KABANATA 20: ANG SELEBRASYON

670 47 3
                                    



WALANG kapantay ang kaligayahang nararamdaman ng lahat ng tibaro ng Gabun.

Buhat-buhat ng mga tibaro sina Moymoy at Alangkaw. Tuwang-tuwa. Tatlong araw at tatlong gabi na silang nagdiriwang. At ito ang pinakahuling gabi—ang kabilugan ng buwan na hinihintay nila—na mapapawi ang sumpa. Babalik ang tunay nilang anyo. Babalik ang dati nilang kagandahan. Hindi na sila katatakutan o pandidirihan ng kahit na sino.

Nasa liwasan ng Malasimbo ang lahat. Nagkakantahan. Nagsasayawan. Walang kahit na sinong nagpalit ng anyo. Ang mga manananggal, hindi nila naisipang hatiin pa ang kanilang mga katawan.

Sa tore, naroon si Wayan, kausap ang Kawa.

"Magsasanib na tayo, Kawa. Matagal ko itong hinintay," sabi ni Wayan.

"Oo," tugon ng Kawa. "Magsasanib na tayo. Nasa akin ang diwani mo. Magkakaroon ako ng buhay sa iyo. Babalik na ang maganda nating mukha sa iyong katawan."

Mula sa bintana ng kanyang kastilyo, tuwang-tuwa si Wayan habang nakamasid sa mga tibaro na nagdiriwang. Mayamaya, dumating si Montar.

"Wayan, halika na! Malapit nang mapawi ang sumpa! Sabay-sabay nating ipagdiwang ang tagumpay ng lahat!" pag-aaya ni Montar.

Sa mga sandaling iyon, halos nakikita ang lahat ng parte ng mukha ni Wayan dahil natutuwa siya at sabik na sabik na mawala ang sumpa. Pinagmasdan niya ang maliwanag na buwan at pagkatapos ay bumaba kasama si Montar papunta sa liwasan.

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon