KABANATA 5: PINILI NI LILIW

896 43 1
                                    


TUMAMLAY na ang mga balita tungkol sa mga aswang at manananggal na umatake sa condo unit ni Sandra Navaro. Kanina pa siyang hapon nakauwi. Sinisiguro niyang makauwi galing opisina bago mag-alas-singko. Nawiwili kasi siyang pagmasdan ang papalubog na araw sa Ilog Pasig hanggang sa tuluyan nang dumilim ang Kamaynilaan. Hanggang sa magningning ang ilog dala ng repleksiyon ng ilaw na nanggagaling sa mga gusali.

"What a sight! Ang ganda!" malaya niyang bulalas.

Pawis at dugo ang ipinuhunan ni Sandra sa paglilinis ng Ilog Pasig. Malapit na niyang matapos ang pangangasiwa ng paglilinis nito. Kung kani-kanino siya humingi ng tulong sa mga ahensiya ng gobyerno at sa private sector. Humingi rin siya ng foreign fundings para malinis at ma-rehabilitate ito nang husto.

Kasabay ng pagre-rehabilitate ng Ilog Pasig, walang tigil si Sandra na makiusap sa mga pulitiko na tulungan siyang kontrolin ang mga minahang naninira ng kalikasan sa maraming kabundukan ng bansa.

Nirerespeto naman ng karamihan ang adbokasya ni Sandra, at kadalasan tinutulungan siya ng mga ito.

Gaya ng dati, minsan, sa sopa nakakatulog si Sandra. Kapag nakakatulog na siya, magliliwanag ang kanyang kabuuan. Magmumula iyon sa payapa niyang mukha hanggang sa lilibot ito sa buo niyang katawan. Parang alon na lumilibot ang liwanag sa buong katawan niya. Maiipon ang liwanag at magpupunta sa kanyang ulo at magniningning. Liliit iyon nang liliit hanggang sa maging alitaptap. Ang alitaptap na ito'y walang iba kundi si Diyosang Liliw.

Umikot-ikot ang alitaptap sa condo unit at pagkatapos, lumabas ito sa maliit na siwang ng bintana. Nagpalibot-libot iyon sa himpapawid.

Gusto kong makita ang mga anak ko.

Sa paglipad niya sa mga punongkahoy sa Rockwell, gaya ng dati, nagbibigay-galang ang mga tibarong nadadaanan niya.

Binabati at yumuyukod ang mga tibaro gaya ng mga kapre, tikbalang, duwende, tiyanak, nuno, at kung sino-sino pa na kanyang nakakasalubong.

Sumalubong kay Liliw ang napakaraming alitaptap.

Magandang gabi, Diyosang Liliw.

Sa harap ni Liliw, kumislap-kislap ang mga alitaptap at kumalat ang mga iyon sa makapal na dahon ng punong balete. Sa dami ng mga ito, nailawan ang kabuuan ng puno. Nagningning ang puno.

Habang pinapanood ni Liliw ang mga alitaptap, nagsimula silang kumanta.

Diyosang Liliw, Diyosang Liliw.

Alay namin sa iyo, paggalang na totoo.

Kumikislap, nagniningning.

Pagmamahal namin sa inyo'y umaapaw.

Pagkat kayo lang ang aming diyosa.

Ang kalikasan ay magmamaliw, kung ika'y wala.

Diyosang Liliw, Diyosang Liliw.

Ikaw ang pinakaminingning sa aming lahat.

Ikaw ang maningning sa kalikasan.

Ikaw lang at wala nang iba pa.

Muling pang lumipad ang mga alitaptap. Nagpaikot-ikot sa puno ng balate. Pagkaraan ng ilang sandali, sumama sa kanila si Liliw.

Maraming salamat. Maraming salamat, sabi ni Liliw sa mga alitaptap.

Patuloy ang paglipad ng mga alitaptap sa puno ng balete. Pagkatapos ay humiwalay si Liliw sa kanila.

Naigilan si Liliw. Nakita niya si Montar na nasa ibaba, nagmamasid sa kanya.

"Diyosang Liliw..."

Bumaba si Liliw para humarap kay Montar.

"Montar!"

"Diyosang Liliw, nagpunta ako rito para sabihin sa akin ang pinag-uutos ng mga kapatid mong Apo. Gusto ka nilang makausap. Kailangan mong pumunta sa Sibol," sabi ni Montar.

Tumango si Liliw. "Sige Montar, pupunta ako."

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon