KABANATA 36: ANG LIHIM NI ALANGKAW

778 47 10
                                    



LAGI kong sinusundan si Inay, kahit saan siya magpunta. Sa iba't ibang anyo, sinusundan ko siyang lilipad-lipad bilang isang alitaptap. Sa mga hardin, sa mga batis at ilog. Sa pinangangasiwaan niyang kagubatan. Sa mga halaman, sa mga punongkahoy, sa mga bulaklak. Malaki ang paggalang ng mga tibaro kay Inay, maging sa Amalao man o dito sa Gabun.

Hanggang sa minsan, ipinatawag siya ng mga Apo sa Sibol. Patuloy pa rin ang pagsunod ko sa kanya, hanggang sa magpunta sila sa Batis ng Alaala. Umalis na ang mga kapatid niyang mga Apo, pero nanatili si Inay sa loob ng Batis ng Alaala. Hinintay ko siyang lumabas doon.

Malungkot si Inay na lumabas sa Batis ng Alaala. Kahit na isang alitaptap si Inay, nakikita at nararamdaman ko ang nararamdaman niya. Sinundan ko siya nang sinundan, hanggang sa makarating siya sa Bahay Labwad.

Pumasok si Inay sa Bahay Labwad bilang isang diyos. Nagniningning ang buo niyang katawan na lumapit kay Ingkong Dakal.

"Ingkong Dakal, malaki ang naging kasalanan ko sa mga kapatid ko, alam mo iyan. Gusto kong magtanong sa 'yo," sabi ni Inay kay Ingkong Dakal.

"Ano 'yon, mahal na Diyosa?" tanong ni Ingkong Dakal.

"Pinapipili nila ako—gusto nilang mamuno ako sa pinangangasiwaan kong kagubatan, pero sa isang kundisyon—gusto nila'y kalimutan ko ang nakalipas kong buhay kay Ronado—ang lalaking tibarong mandirigma na minahal ko at ang mga anak kong sina Moymoy at Alangkaw. Hindi ko iyon basta-basta magagawa. Gusto kasi nilang mamuno ako nang walang damdamin. Gusto nilang mamuno ako nang walang emosyon para maging maayos daw ang kalikasang pinangangasiwaan ko."

"Mahal na Diyosa, ano ang gusto mong mangyari?"

"Gusto ko silang pagbigyan. Gusto kong mamuno sa kalikasan nang maayos. Pero gusto ko ring makasama ang mga anak ko. Hindi ako makapapayag na mawala sila sa alaala ko. Ano ang gagawin ko?"

Pumikikit si Ingkong Dakal. Nagningning ang korona sa kanyang noo. Unti-unti ang mga librong nakahilera sa mga dingding sa loob ng Bahay Labwad ay gumalaw-galaw. Nagulat ako sa nakita ko.

Binuksan ni Ingkong Dakal ang mga mata niya at nagsalita. "Mahal kong diyosa, higit kang may kapangyarihan kaysa sa akin. Isa kang Apo. Naririyan ang sagot."

Lalo pang gumalaw-galaw ang mga libro. Ang iba'y nagliparan at bumukas ang lahat ng mga pahina.

Nagsalita na muli si Ingkong Dakal. "Ang Libro ng Pagkabuhay..."

Mula sa pinaka-itaas ng bulwagan, kasama ng mga nakasalansang mga librong patuloy sa paggalaw—labas-masok sa kinalalagyan ng mga ito, naroon ang pinakamalaking libro. Gumalaw-galaw, labas-masok at umalis itong bigla sa kinalalagyan. Lumipad-lipad iyon. Bumukas ang libro. Nagsalin-salin ang pahina hanggang sa magpunta iyon sa harap ni Inay.

"Iyan ang Libro ng Pagkabuhay, mahal kong diyosa," sabi ni Ingkong Dakal.

Lumipad paitaas ang libro. Lumaki iyon nang lumaki. Nagpasalin-salin ang mga pahina hanggang sa unti-unting lumabas doon ang mga pakpak. Unti-unting nabuo ang mga pakpak na nanggaling sa libro. Pakpak iyon ng isang paro-paro. Lumaki nang lumaki ang paro-paro. Iba-iba ang kulay. Nagningning ito habang lumilipad. Hanggang nakita ko ang nagmamay-ari ng mga pakpak. Isang magandang babae.

"Ako ang Mariposa," sabi ng paro-paro.

Naglakad papalapit si Mariposa kay inay.

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon