KABANATA 27

665 45 3
                                    


SA KINAROROONAN ni Moymoy, sa loob ng katawan ni Hiling-Hiling, makikitang nakahiga ito sa dila ng dambuhalang ibon. Tumayo siya. Tiningnan niya ang paligid. Pagkatapos, laking-gulat niya nang makita niyang parang may mga salamin sa paligid. Hinawakan niya ang mga ito. Mga salamin nga!

Sa isang salamin, nakita niya roon ang isang tibarong pamilyar na pamilyar sa kanya. "Ibalong Saryo!" Napasigaw si Moymoy sa pagkagulat.

Lumapit si Moymoy kay Ibalong Saryo pero napagtanto niyang nasa loob ng salamin ang matandang ibalong.

"Moymoy, nasa iyo ba ang ginto?" tanong ni Ibalong Saryo.

"Wala Ibalong! Wala sa 'kin!"

Sa kabilang salamin, isa pang pamilyar na boses ang narinig niya.

"Moymoy?"

Lumingon siya sa pinanggalingan ng boses. Si Tracy.

"'Ma!"

"Kinuha mo ba talaga, Moymoy? Moymoy? Bebe ko, isauli mo na kung kinuha mo," sabi ni Tracy na nasa loob ng salamin.

"Hindi ko kinuha, 'Ma!"

"Moymoy, magtapat ka na. Nasa iyo ba ang ginto?" sabi ni Wayan na nasa isa pang salamin.

"Wala sa akin, Wayan!"

"Moymoy?"

Si Montar ang nakita niya sa isa pang salamin. "Montar!"

"Alam kong hindi ka sinugaling. Sabihin mo ang totoo, Moymoy."

"Wala sa akin, Montar! Wala! Hindi ko kinuha ang ginto!"

"Moymoy!"

Si Alangkaw ang nakita niya sa isa namang salamin. "Moymoy, sabihin mo na sa kanila ang totoo. Umamin ka kung saan mo dinala ang ginto."

"Hindi ko kinuha!"

"Kung gayon, nasaan?" tanong ni Wayan na nasa kabilang salamin.

Mabilis na lumingon si Moymoy kay Wayan. "Hindi ko alam! Hindi ko alam!"

Sa isang salamin naman, nakita niya si Hasmin. "Pati ba ikaw, Hasmin?"

"Kung nasa iyo man ang ginto, kung talagang kinuha mo, sabihin mo na. Isauli mo na para mapawi ang sumpa!"

"Wala nga sa akin, Hasmin!"

"Magsabi ka nang totoo!" pasigaw na sabi ni Ibalong Saryo.

"Wala nga sa 'kin!"

"Moymoy!"

Nakita ni Moymoy si Liliw na nasa isa pang salamin.

"Inay, wala sa 'kin!"

"Para hindi mabigo sa iyo ang mga tibaro at ang mga kapatid kong Apo, ibalik mo na, Moymoy..." sabi ni Liliw.

"Ibalik mo, Moymoy, magsabi ka nang totoo," sabi ni Montar.

"Montar!"

"Magsabi ka nang totoo," sabi ni Wayan.

"Wala nga sa akin!"

"Moymoy," nakikiusap na sabi ni Hasmin.

"Wala nga sa akin!"

"Moymoy, sabihin mo na ang totoo," sabi ni Tracy.

"Wala nga sa akin!

Lahat ng nakita niya sa salamin ay isa lang ang sinasabi; ang magsabi siya nang totoo at isauli na ang ginto.

Biglang namuo ang galit sa dibdib ni Moymoy. "Wala sa akin!" sabay takip niya sa kanyang mga tainga.

"Moymoy, magsabi ka nang totoo!"

Paulit-ulit silang nagsalita hanggang sa tuluyan nang marindi si Moymoy.

"Wala nga sa akiiiinnn!!!"

Biglang nanlaki ang mga mata ni Hiling-Hiling! Nagulat at nakaramdam ng sakit! Bumuka ang kanyang mga tuka at isang malakas na pagsiyap ang pinakawalan niya.

Sa loob ng katawan ni Hiling-Hiling, pinakawalan uli ni Moymoy ang malakas na boses sa mga nagtatanong sa kanya nang paulit-ulit.

"Wala sa akinnn!!!"

Biglang nagkaroon ng mga lamat ang lahat ng salamin. Pagkatapos ay tumilapon iyon sa kanyang harapan. Kasabay niyon, bigla ring tumilapon si Moymoy palabas sa tuka ni Hiling-Hiling!

Sa himpapawid, biglang inilabas ni Moymoy ang malalapad na pakpak.

Nanlaki ang mga mata ni Hiling-Hiling! Nakaramdam ito ng matinding pananakit. Sumiyap ito nang sumiyap. Siyap na nakakaramdam ng sakit at hapdi!

Samantala, hindi makapigil-hiningang nakatingala at nanonood ang mga Apo at mga tibaro na nasa liwasan. Hinihintay nila ang mangyayari—kung kinuha nga ba ni Moymoy ang Ginto ng Buhay.

Gaya ng ibang tibaro, sina Wayan, Tracy, Montar, Hasmin, at Alangkaw ay naroroon sa liwasan, pinapanood ang nangyayari.

Sa himpapawid, nanatiling naroon si Hiling-Hiling, lumilipad-lipad sa iisang lugar. Ganoon din Moymoy.

Pinagmasdan ni Moymoy ang dambuhalang ibon habang nakakaramdam ito ng pananakit. At ngayon lang niya napansin ang kabuuan nito—ang makakapal nitong balahibo na parang salamin na nagliliwanag dahil sa repleksiyon mula sa sikat ng araw at ang mahaba nitong tuka na napakapula.

Lumapit si Moymoy kay Hiling-Hiling. Pinagmasdan nito ang mga mata. Napansin ni Moymoy na nanlaki ang bilog na mga mata ng dambuhalang ibon dahil sa gulat. Ang kasunod niyon ay dahan-dahang nawala ang pagniningning ni Hiling-Hiling. Naging kulay-abo ang kanyang mga pakpak at pagkatapos ay biglang sumabog ang katawan! Nagkahulog-hulog mula sa kalawakan ang iba't ibang parte ng dambuhalang ibon!

Nagulat si Moymoy sa nasaksihan. Natigilan siya nang makita ang munting ibon na sisiyap-siyap sa lugar kung saan sumabog ang kanyang katawan. Lumapit ito sa kanya. Nakita niyang kamukha ni Hiling-Hiling ang munting ibon. Lumipad-lipad ang ibon at muling humarap sa mukha ni Moymoy. Patuloy siya sa pagsiyap.

Sa isip ni Moymoy, nababasa niya kung ano ang sinasabi ng ibon sa kanya.

"Nagsasabi ka nang totoo, ginoo. Wala sa iyo ang Ginto ng Buhay."

Lumipad-lipad ang munting ibong iyon at pagkatapos ay tuluyang pumunta sa direksiyon ng bundok. Pumasok ito sa loob ng kuweba at unti-unting tumakip doon ang malaking bato.

Pagkaraan ng ilang saglit, dumapo si Moymoy sa toreng dating kinatatayuan niya.

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon