KABANATA 2: NASAAN SI BUHAWAN? Part 1

1K 55 0
                                    



MULA sa kahabaan ng Quezon Avenue, ilang araw nang naglalakad-lakad si Buhawan. Umiikot siya sa buong Kamaynilaaan. Pero ang parteng ito ng siyudad ang hindi niya nakalilimutang lakarin tuwing kabilugan ng buwan.

Parang bangkay na naglalakad si Buhawan. Hindi na siya makilala sa kanyang hitsura. Lahat ng makakita sa kanya, kahit na mga batang lansangan, takot na takot matitigan lang siya. Mas marumi pa ang hitsura niya kaysa sa taong-grasa. Nangingitim ang kanyang mukha dahil sa dumi. Kaya ang mga mata niya'y parang gumagalaw-galaw sa gitna ng dilim. Nangingitim din ang mga ngipin niya. Nababalutan ang kanyang katawan ng nangingitim at gula-gulanit na damit. Ang buhok niya'y tuluyan nang humaba, nanigas at nagkadikit-dikit. Hinahayaan lang niyang nagpipiyesta ang mga langaw sa katawan niyang nagkasugat-sugat dahil sa pangangati. Iniisip niya, mas gugustuhin pa niyang ubusin na ng mga langaw ang katawan niya para tuluyan na siyang mawala sa mundo at mamatay.

Mula nang maisip ni Buhawan na wala nang halaga sa kanya ang buhay, kinalimutan niya ang lahat pati sarili. Ilang beses na niyang tinangkang patayin ang sarili pero may kakaibang puwersa ang pumipigil sa kanya. Naroong uminom siya ng lason pero isinusuka niya lang din bago pa tuluyang kumalat sa kanyang katawan. Minsan naman, lumundag siya mula sa mataas na building, pero bigla siyang tinubuan ng mga pakpak at hindi nakuhang mahulog at madurog. Alam niyang wala namang bisa ang lahat ng ginagawa niyang pagpapakamatay—gusto lang niyang subukang tapusin ang buhay. Hanggang sa maisipan niyang saksakin ang lalamunan sa pamamagitan ng kamagong na kahoy dahil alam niyang ito lang ang siguradong papatay sa kanya. Pero nang itarak niya ang matulis na kamagong sa kanyang lalamunan, walang bumulwak na dugo. Nakita lang niyang lumabas sa nabutas na lalamunan ang kanyang birtud, nahulog sa lupa, tumibok-tibok, humihinga na parang nakatitig sa kanya at pagkatapos ay biglang bumalik, pumasok sa kanyang bibig. Sumara ang nabutas na lalamunan. Nagsumiksik na muli ang birtud sa kinalalagyan nito.

Hindi siya mamatay-matay. Nalulungkot si Buhawan dahil gusto na niyang mamatay—lisanin ang Amalao at ang Gabun. Pakiramdam niya, pagod na siya sa buhay.

Patuloy ang paglalakad ni Buhawan sa Commonwealth Avenue hanggang sa kahabaan ng Batasan. Iniiwasan siya ng mga taong nakakasalubong. Buwan-buwan, bago lumubog ang araw, sa direksiyong ito siya nagpupunta. Habang naglalakad, sinusulyap-sulyapan niya ang papalubog na araw, hanggang sa tuluyan nang nagtago at nabalutan ng dilim ang kalangitan. Pagkaraan ng ilang saglit, lumitaw ang bilog na bilog na buwan—nag-iisa at walang kasamang mga bituin.

Wala kahit isang bituin? nagtatakang tanong ni Buhawan sa sarili.

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon