KABANATA 41

735 40 2
                                    


HUMARAP ang mga bugani sa mga Apo na nanatili sa kalawakan. Inangat ng mga Apo ang kanilang mga kamay—ipinapakita sa mga bugani ang maluwag na pagtanggap sa palasyo mula sa kanilang matagal na pamamalagi sa ilalim ng lupa ng mga burol sa Sibol.

Marahan, bumaba ang mga Apo sa liwasan.

"Hindi pangkaraniwang mandirigma ang mga bugani! Lumilipad sila at malalakas ang puwersa!" patuloy na sabi ni Marino sa mga tibaro sa liwasan. "Sa ano mang oras ay lulusob ang mga bugani sa Dalumdum!"

Nagulat ang lahat sa kanilang narinig.

Naguluhan si Moymoy. Hindi!!! hiyaw ng isip niya. Hindi sila dapat lumusob sa Dalumdum!!!

"Kayong mga tibaro ng Gabun, hinihingi ko sa inyo na mag-ingat kayo! Magtago muna kayo sa inyong mga tahanan! Lulusob ang mga bugani sa Dalumdum! Ako, kasama ng mga Apo ng Sibol ay nais puksain ang ano mang kasamaang balak nina Buhawan at ang pinalaki niyang batang tibaro na si Alangkaw! Nagtayo sila ng hukbo laban sa Sibol! Nagtayo sila ng hukbo para kalabanin ang kabutihan! Nagtayo sila ng hukbo para malipol nila tayong lahat!"

Nagsimulang magkagulo ang mga tibaro. Mabilis silang nagsitakbuhan sa kani-kanilang mga tirahan.

"Hindi! Hindi! 'Wag kayong lulusob!!!" sigaw ni Moymoy.

Lumingon-lingon sa iba't ibang direksiyon si Moymoy, pero dahil nagkakagulo, hindi na niya makita ang mga kasama. May tumatakbo. May nagliliparang mga tibaro! Pumunta si Moymoy sa isang lugar para pagmasdan ang nangyayari. Hinanap niya si Tracy pero hindi niya makita.

Nakita ni Moymoy ang mukha ng mga bugani. Bigla nagngalit ang mga ito—nalukot ang mga mukha at naglabasan ang matatalim na kulay-puting ngipin. Ang kaninang maaamong mukha ay biglang nagmukhang halimaw na kulay-puti ang kabuuan.

"HUWAAAAGG!!!" sigaw ni Moymoy.

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon