KABANATA 30

700 46 1
                                    

HABANG naglalakad sina Alangkaw at Buhawan papunta sa palasyo ng Dalumdum, nagulat si Buhawan sa mga nakikita. Sa dinaraanan nila, kahit na madilim ang paligid, nakita niyang hindi na gaya ng dati na tuyo ang lupa at walang mga halaman. Yumabong at naging malusog ang mga halaman at punongkahoy. At kahit papalubog ang araw, nakita niya ang iba't ibang klase ng mga ibon at paru-paro na nagliliparan sa paligid. Napangiti si Buhawan—ang ganda-ganda na ng tanawin. Lalo pang nakapagpapaganda ang miminsang sinag ng araw na sumisilip sa mga dahon at sanga ng mga punongkahoy. Naging presko ang kapaligiran—miminsang nararamdaman ang banayad na ihip ng hangin sa kanyang mukha.

"Paanong nangyari 'to," tanong ni Buhawan. "Sino'ng nag-aalaga sa mga halaman. At sino'ng naglilinis sa kapaligiran."

Ngumiti lang si Alangkaw at pinagmasdan din ang nakapaligid na hardin.

"Alangkaw, hindi mo pa rin ako sinasagot. Sino ang naglinis at nag-aayos ng palasyo?"

"Malalaman mo mamaya kung bakit."

Lalo pang namangha si Buhawan nang magbukas ang malaking pinto ng palasyo. Nakita niyang bukod sa maliwanag ang paligid, malinis at maayos ang mga gamit sa loob nito. Inilibot nito ang tingin. Maraming magagandang muwebles ang naroroon. Bagong-bago ang disenyong nasa dingding at kisame. May mga inukit na iba't ibang disenyo ng halaman na namumulaklak na parang gumagapang sa paligid. Makulay ang paligid pero nangingibabaw ang kulay-ginto.

Sarisaring muwebles ang nasa unang bulwagang mapapasukan. Lahat ng mga iyon ay malinis at nasa tamang lugar. Nakita niya ang magagandang aranya na nakasabit sa buong palasyo. Naggagandahan ang mga iyon; nateternuhan ang disenyong nasa kisame at dingding ng palasyo. Dominante rin ang kulay-ginto sa mga ito. Hindi makapaniwala si Buhawan sa nakikita.

Biglang tiningnan ni Buhawan ang dulong bahagi ng bulawagang iyon—ang kinaroroonan ng kanyang trono. Naroon pa rin ang trono niya katabi ang trono ni Alangkaw. Gaya ng paligid, malinis ang mga ito at may bagong disenyo. Pinagmasdan niya ang paligid—kulay-ginto ang paligid. Naging maringal ang dati niyang palasyo!

"Ito lang ba ang dahilan kung bakit mo 'ko pinapunta rito? Kung paano mo inayos ang aking palasyo?" tanong ni Buhawan kay Alangkaw.

Tiningnan ni Alangkaw si Buhawan. Sa mukha ni Alangkaw, walang bakas na ekspresyon sa kanya. "Hindi. Hindi 'yan ang dapat kong ipakita sa 'yo."

"May inililihim ka?"

Hindi sinagot ni Alangkaw si Buhawan. Muli pa silang naglakad. Sa dulo niyon. Sa likuran ng kinarororonan ng kanilang mga trono, umakyat sila sa malaking hagdanan. Sa isang bulwagan na kasinlinis at kasingganda ng unang bahagi ng palasyo, nagpatuloy sila sa paglakad. Binuksan ni Alangkaw ang malaking pinto na nasa dulo ng bulwagan. Biglang tumambad ang liwanag na nanggagaling sa malaking silid.

Nagniningning ang paligid ng silid. Napatingala si Buhawan. Nagulat siya sa nakita. "Ang ginto? Ang Ginto ng Buhay ng mga Apo!"

Sa pagpasok ni Alangkaw, hindi ang ginto ang tiningnan niya, kundi ang babaeng nakahiga na nasisinagan ng liwanag na nanggagaling sa ginto.

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon