KABANATA 26: PAGSUBOK NG KATOTOHANAN

645 44 0
                                    



PATULOY ang nakabibinging boses na pinapakawalan ng mga diwata. Nilakasan pa nila ito nang makarating sa malaking kuwebang nasa mataas na bahagi ng bundok. Pagkaraan ng ilang saglit, dahan-dahang bumukas ang malaking batong nakatakip sa kuweba. Lumabas ang dambuhalang ulo ng isang ibon. Mahaba at malaki ang kanyang tuka. Bilog na bilog ang mga mata. Marahan itong lumabas ng kuweba. Ibinuka niya ang mga pakpak at pinagpag iyon sa katawan.

Unti-unti, huminto ang mga diwata sa paglikha ng malakas na boses.

Nagpalinga-linga ang dambuhalang ibon na si Hiling-Hiling.

Naiibang ibon si Hiling-Hiling. Matingkad ang mga balahibo kaya lalo pang nagningning ang mga ito sa sinag ng araw. Kulay pula ang mahabang tuka nito at bilog na bilog ang mga mata.

Sumiyap-siyap si Hiling-Hiling. Malakas na siyap na dinig ng lahat. Ibinuka pang muli ang mahaba niyang tuka at ganoon din ang malalapad niyang pakpak. Ginalaw niya ang buong katawan, ikinampay ang mga pakpak at tuluyang lumipad papunta sa liwasan.

Pinagmasdan ni Moymoy ang dambuhalang ibon na lumilipad sa kalawakan. Namangha siya sa laki at hitsura ng kabuuan nito. "Hiling-Hiling?"

Nilibot ni Hiling-Hiling ang buong Sibol. Pagkatapos ay nagpunta sa taas ng liwasan, lumilipad na inikutan iyon. Huminto siya sa harapan ng terasa ng palasyo na kinaroroonan ng mga Apo. Isang malambing na siyap ang pinakawalan nito—nagbigay-galang sa mga Apo.

Sumenyas ang mga Apo kay Hiling-Hiling. Pagsenyas ng pagsagot at pagtanggap sa pagbibigay-galang nito.

Itinaas ni Marino ang kamay at sumenyas kay Hiling-Hiling. Lumipad ito palayo. Lumipad-lipad sa itaas ng liwasan at pagkatapos ay pumaimbulog sa kalawakan.

"Mga tibaro ng Gabun! Pagmasdan ninyong mabuti, kung itong batang tibarong laking-Amalao na si Moymoy ay nagsasabi ng totoo! Totoo bang wala sa kanyang mga kamay ang Ginto ng Buhay?! Matapat ba siya sa ipinangako niya sa inyo na siya ang papawi ng sumpa?! O baka naman, hangad din niya ang kapangyarihan ng ginto!"

Maririnig ang bulungan ng mga tibaro. Ilang saglit lang ang bulong na iyon at pagkatapos ay unti-unting lumakas nang lumakas, hanggang sa sila'y naghiyawan.

Bumilis ang paglipad ni Hiling-Hiling. Lumipad-lipad muli sa itaas ng liwasan. Nagyayabang ito sa kanyang kakayahan.

Patuloy sa paghiyaw ang mga tibaro. Nanatiling nakatingin si Moymoy sa mga nangyayari. Pero hindi mawala ang kanyang tingin kay Hiling-Hiling.

Lumipad si Hiling-Hiling sa itaas. Magkakasunod at malalakas na pagsiyap ang narinig mula sa kanya habang lilipad-lipad itong umiikot sa liwasan. Mayamaya, nilapitan niya ang kinaroroonan ni Moymoy, lumipad-lipad siya paikot sa tore. Ibinuka niya ang bibig at pagkatapos ay muling umakyat sa itaas. Bigla itong bumulusok papunta kay Moymoy.

Nanlaki ang mga mata ni Moymoy habang nakikita ang nakabukang tuka ni Hiling-Hiling na papalapit sa kanya. Pagkatapos ay bigla siyang nilunok nito!

Pagkalunok ni Hiling-Hiling kay Moymoy, isang malakas na hiyawan ang narinig mula sa mga tibaro. At pagkatapos ay unti-unti silang tumahimik, inaabangan ang susunod na mangyayari.

Patuloy na lumipad si Hiling-Hiling. Dumapo siya sa tore. Isang malakas na siyap ang pinakawalan niya at muling lumipad.

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon