KABANATA 35

627 42 2
                                    


NANG malapit na si Moymoy sa terasa ng palasyo ng Dalumdum, dumapo siya roon sa tunay niyang anyo. Pagkatapos ay marahang naglaho ang kanyang mga pakpak.

Hindi nakuhang humakbang ni Moymoy nang—

"Moymoy..."

Nagulat siya sa nagmamay-ari ng boses. "Alangkaw..."

Sa kanyang harap, naroon si Alangkaw.

"Alam kong ano mang oras, darating ka. Hinihintay ko ang pagdating mo."

"Alangkaw, bakit?" Tuluyan nang lumapit si Moymoy sa kanya. "Alam mo kung gaano kahalaga ang mga ginto sa akin at sa mga tibaro! Alam mong kailangang mapawi ang sumpa!" May diin at galit ang lahat ng mga salitang binitiwan ni Moymoy.

"Sumama ka sa akin, para malaman mo," sabi ni Alangkaw.

Nagpaubaya si Moymoy—sinundan si Alangkaw sa paglalakad papasok sa loob ng palasyo. Namangha si Moymoy sa malaking pagbabago ng palasyo. Ang dating maruming paligid ay malinis na malinis na. Nakita rin niya ang ilang tibarong naroroon na tagasilbi—may naglilinis at nakabantay. Pero piniling huwag nang pansinin iyon ni Moymoy.

Sumama ka sa akin para malaman mo. Mga salitang sinabi ni Alangkaw kaninang padating niya na kailangang magbigay-linaw sa kanyang tanong.

Pagpasok nila sa malaking bulwagan, sa kabilang dulo nito naroon ang malaking pinto. Naglakad sila roon at pagbukas ng pinto, makikitang lulutang-lutang ang Ginto ng Buhay.

Nagulat si Moymoy sa lumulutang-lutang na ginto sa itaas ng bulawagan. Maliwanag na maliwanag ang ginto, pero nakatutok sa ibaba ang liwanag nito na nagniningning. Pero hindi iyon ang lalong nakapagpagulat kay Moymoy kundi ang babaeng nakahiga na tinatamaan ng liwanag mula sa ginto.

"Inay!"

Tuluyan nang hindi makapagsalita si Moymoy. Iyon lang ang lumabas sa bibig niya. Nanuyo ang kanyang lalamunan at nanlaki ang mga mata habang nakatingin kay Liliw.

Hindi niya inalis ang mga mata sa nakahigang si Liliw. Nanatiling nakatingin si Moymoy sa tunay na ina.

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon