KABANATA 17

634 44 0
                                    


PAGKAKITA sa sirena, napangiti si Sid. "Malapit na," napabulong siya sa sarili. Hudyat kasi na kapag nagdatingan ang mga sirena, malapit na siya sa kinaroroonan ng ginto.

Wala pang isang saglit, nakita ni Moymoy ang isang istrakturang nakatayo sa pinakailalim—sa dulo ng elevator. Isa itong gusali na kulay puti. Malinis ang gusali na walang bahid ng dumi. May kalakihan ang gusali na kuwadrado ang hugis at sa gitna nito'y may pabilog na bubungan. Doon papunta ang elevator na sinasakyan ni Sid.

Bago pa man nakalapit sa gusaling iyon, natigilan si Moymoy. Tumigil ito sa paglangoy papunta sa gusali nang palibutan siya ng naggagandahang mga sirena. Umikot ang mga iyon sa kanya. Nginitian siya ng mga ito. Namangha siya sa naiibang kagandahan ng mga sirena. Iba-iba ang kulay ng mga buntot nila. Nagniningning ang lahat ng mga iyon.

Pero biglang napaisip si Moymoy. Ano ang mga ito? Parang gingulo nila 'ko.

Lalo pa siyang nilapitan ng mga sirena. Nilapitan nila ang ulo ni Moymoy na nasa anyong isda.

Oo nga, ginugulo nila ako. Ayaw nila akong makarating sa kinaroroonan ng ginto! hiyaw ng isipan ni Moymoy. Alam nilang papunta ako sa kinaroroonan ng ginto!

Piniling lumayo ni Moymoy sa mga sirena. Pero muli pa siyang inikutan ng mga ito. Humarap sa kanya ang magagandang mukha ng mga sirena. Habang nakikita niya ang sarisari at magagandang mukha ng mga ito at ang kanilang nagniningning na buntot, may narinig siya sa kanyang isipan—may malamyos at kaakit-akit na melodiya siyang naririnig. Ngayon lang niya narinig ang musikang kaakit-akit at nakapagbibigay halina at aliw sa kanya.

Dahan-dahan, parang nakakaramdam ng antok si Moymoy sa musikang ibinibigay ng mga sirena. Hanggang sa unti-unti itong pumikit. Nawala sa isipan niya na isang isda ang kanyang anyo...

Dahan-dahan habang bumababa ang natutulog na si Moymoy, nagpaiba-iba ang kanyang anyo. Makikitang lumulutang-lutang paibaba ang parang patay-sinding ilaw kay Moymoy—paiba-iba ang anyo—ang tunay na anyo at ang anyong isda na palutang-lutang. Unti-unti kasi siyang nakakatulog sa naririnig na musika sa isipan. Hanggang sa tuluyang nanatili, lumutang-lutang sa kailaliman ng tubig si Moymoy sa tunay na anyo.

Isa sa mga naggagandahang sirena ang lumapit sa lumulutang-lutang na si Moymoy. Pinagmasdan niya ito. Umikot-ikot kay Moymoy. Unti-unti, nag-iba ang mukha nito. Unti-unting naging damugong ang kanyang mukha! Natakot ang ibang mga sirena at mabilis na lumangoy palayo! Kasabay nito, biglang nagising si Moymoy—nakaramdam ng pagkalunod!

Hindi napansin ni Sid ang nangyayari sa labas ng elevator. Pero ang langaw na nagsumiksik ay biglang lumipad sa likuran niya dahil nakikita nito ang nangyayari kay Moymoy. Nakikita ng langaw na papalapit ang damugong kay Moymoy!

Hindi malaman ng langaw ang gagawin. Lumipad-lipad ito sa salamin. Natigilan si Sid. Nakita niya ang langaw na lipad nang lipad na parang balisa. Biglang nag-iba ang anyo ng langaw—si Alangkaw!

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon