KABANATA 31: ALANGKAW, BAKIT?

789 47 3
                                    



SA KANYANG tore, pinakinggan ni Wayan ang sinasabi ng mga hayop na lumilipad-lipad sa labas ng kanyang bintana. Mga lumilipad na hayop ang mga ito na sa Gabun lang makikita. May iba't ibang klase ng pakpak at iba't ibang mga mukha kagaya ng isang tipaklong, daga, paniki, pagong, ipis at kung ano-ano pa. Mayroon ding mga insekto na iba't iba ang hitsura. May hugis bulaklak, dahon, bato, at kung ano-anong uri ng insekto na sa Gabun lang nabubuhay. Sarisaring mga hayop na lumilipad ang nagkukumpulan sa malaking bintanang iyon ni Wayan. Ikinukuwento nila kung papaano nila nakita si Alangkaw nang araw na kinuha raw niya ang ginto sa Panalturan.

"Humihingi kami ng paumanhin," halos sabay-sabay na sabi ng mga ibon sa sarili nilang salita.

Humawi ang lahat ng lumilipad na mga hayop at lumapit ang maliit na insekto kay Moymoy. Tiningnan ng insekto si Wayan. "Wayan, pakisabi kay Moymoy ang lahat ng sasabihin namin. Isalin mo para sa kanya ang sasabihin namin."

Tumango si Wayan.

"Pakisabi kay Moymoy na humihingi kami ng kapatawaran sa kanya," sabi ng insekto.

"Humihingi sila ng kapatawaran sa 'yo, Moymoy," pagsasalin ni Wayan.

"Tungkol saan?" halos walang damdamin na sabi ni Moymoy. Sa isip, alam niya kung ano ang ipinunta ng mga ibon.

"Siguro, si Alangkaw ang nakita namin. Kamukha kasi ni Moymoy. Kaya iyon ang sinabi namin sa mga diwata ng Sibol—na si Moymoy ang nakita naming lumilipad na may hawak sa ginto, galing sa Panalturan. Nawala sa isip namin na kamukha niya ang kapatid niya."

"Pero," sabat ng isang ibon sa mga kasama, "sabi ko sa inyo, si Alangkaw 'yon, eh. May pilat sa sa mukha si Alangkaw, si Moymoy, wala!"

"Sshh," sabi ng isa na may mukhang pagong. "Hindi ko naman nakita ang pilat!"

"Ako, nakita ko!" sabi ng isa.

"Ang gugulo ninyo!" sigaw ng isa. "Nangyari na 'to, wala na tayong magagawa!"

"Si Alangkaw! Si Alangkaw!" sigaw pa ng isa.

"Maaaring siya ang nakita namin!" sabi pa ng isa.

Nanatiling lumilipad-lipad ang mga ibon sa bintana ni Wayan.

"Muli," sabi ng isa pang hayop sa sariling salita. "Humihingi kami ng tawad kay Moymoy."

Naikuyom ni Moymoy sa kanyang mga kamay. Pumikit siya at nakaramdam ng sakit sa kalooban.

May katahimikan na naghari hanggang sa lumapit si Tracy kay Moymoy para aluin ito.

"Anak, hindi ganoon kadali ang makapasok sa Panalturan. At hindi ganoon kadali na makuha ang ginto, hindi ba? Paanong nakasisigurong nakita nga ng mga 'yan na pumasok si Alangkaw doon," sabi ni Tracy.

Hindi maiwasan ni Moymoy ang hindi mapatango. Oo, hindi ganoon kadali ang makuha ang Ginto ng Buhay.

"Mga tsismoso lang ang mga 'yan," ani Tracy na ang tinutukoy ay ang mga hayop na lumilipad-lipad sa may bintana. "Hindi dapat maniwala sa kanila nang basta-basta.

"Anak, alamin muna nating mabuti. Hanapin natin si Alangkaw," malumanay na sabi ni Tracy. "Alamin muna natin ang side niya. Kailangang marinig natin siya. Kung siya nga ang kumuha ng ginto, pakinggan din natin kung bakit niya iyon nagawa. Baka may mabigat na dahilan."

Bumaling si Wayan sa mga hayop sa bintana. "Makakaalis na kayo mga ibon. Maraming salamat sa pagpunta n'yo rito. Tatanggapin namin ang paghingi n'yo ng tawad."

Nagbulong-bulungan pang muli ang mga hayop. "Si Alangkaw nga 'yon! Si Alangkaw 'yon..."

Sabay-sabay, nagkahiwa-hiwalay ang mga sarisaring hayop. Lumipad sila sa iba't ibang direksiyon.

"Hindi iyon kukunin ni Alangkaw. Alam niyang importante sa akin ang pangako ko sa mga tibaro. Bakit niya kukunin iyon?" sabi ni Moymoy.

"Kapangyarihan, Moymoy," mabilis na sagot ni Wayan. "Sa umpisa pa lang na nakilala ko si Alangkaw, kapangyarihan ang gusto niya."

Kinagat ni Moymoy ang kanyang labi, pumikit at pinigilan ang pag-iyak sa magkahalong lungkot at galit. "Alangkaw... Bakit...?"

Patuloy ang paghaplos ni Tracy kay Moymoy para aluin. "Gaya ng sinabi ko, 'wag ka munang magalit sa kanya. Alamin mo muna ang lahat. Kahit na bali-baligtarin mo ang mga pangyayari, magkapatid kayo. Sa huli, kayo pa rin ang magkakampihan."

"Puwede ba 'yon, 'Ma?" tanong ni Moymoy. "Dapat, inintindi niya 'ko. Dapat inisip niya ang kapakanan ng lahat ng tibaro. Kung nasa kanya man ang ginto, dapat sinabi niya sa 'kin. Hindi ko alam na may itinatago pala siyang balak na kunin ang ginto."

"Anak... Anak... 'Wag kang pabigla-bigla."

"Pupuntahan ko siya sa Dalumdum," mabilis na sagot ni Moymoy.

Pero natigilan ang lahat sa pagdating ni Montar.

"May balita ako sa inyo," sabi ni Montar sa lahat. "Ang mga Apo, nalaman nila na nasa kamay ni Alangkaw ang ginto. Isang malaking banta ngayon sa kanila si Alangkaw. Iniisip ng mga Apo ng Sibol na may balak siyang masama sa Gabun. Dahil alam nilang pinalaki si Alangkaw ni Buhawan, iniisip nilang gagawin ni Alangkaw ang ginawa ni Buhawan sa kanila—ang lusubin gamit ang diwani ng Ginto ng Buhay."

"Magagawa ba 'yon ni Alangkaw?" tanong ni Tracy.

"Kung nagawa niya noon, puwede niyang gawin ngayon!" sagot ni Wayan. "Hindi natin alam ang takbo ng isip ni Alangkaw kahit noon pang kasama natin siya. Baka may balak na siyang gawin ito. Kapangyarihan ang nakakabulag sa kahit na anong kabutihan."

Inakbayan ni Tracy si Moymoy. Bumulong. "Malalagpasan mo 'yan, Moymoy. Walang problemang hindi nawawala. Kahit na ano'ng mangyari, narito si Mama, ha. 'Wag mong kalilimutan 'yan. Mahal na mahal kita."

Tumango nang bahagya si Moymoy sa sinabi ni Tracy at pagkatapos ay niyakap niya nang mahigpit ang ina-inahan. "Opo, 'Ma... Tatandaan ko ang sinabi n'yo. Tatandaan ko."

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon