KABANATA 23

601 47 4
                                    


"'WAAAGGG!" Sumigaw nang napakalakas si Tracy.

"Hasmin!" Tumakbo si Montar papunta kay Tracy. "Huwag mong sasaktan si Tracy! Hasmin!"

Hindi nakagalaw si Wayan sa kinaroroonan niya. Nakita niyang pumasok ang iba pang mga tibaro sa tore ng kanyang kastilyo! Gutom na gutom at ano mang oras, kakaininin sila!

Pinagbabawalan ng mga Apo si Montar na tumulong at makialam tuwing gabi ng dugon pero napilitan siya sa pagkakataong ito: Itinaas niya ang kamay. Humaba ang hintuturo at nagkulay-ginto. Nagningning iyon at itinuro sa lumusob na si Hasmin. May matalim na kidlat na lumabas mula sa daliri ni Montar na nagtungo kay Hasmin at pagkatapos ay biglang ikinumpas palayo ang kanyang kamay. Tumilapon si Hasmin palayo kay Tracy.

Dumating ang maraming tibaro na mukhang mga halimaw. Lumipad sila papasok sa tore ni Wayan. Gutom na gutom at gustong kumain ng laman! Akmang lulusob ang mga ito kina Tracy at Wayan, pero nanatiling nakataas ang kamay ni Montar, ginamit ang kanyang diwani. Nanatili ang matalim na kidlat sa daliri nito. Pinaghahablot palabas ni Montar ang mga umaatakeng tibaro sa pamamagitan ng kanyang diwani.

Lumilipad na dumating si Moymoy. Niyakap niya si Hasmin at pabulusok itong lumipad papunta sa bahay nito. Dagling isinara ni Moymoy ang pinto. Pero gutom na gutom si Hasmin! Tumakbo siya sa maliit na bintana—tiningnan si Moymoy na parang nagmamakaawa. Humihingi ito ng makakainng laman!

Dumating ang lumilipad na si Alangkaw. May dala itong ahas. "Nagugutom siya, Moymoy..."

"Oo, gutom na gutom..." May lungkot na sabi ni Moymoy.

Lumapit si Alangkaw kay Hasmin at ibinigay rito ang ahas. Hindi pa man lubusang nakalalapit ng bintana si Alangkaw, biglang sinunggaban ni Hasmin ang ahas. Kinain niya ito. Hayok na hayok. Lumipad-lipad siya habang kinakain ang ahas. Tuwang-tuwa sa ibinigay ni Alangkaw sa kanya. Tiningnan niya ang magkapatid na parang nagpapasalamat sa kanila.

Muling napatingin sina Moymoy at Alangkaw sa mga tibarong nakawala sa kanilang mga bahay na patuloy na naglalabanan sa kalawakan. Patuloy na gustong kainin ang isa't isa dahil sa matinding gutom. Lumipad sina Moymoy at Alangkaw para kunin isa-isa ang mga ito. Ipinasok ang mga tibaro at ikinulong sa kanilang mga bahay.

Nang naipasok na nina Moymoy at Alangkaw ang lahat ng mga tibaro, nanatili silang lumilipad sa kalawakan. Nakaharap sa buwan. Pinagmamasdan ito. Hinintay ang unti-unting paglaho ng kulay-dugo sa mukha niyon.

"Hindi natanggal ang sumpa..." sabi ni Moymoy.

Hindi umimik si Alangkaw. Nanatili itong nakatingin sa bilog na bilog at dambuhalang buwan.

Tinapunan ng tingin ni Moymoy sina Wayan, Montar, at Tracy sa tore. Pagkatapos ay bigla siyang natigilan sa mga daing at iyak ng mga tibarong sugatan na nagkalat sa lupa. Napapikit na lang si Moymoy, ayaw makita ang naghihirap na mga tibaro.

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon