KABANATA 4. TANONG NI MOYMOY Part 3

886 44 2
                                    


            "Halina kayo," pag-aaya ni Lola Joy. "Let's have fun!"

Masayang naglakad at nagpunta sina Moymoy, Tracy, Montar, Ella, at Mr. Velasco sa selebrasyon. Lumipad naman si Lola Joy papunta sa liwasan kung saan pinagdiriwang ng mga tibaro sa Salikot ang pagdating ni Moymoy.

PAGKATAPOS ng selebrasyon sa liwasan, nagpunta si Moymoy sa bahay ni Lola Joy. Kumain sina Moymoy, Tracy, Ella at Montar. Naroon din ang magkapatid na sina Luigi at Carla kasama ang mommy nilang si Lea. Gaya ng mga tao o buntawi, mga lutong karne, isda, at gulay din ang ulam ng mga ito kaya hindi nailang sina Tracy at Ella na kumain.

Nang maligpit na ang mga pagkain, inilapag ni Lola Joy ang malapot na tsokolate sa mesa. Hinati niya ang katawan at nilapitan ang bawat isa, sinalinan ang kani-kanilang tasa ng mainit na tsokolate.

"Moymoy, I know, my hot tsokoleyt is your favorite, kaya ginawa ko ito kaagad," magiliw na sabi ni Moymoy.

"Maraming salamat po, Lola Joy," nakangiting sabi ni Moymoy.

"Don't mention it," tugon ni Lola Joy.

"Montar," ang sabi ni Tracy, "ang sabi mo kanina, nakikita ni Lea ang hinaharap—ang future?"

"Oo," sagot ni Montar. "Isa siyang kadwa. Marami pang kadwa dito sa Amalao. Ang kadwa ang pumapangalawang makapangyarihan sa Gabun noon. Pangalawa sa mga apo. Kaya lang naakit sila sa buhay dito kasama ang mga tao kaya pinili nilang mabuhay dito. Pero wala silang alaala sa kanilang buhay sa Gabun."

"Si Lea ang diyosa ng tadhana. Nakikita niya ang hinaharap. May mga kadwang kagaya niya na nakakaranas pa rin ng dati nilang kapangyarihan, gaya ni Lea," pagpapaliwanag ni Montar.

"Talaga?" sagot ni Tracy.

"At ikaw, Tracy, ikaw ay dating kadwa," pagpapatuloy ni Montar.

"Ows, ako, diyosa?"

"Oo," muling sagot ni Montar. "Ikaw ang diyosa ng pangangalaga, kaya ikaw ang pinili kong mag-aruga kay Moymoy."

Napanganga ang lahat, lalo na si Tracy at Moymoy.

Hinawakan ni Moymoy ang kamay ni Tracy.

"Alam kong magiging mabuti kang ina kay Moymoy, kaya ikaw ang pinili ko," sabing muli ni Montar.

"Moymoy," isinandal ni Tracy ang ulo sa balikat ni Moymoy. "Kahit wala akong nalalaman sa pangangalaga ng isang anak, aalagaan ko ang anak na gaya ni Moymoy. Mabait at masunurin sa magulang."

Bumulong si Tracy kay Moymoy at malambing na nagsalita. "I love you anak... Don't change, ha. Mahal na mahal ka ni Mommy. At lagi kang mag-iingat. Ipangako mo sa akin.

Natigilan ang lahat nang pagdating ni Lola Joy sa kinauupuan ni Lea ay bigla itong umungol. Naging kulay-puti ang mga mata niya.

"Si Lea!" bulalas ni Lola Joy. "Bilang, diyosa ng tadhana may gusto siyang sabihin!"

Mabilis na lumipad pabalik si Lola Joy sa kinaroroonan ng kalahating katawan at dumikit siya roon.

May kabang nararamdaman ang lahat habang inaabangan ang sasabihin ni Lea.

Tumingala si Lea at nagsimulang magsalita. Lumaki at lumamig ang boses niya. Umalingawngaw.

May mangyayaring masama! Kailangang mag-ingat tayong lahat! May mangyayaring digmaan! May mawawalan ng buhay! May digmaaan! Si Moymoy! Si Diyosang Liliw!

"Lea, ano'ng mangyayari?" tanong ni Lola Joy.

Humingal si Lea. Unti-unting humarap sa lahat at marahang nawala ang kulay puti sa mga mata niya. Bumalik iyon sa normal.

"May nakikita akong digmaan. Madugong digmaan. May mamamatay, Moymoy!" Halos maiyak si Lea habang nagsasalita. "Malulungkot ka nang sobra. Hindi mo matatanggap ang pagkamatay niya!"

"Sino? Sino po ang mamamatay?" tanong ni Moymoy.

Umiling si Lea. Kinagat ang labi. Pinigilan niya ang pag-iyak. Hinawakan niya ang kamay ni Moymoy. "Isa lang ang paraan, Moymoy, gamitin mo ang diwani mo. May mahika ka. May kapangyarihan ka. Gamitin mo para sa mga mahal mo sa buhay."

Napakunot-noo si Moymoy. "May mamamatay? Sino po?"

"Basta, mag-ingat ka. Proteksiyunan mo ang mga mahal mo sa buhay." Yumuko si Lea, pinigilan ang sariling sabihin ang lahat-lahat.

Naguluhan at kinabahan ang lahat ng nakaupo sa mesang iyon.


Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon