KABANATA 1: ANG PANUNUMPA Part 2

1.3K 68 4
                                    


            Patuloy pa rin ang pagkidlat. Inihinto ni Sid ang sasakyan sa harap ng gate ng palasyo. Tinakpan niya ang mukha at nagtago sa likod ng manibela. Natatakot siya sa walang tigil na pagkidlat.

"Buwisit..." bulong niya.

Nakita ni Sid ang isang matandang lalaki na nagbukas ng gate. Pinaandar ni Sid ang sasakyan. Pumasok siya sa mahabang driveway ng Palasyo Nasyonal. Kahit na miminsang iniiwas ni Sid ang mukha sa patuloy na pagkidlat, hindi nakatakas sa paningin niya ang maringal na palasyo na napakaprominente sa lugar na iyon hindi lang dahil napakalaki nito kundi sa kulay nitong puti.

Napangiti si Sid. Saglit na nakalimutan ang sunod-sunod na kidlat nang makita kung gaano kaganda at kalaki ng palasyo. Napanganga siya sa pagkamangha. Mula sa oras na ito, sa palasyong ito na kasi siya titira. Ang Palasyo Nasyonal ang nagiging tirahan ng nahahalal na presidente ng Pilipinas.

Napatingin siya sa side mirror. Naroon pa rin sa gate ang lalaking nagbukas at nagsara ng gate. Nagulat siya nang biglang itong naging malaking asong kulay-itim. Tumahol ng tatlong beses at biglang tumakbo sa mga punongkahoy. Ipinilig ni Sid ang ulo niya. Hindi makapaniwala sa kanyang nakita. Pagkatapos ay itinuloy ang pagda-drive palapit sa palasyo.

KANINA pa nakatayo sa entablado si Sid, hawak niya ang mikropono. Narito ang pinakamalaking bulwagan ng Palasyo Nasyonal. Dito nagtitipon-tipon ang mga importanteng tao para sa mga pagpupulong na nagaganap sa palasyo. Gaya ng ginawa niya sa Quirino Grandstand sa Luneta, nakataas ang kanyang kanang kamay at nanunumpa. Ito ang pangalawang oath taking ni Sid Cervantez. Inilibot niya ang paningin sa paligid. Nakita niyang seryosong nakikinig ang mga naroon sa kanya.

Iba-ibang hitsura ang mga bisita niya sa lihim na oath taking na iyon. Mandatory kasi iyon sa isang kahahalal lang na presidente. Na dapat siyang magpakita sa mga bisitang naroroon pagkatapos ng oath taking sa Luneta. Naiiba ito, hindi televised at walang press na naroroon.

"Isinusumpa ko na magiging tapat ako sa lahat ng mga tibaro. Isinusumpa ko na hindi ko sila gagambalain. Bilang presidente ng Pilipinas, wala akong ipapahamak kahit na isang tibaro."

Ang kaninang seryosong pakikinig at pagbubulong-bulungan ng mga bisita sa palasyo ay naging malakas na palakpakan. Tumayo pa ang mga ito. Isa sa mga ito ang hindi na mapigilan ang sarili. Si Abakay. Biglang humati ang katawan at nagkaroon ng maitim na mga pakpak. Lumipad-lipad siya sa bulwagan. Pinagmasdan siya ng iba pang mga bisita. Natutuwang nagpapalakpakan pa rin ang mga ito.

Sumimangot si Manarang na nasa kabilang mesang kinaroroonan ni Abakay. "Hay, naku, nagpasikat na naman ang luka-luka," sabi niya sa sarili habang patuloy sa pagpalakpak.

Pero gaya ni Abakay, ang iba, dahil masaya ang mga ito at nagustuhan ang panunumpa ni Sid, nagpalit ng anyo ang mga aswang. Ang mga manananggal ay nahati ang mga katawan. Nagliparan sila sa malaking bulwagan.

Ikinagulat ito ni Sid Cervantez. Hindi niya inaakalang totoo nga ang nababalitaan niya. Ang totoo'y sinabihan siya ng papaalis na presidente na kailangan niyang daluhan ang pagpupulong na ito. Sinabi kasi nito na kapag hindi niya tinupad ang pagpunta rito ay maaari niyang ikamatay. Hindi nito sinabi nang diretsahan na mga tibaro, mga lamang-lupa ang dadalo sa pagtitipon na iyon. Ang sinabi lang nito—mga maimpluwensiya at makapangyarihang tao ang darating.

"Hindi mo maaaring bale-walain, Sid, ang pagdalo sa oath taking na gaganapin sa Palasyo Nasyonal," sabi ng papalitan niyang presidente noong gabing magkita sila matapos ang resulta ng botohan. "Puwede mong ikamatay kapag hindi ka dumalo. Ang naririnig mong mga kababalaghan, totoo ang mga iyon. 'Wag mong ikagulat. May mga aswang at mga manananggal. At kung ano-ano pa na akala mo ay hindi totoo. Ihanda mo ang sarili mo."

Pinagtawanan siya ni Sid. "Ano'ng pinagsasasabi mo?"

Mariin ang pagkakasabi ng mga sumunod na salitang binitawan ng kausap. "Totoo. Malalaman mo rin 'yan. Lahat ng presidente, nanunumpa sa kanila sa unang gabi ng pagtira sa Palasyo Nasyonal. Ihanda mo ang sarili mo. Higit pa sa imahinasyon mo ang makikita mo."

Kahit matagal nang umalis sa tagong lugar na pinagtagpuan nila ng dating presidente, hindi pa rin makapaniwala si Sid. Pero ang totoo, kahit na sinasabi niya sa kalooban na hindi siya naniniwala, may isang bahagi sa isipan ni Sid na nagsasabing may katotohanan ang mga nakikita niya sa TV at kung saan-saan pang media tungkol sa mga aswang at manananggal, at iba't ibang tibaro.

NAPAPANGGANGANG pinagmamasdan ni Sid ang mga tibarong nagpapalit-palit ng anyo at nagliliparan sa bulwagan ng Palasyo Nasyonal. Kanina, kung napapapikit siya sa takot dahil sa sunod-sunod na pagkidlat, ngayon, hindi niya alam ang mararamdaman. Natatakot siya pero ayaw niyang ipikit ang mga mata. Natatakot siya, pero inaalam niya kung totoo ang kinatatakutan. Para siyang mahihimatay, pero pinipigilan ang sarili.

Natigilan ang lahat sa pagdating ng isang taong pamilyar sa kanilang lahat—ang dating presidente. Nagsimulang magbulong-bulungan ang lahat. Pinagtakhan ang pagdating nito.

Dumiretso ang dating presidente sa entablado.

"Bakit ka narito?" sabi ng isang tibaro na nasa harap ng entablado.

Kinuha ng dating presidente ang mikropono. "Wala si Buhawan, ang inyong pinuno. Napag-isip-isip ko na hindi opisyal ang panunumpang ito ni Sid Cervantez kung wala siya. Kailangan ang basbas ni Buhawan na siya ang kikilalaning pinuno ng bansang ito." Si Sid ang tinutukoy niya.

Dumiretso si Manarang papunta sa entablado. "Teka lang! Teka lang, ano'ng ibig mong sabihin? Hindi puwede ang ganyan! Siya na ang presidente at hindi na ikaw! Kahit na wala si Buhawan, bawat presidente na papalit, ganito ang nakaugalian natin!"

Lumakas nang lumakas ang bulungan ng mga tibaro. Bumalik ang lahat ng nagliliparan sa bulwagan sa kani-kanilang mesa.

"Gusto kong mamalagi rito! Hindi pa ako tapos!" sigaw ng dating presidente. "Gusto kong bahaginan n'yo pa ako sa ginto!"

"Sabi ko na nga ba, mukha kang pera!" sigaw ni Manarang sa kanya.

"Kung hindi n'yo ako papayagan," matapang na sabi ng dating presidente, "isisiwalat ko sa lahat ang tungkol sa inyo!"

Nabigla si Abakay sa narinig. Bigla niyang hinati ang katawan at sinugod ang dating presidente sa entablado. "Ulol! Umalis ka riyan!"

Biglang kinagat ni Abakay ang dating presidente.

"Abakay! Ayan ka na naman!" Napasigaw si Manarang.

Nanlaki ang mga mata ng dating presidente. Napaurong na nakahawak sa leeg na kinagat ni Abakay. Bumubulwak ang dugo sa leeg nito.

Naghiyawan ang mga tibaro. May mga aswang na nagpalit ng anyo na malahalimaw. May mga manananggal na naghati ng kanilang katawan. May mga ekek at wakwak na nagpalitaw ng kanilang tunay na anyo. May mga duwende, tiyanak, at iba pang tibaro na iba-iba ang mga anyo ang naglitawan sa loob ng bulwagan.

"Tuluyan na 'yan!" sabi ng isang aswang na halimaw ang kabuuan. Bigla siyang lumipad papunta sa entablado at kinagat na rin ang dating presidente. Umatake pang muli si Abakay. Hindi nito nagawang sumigaw. Pinilit niyang tumakbo hanggang makarating siya sa gitna ng bulwagan. Doon, pinagpiyestahan siya ng mga tibaro. Walang patawad na nilapa ng iba pang mga tibaro.

Si Abakay, sa gitna ng bulwagan, lumilipad-lipad siyang nakamasid sa nangyayari. "'Yan ang bagay sa 'yo." Humahalaklak itong tumingin kay Manarang na nasa entablado.

Napatingin si Manarang sa takot na takot na si Sid. Hindi ito nakagalaw sa kinatatayuan. "See what will happen? Kung kakalabanin mo kaming mga tibaro. Kung babalewalain mo kami, ganyan ang mangyayari sa 'yo."

Nang-uuyam na ngumiti si Manarang. Gaya ni Abakay, ang ngiti niya'y naging halakhak.

Ibinuka ni Sid ang bibig, napabulong sa sarili. "Bu-ha-wan...?"

Napatingin si Manarang kay Sid.

Itinuloy ni Sid ang sinasabi niya. "S-sino'ng Buha...wan?"

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon