahil ang bibig lang ang bahagyang nakikita kapag magsasalita. Minsan ay nakikita rin ang mga mata nito na nabubuo ng maitim na usok.

Nakikita si Gunaw dahil nagkakaroon ng kaunting liwanag na nagmumula sa mga mata ng damugong at sa kumikinang-kinang na ginto na patuloy na lumulutang-lutang sa hangin.

Sa labis na kaligayahan, hindi lang abot-tainga ang ngiti ni Buhawan. Para siyang nakaramdam ng ginhawa pagkakita kay Gunaw. "Matagal kitang hinintay! Akala ko, hindi ka na magpapakita!"

"Maaari ba iyon, Buhawan?" sagot ni Gunaw sa malalim nitong boses. "Hindi kita maaaring pabayaan, aking anak..."

"Ang tagal kitang hinintay..." Parang batang naiyak si Buhawan. Magkahalong lungkot at kaligayahan ang kanyang nararamdaman.

"Narito lang ako. Nakikita kita."

Natigilan si Buhawan. "Bakit hindi ka nagparamdam?"

"Sa inutos ko sa 'yong pagpasok sa Pinto ng Panalturan hanggang sa pagtago mo sa mga ginto. Sa mga naging karanasan mo sa piling ng mga ginto. Sa kapangyarihan na ibinigay nito sa Amalao. Isa kang diyos na itinuring ng mga tao—hindi ba't 'yan ang gusto mo? 'Yan ang sabi mo sa akin."

"Nagsinungaling ako," marahang sagot ni Buhawan.

May nagharing katahimikan. Pinagmasdan saglit ni Buhawan ang damugong na nakatingin sa kanya. Sa harap nito, naroon pa rin ang Ginto ng Buhay, lumutang-lutang sa hangin.

"Maligaya ako sa ibinigay na kapangyarihan ng ginto," muling bumaling si Buhawan kay Gunaw. "Pero sa lahat ng pagkakataon, gusto ko—gusto ko kasama ko si Amihan. Mas maligaya ako kung kasama ko ang pinakamamahal kong si Amihan."

"Buhawan, Buhawan, dumating ako sa buhay mo nang wala ka nang mabalingan. Para kang buhay na patay mula nang mawala sa 'yo si Amihan. Sinabi mo sa akin, kailangan mo ng kapangyarihan. Na gusto mong gumanti sa mga Apo. Pero hindi ka pa natatapos."

"Si Amihan, paano siya mapapasaakin?"

"Kung gayon," tugon ni Gunaw. "Makinig kang mabuti sa sasabihin ko."

At tuluyan nang nakinig si Buhawan kay Gunaw.

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon