KABANATA 22: BAKIT MAY GABI NG DUGON?

661 45 1
                                    



GULAT na gulat ang lahat! Hindi sila makapaniwala sa nangyayari. Gaya ng ginagawa nila kapag sumasapit ang gabi ng dugon, nagtatakbuhan sila sa kanya-kanyang bahay.

Nagkagulo ang lahat! Nagimbal at nataranta!

Mula sa entablado, pinagmasdan ni Moymoy ang nangyayari. Napatingin siya kay Alangkaw. Napayuko ito.

Tiningnan uli ni Moymoy ang buwan. Sa isang saglit lang, nagkaroon ito ng malalapad na pakpak—ikinampay at lumipad paitaas, hanggang sa kalawakan. Huminto siya, tiningnan ang dambuhalang buwan na nagiging kulay-dugo. Hindi siya makapaniwala sa nakikita. Napabulong siya. "Gabi ng dugon..."

Pinagmasdan niya ang nangyayari sa ibaba. Nakita niya ang mga tibarong nagtatakbuhan—pumapasok sa kani-kanilang mga bahay. Nagkukulong! Ano mang oras, kapag tuluyan nang naging kulay-dugo ang buwan, magiging halimaw ang lahat ng mga tibaro—makakaramdam ng matinding gutom at kakainin ang isa't isa!

Sa gitna ng liwasan, nakita ni Moymoy si Tracy. Hindi nito alam ang gagawin. Pabulusok siyang lumipad at binuhat ang ina-inahan.

"Moymoy," sabi ni Tracy, "ano'ng nangyari?"

"Hindi ko po alam. Makabubuting, iligtas ko muna kayo at 'wag kayong lumabas."

Biglang binilisan ni Moymoy ang paglipad. Sa tore ni Wayan, sa bintana, ipinasok niya roon si Tracy. Isinara naman nang mabilis ni Tracy ang rehas.

"Moymoy! Mag-ingat ka, anak!" pahabol na bilin ni Tracy.

Binalingan ni Moymoy si Tracy. "Opo!"

Sa mga bahay ng mga tibaro, makikita si Alangkaw na may pakpak din at tinutulungan isa-isa ang mga tibaro na isara ang mga pinto para hindi sila makalabas.

Nakita ni Alangkaw na tumatakbo si Hasmin. Pinuntahan niya ito at kinarga papunta sa bahay nito at pagkatapos ay isinara ang pinto.

Pagkaraan lang ng ilang saglit, narinig na nina Moymoy at Alangkaw ang nakapangingilabot na halinghing ng mga tibaro. Nagsisimula na ang gabi ng dugon!

Samantala, nasa tore si Wayan. Kasama niya si Tracy at Montar.

"Bakit nagkaganito?" malungkot na sabi ni Wayan. "Bakit nagkaganito?"

"Oo nga!" sabi ni Tracy. "Ang labo. Bakit ganito? Sabi ng mga Apo, kapag isinauli na ang lahat ng mga ginto, okay na at wala nang sumpa. Eh, ano 'yan?!"

"Hindi ko alam... Hindi ko alam..." Iyon lang ang nasagot ni Wayan. Yumuko siya at umiyak. Napaurong siya sa pagkakadungaw sa bintana—ayaw makita ang sunod na mangyayari.

"Montar..." Bumaling si Tracy sa kanya. "May alam ka ba rito? Ang gulo ng mga Apo! Pati si Liliw nag-iba ang ugali. 'Di lang pala sa amin sobrang gulo, pati dito sa Gabun!"

Tumango lang si Montar. "Magulo nga, Tracy. Hindi ko rin maipaliwanag."

Nagulat sila nang isang tibarong naging halimaw ang biglang lumipad sa kanila. Humawak sa rehas na bintana. Hinihila nito ang rehas at pinipilit buksan. Kitang-kita nila ang laway nitong tumutulo mula sa bibig—gutom na gutom! Gustong kumain ng laman!

Napaurong si Tracy, idinikit ang likod sa dingding. Kahit na takot na takot, pinilit pa ring tingnan ang nangyayari sa kanyang harap.

Napatakip ng bibig si Wayan. Umiyak siya nang umiyak.

Biglang hinablot ng isang manananggal ang halimaw na aswang na nasa bintana. Naglaban sila habang lumilipad. Kinagat ng manananggal ang leeg ng aswang. Nanghina ang aswang pero pinilit hablutin ang manananggal. Pinaghahampas nito ang manananggal sa rehas. Pagkatapos ay ibinaon ang matatalim na kuko sa dibdib ng manananggal. Dinaklot niya ang puso nito! Tiningnan iyon ng aswang. Nanlaki ang mga mata nito at tumutulo pa ang laway. Sabik na sabik na kainin ang puso ng manananggal. Isang malakas na tawa ang pinakawalan ng aswang at pagkatapos ay kinain ang puso! Nginuya-nguya ito ng matatalin niyang mga ngipin. Tiningnan sina Wayan at Tracy na parang nagbibigay babala na sila naman ang susunod. Nanatiling hawak-hawak niya ang lupaypay at patay na kalahating katawan ng manananggal. Pero biglang may isang aswang ang humablot sa kanya!

Biglang kinuha ng aswang ang manananggal na tangan nito at pagkatapos ay kinagat ng matatalim na mga ngipin ang aswang! Sadyang malakas ang aswang na ito! Hindi makapanlaban ang aswang na inatake nito.

Sa labas ng bintanang iyon, sa tore ni Wayan, patuloy ang pag-iyak niya habang pinapanood ang nangyayari sa gabi ng dugon. Patuloy na nilalapa, kinakain ng mga gutom na gutom na tibaro ang isa't isa! Patuloy ang halinghing at pag-iyak ng mga biktima!

"Montar, Montar..." Bumaling si Wayan kay Montar. "Ano'ng nangyayari?"

"Kailangang malaman sa mga Apo kung bakit nagkaganito," sagot ni Montar.

Sumagot si Tracy. "Kailangang malaman kaagad! Papaano natin pupuntahan ang mga 'yon kung nagkakaganito?!"

"Huminahon ka, Tracy," sabi ni Montar.

"Ha? Puwede ka bang huminahon sa ganyan?! Nagpapatayan sila!" sagot ni Tracy. "Kagagawan 'yan ng mga Apo!"

Nagulat sila nang isa pang aswang ang humawak sa mga rehas ng bintana—gusto silang kainin! Pagkatapos ay may isa pa! At isa pa! Dumami ang mga tibarong gutom na gutom at gusto silang kainin.

Dumating sina Moymoy at Alangkaw, pinaghahablot ang mga tibarong nakahawak rehas at mabilis na inilipad isa-isa paibaba sa kani-kanilang mga bahay.

Nagulat sina Wayan, Montar, at Tracy nang makita ang sumunod na nagpunta sa kanila. Inaabot ang kamay ng isang nagmamakaawa—humihingi ng saklolo. Gaya ng iba, malahalimaw ang kabuuan nito. Matutulis ang mga ngipin at mga kuko. Tumutulo ang laway sa kanyang bibig.

"Hasmin!" hiyaw ni Wayan.

"Si Hasmin?" gulat na sabi ni Tracy. "Si Hasmin ba 'yan?"

Sa sobrang lakas ni Hasmin, umuga ang rehas na bintana. Gulat na gulat ang lahat nang matanggal niya ang bintana! Lumilipad na sumugod si Hasmin kay Tracy!

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon