KABANATA 28

655 46 2
                                    

SA TERASA ng liwasan, nagsimulang mag-anunsiyo si Marino.

"Mga tibaro ng Gabun, naging saksi kayo! Walang kinalaman si Moymoy sa nawawalang Ginto ng Buhay!"

Napangiti si Moymoy at pagkatapos, napakagat siya sa labi. Halos maiyak sa tuwa.

"Kung gayon," pagpapatuloy ni Marino, "nakanino ang ginto?! Sino sa inyo ang kumuha ng Ginto ng Buhay sa Panalturan?! Sino sa inyo ang nakapasok sa Panalturan?!"

Tumahimik ang lahat.

"Kung sino man sa inyo ang kumuha ng ginto, hindi namin kailangan ang iyong dahilan! Kung sino ka man, isa lang ang layon mo! Gusto mo ng kapangyarihan! Gusto mong magkaroon ng kapangyarihan gaya naming mga Apo! Kapag nalaman namin kung sino ang pumasok sa Panalturan at kumuha ng ginto, dudurugin ka namin! Gusto mo ng digmaan?! Kung digmaan ang kapalit nito, humanda ka sa digmaan!"

Naghiyawan ang mga tibaro ng Gabun.

"Mga tibaro ng Gabun, hanapin ninyo ang salarin!" muling sabi ni Marino.

Nagtinginan ang magkakapatid na Apo at pagkatapos ay tiningnan nila ang mga tibaro at si Moymoy na nakatayo sa tore. Naroon pa sa likod niya ang malalapad na pakpak.

Dahan-dahang lumipad si Moymoy pababa, papunta sa mga tibaro. Pag-apak niya sa lupa, humawi ang mga tibaro—binigyan ng daan si Moymoy. Nginitian ng mga ito si Moymoy. Sinuklian naman niya ang mga ito ng ngiti.

Sa pinakadulo sa nakahawing mga tibaro, naroon sina Wayan, Hasmin, Montar, at Tracy. Tuwang-tuwa si Moymoy pagkakita kay Tracy. "'Ma!"

Masayang-masayang lumapit si Moymoy sa kinaroroonan nina Wayan, Hasmin, Montar, at Tracy.

Maligayang-maligaya rin si Tracy. "Anak!" Malugod niyang niyakap si Moymoy nang makalapit sa kanya.

"'Ma! 'Ma..!" Niyakap ni Moymoy nang mahipit si Tracy.

Sa kanyang harap, nakita niya si Hasmin. Hinawakan niya ito sa balikat. "Hasmin... Salamat..."

Ngumiti nang matamis si Hasmin. "Alam ko naman na matatalo mo si Hiling-Hiling. Alam ko naman na hindi ikaw ang salarin."

Natigilan si Moymoy. Bigla siyang may naisip. Lumingon-lingon siya na may hinahanap.

"Moymoy," tanong ni Tracy sa kanya.

"'Ma—si Alangkaw, nasaan?"

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon