KABANATA 32: ANG PAHINA NG LIYA

711 47 4
                                    


SA ISANG bahagi ng palasyo sa Sibol, sa pinakailalim na bahagi nito, bumababa ang mga Apo sa malaking hagdanan. Nauuna si Ilawi sa kanila. May tatlong diwata ang lumilipad-lipad na nakasunod sa kanila.

Mapapansing napakalawak pa rin ng mga bulwagang matatagpuan sa pinakailalim ng palasyo. Magaganda ang disenyo ng dingding at kisame; na gaya ng ibang bahagi nito, kasingganda rin nito ang iba pang importanteng bahagi ng Sibol. Tulad rin ng ibang bahagi ng palasyo sa itaas, magaganda rin at kaakit-akit ang mga muwebles. Kulay-ginto rin ang nangingibabaw na kulay sa paligid.

"Ilawi, saan tayo pupunta?" tanong ni Amihan habang patuloy na naglalakad, sinusundan si Ilawi.

"May mahalagang bagay akong ipapakita sa inyo," sagot ni Ilawi.

Nang makarating sila sa pinto ng isang bulwagan, tumingala ito sa mga lumilipad na diwata. "Hanggang dito na lang kayo, hindi kayo dapat sumama sa aming magkakapatid. May mahalaga kaming pag-uusapan."

Yumukod ang tatlong diwata at lumilipad na umalis.

"Halikayo, mga kapatid kong Apo," sabi ni Ilawi sa kanila.

Sa dingding ng bulwagan, punong-puno ng kabinet na iba't iba ang hugis at kulay.

Itinaas ni Ilawi ang kamay at hinarap ang palad sa mga kabinet. Gumalaw-galaw ang kabinet. Nagpalit-palitan ang mga puwesto ng mga ito sa dingding. Hanggang sa huminto ang paggalaw ng mga ito. Nilapitan ni Ilawi ang pinakagitnang kabinet na puti ang kulay. Muli pang hinarap ni Ilawi ang palad niya sa kabinet. Naging kulay pula ito. Nagbukas ang kabinet.

Nagulat ang ibang mga Apo sa nakita.

"Pahina iyan galing sa Liya!" sabi ni Liliw. Nagulat siya pero nanatiling kalmado.

"Ilawi," sabi ni Amihan. "Pinunit mo 'yan sa Liya? Kinuha mo sa Bahay na Labwad, kay Ingkong Dakal?"

"Para sa ating lahat ang ginawa ko," sagot ni Ilawi.

"May dahilan kung bakit mo nagawang punitin iyan sa Liya, mahal kong kapatid na Apo," sabi ni Liliw. "Maaari mo bang sabihin sa amin kung bakit at para saan ang ginawa mo?"

"Para hindi maagaw at masakop sa atin ang Sibol—ang kapangyarihan natin," mabilis na sagot ni Ilawi. Nasa propesiya na aagawin sa atin ng mga tibaro ang kapangyarihan natin. Na lulusubin nila ang Sibol para sila ang tuluyang umangkin ng kapangyarihan natin. Hindi na nila susundin ang mga inuutos natin. Hindi na tayo titingalain. Hihinto sila sa pagsamba sa atin. Dahilan kaya ko ito pinunit, para hindi mangyari ang kinatatakutan natin," sabi ni Ilawi.

"Kung gayon, kailangan nating gisingin ang bugani ng Sibol Encantada," sabi ni Liliw.

"Kung sinasabi nga ng propesiya na sasakupin tayo ng mga tibaro kung hindi natin sila pinatawan ng sumpa, kung nalalagay sa kapahamakan ang kapangyarihan natin, hindi ito dapat na mangyari," sabi ni Amihan.

Tiningnan nilang lahat si Marino na nanatiling tahimik, pero pagkatapos ay napilitang sumagot. "Kung kagustuhan ng karamihan sa ating mga Apo, susunod ako."

"Kailangan na, mga kapatid kong Apo," sabi ni Ilawi. "Darating at darating na mag-aaklas ang mga tibaro. Ang pagpasok ng mga tibaro sa Panalturan. Ang hangad nilang mapasakanila ang Ginto ng Buhay. Sapat nang senyales iyon. Kailangan na nating kumilos para sa gayon, makita at ipaalala sa kanila na tayo ang higit na makapangyarihan, hindi lang dito sa Gabun kundi pati sa Amalao."

Nakatingin kay Ilawi ang mga kapatid niya. Bawat salitang binitawan ni Ilawi, narinig nila—malinaw na tumimo sa kanilang isip.

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon