KABANATA 19: PAGSAULI

676 49 0
                                    


SA HARAP ng mga Apo sa Himpabulan ng Sibol Encantada, naroon sina Moymoy, Alangkaw, Wayan, at Montar. Sa harap nila, lulutang-lutang ang dalawang Ginto ng Buhay.

Maligayang nagsalita si Wayan. "Mahal na mga Apo, natutuwa kaming lahat ng mga tibaro ng Gabun. Ito na ang katapusan ng paghihirap namin. Ang katapusan ng sumpa."

"Narito na ang mga Ginto ng Buhay. Mapapawi na ang sumpa," sabi ni Moymoy.

Nanatiling nakaupo sina Marino, Ilawi, Amihan, at Liliw. Pinagmamasdan ng magkakapatid ang dalawang ginto.

"Oo, Moymoy," sabi ni Marino. "Tama ka, mapapawi na ang sumpa, kung 'yan na lang ang natitira pang Ginto ng Buhay na sinamsam ni Buhawan."

"Natutuwa kami," sabi ni Ilawi, "at nakamtan ninyo ang matagal ng pangarap ng mga tibaro."

Huminga nang malalim si Moymoy. "Sa wakas!"

Inakbayan ni Moymoy si Alangkaw. Tuwang-tuwa siyang niyakap ang kapatid. "Matutuwa ang lahat ng tibaro. Mawawala na ang sumpa! At natupad ko na ang pangako ko sa kanila!"

Habang nakayakap si Moymoy kay Alangkaw, may naalala siya. Marahan siyang kumalas sa pagkakayakap kay Alangkaw at tiningnan ang mga Apo.

"S-si Diyosang Liliw? Paano po niya—"

Biglang hinawakan ni Wayan si Moymoy para pigilan ang sinasabi.

Gustong malaman ni Moymoy ang tungkol kay Liliw: Na totoo bang pinili ng nanay nila na sa pamamagitan ng Batis ng Alaala, pinili niyang kalimutan ang nakaraan para makapangasiwa nang maayos sa kalikasan? Totoo bang hindi na talaga siya kilala at ang kapatid niyang si Alangkaw bilang mga anak niya?

Gusto niyang itanong ang mga iyon sa mga Apo pero pinigilan niya ang sarili.

Bumulong si Moymoy kina Wayan at Montar. "Maaalala ba niya kami bilang mga anak?"

Pabulong din ang sagot ni Montar. "Gaya ng sabi ko, hindi na siya ang nanay na nakilala mo noon. Ibang Liliw na siya at limot na limot na kayo."

"Alangkaw?" bumaling siya sa kapatid.

Yumuko si Alangkaw. "Mas mahalaga sa akin ang pagmamahal ng tunay na nakilala kong ina. Tama sila, Moymoy, hindi natin siya ina. Umalis na lang tayo rito."

Pinagmasdan nila si Liliw na nakaupo sa kanyang trono. Taas ang noo nito at walang ngiti sa mukha.

Nagsalita si Liliw. "Walang naiba sa amin. Kung mag-iiba ang anyo ninyo, kami pa rin ang mga Apo. Kami pa rin ang dapat ninyong ituring na mga diyos, naiintidihan ninyo?"

Tumango sina Wayan at Montar. Hindi nakasagot sina Moymoy at Alangkaw. Tiningnan nilang mabuti si Liliw. Larawan siya ng isang diyos na walang damdamin. Larawan ng isang makapangyarihang diyos na kumikilos, gumagawa ng utos na hindi iniisip ang magiging damdamin ng iba pang nilikha.

Nagningning ang buong paligid ng Himpabulan. Sa ilang saglit, may nagliparang mga diwata sa malaking bulwagan.

Tumayo ang mga Apo.

Nagbukas ang mga dingding ng Himpabulan. Pumasok ang maningning na liwanag.

"Isasauli na namin sa dapat na kalagyan ang mga ginto," marahang sabi ni Amihan sa lahat ng naroroon.

Napayakap si Wayan kay Montar sa labis na kaligayahan.

"Magdiriwang ang buong Gabun," sabi ni Montar sa mga Apo. "Magdiriwang sila at mapapawi na ang sumpa!"

Nagsalita si Marino, hinarap ang lahat. "Sa ikatlong gabi, sa kabilugan ng buwan, magsisimula ang pagpawi ng sumpa. Kayong mga tibaro ng Gabun, mararanasan n'yo na ang pinakaaasam-asam ninyo. Babalik ang tunay ninyong anyo. Babalik ang malaparaiso ninyong pamumuhay."

"May gusto akong iparating sa lahat ng tibaro, aking kapatid," sabi ni Liliw sa makapangyarihan nitong pananalita. "Kung mapapawi ang sumpa at babalik ang anyo ng lahat ng tibaro, gusto kong ipasara ang Sibol."

"Ano'ng ibig mong sabihin?" sabi ni Ilawi.

"Hindi na natin paiiralin ang dating patakaran," sagot ni Liliw. "Sa Malasimbo, sa Dalumdum, o iba pang isla, puwede silang manirahan. Tayo lang dito sa Sibol Encantada. Kapag may kailangan sila sa atin, mangyaring ipaalam muna nila sa atin. Abala tayo sa pinangangasiwaan nating kalikasan. Hindi tayo dapat basta-basta ginagambala."

Tumango ang tatlo pang kapatid ni Liliw.

Nagkaroon ng katahimikan.

"Mga mahal kong Apo." Si Montar ang nagsimulang magsalita. "Makakarating iyan sa lahat ng mga tibaro."

"Oo, makakarating, mga mahal na Apo," sabi ni Wayan. "Sapat na sa amin ang mapawi ang sumpa. Bumalik ang tunay naming anyo. At mawala ang gabi ng dugon."

Marahan, umangat ang katawan ng mga Apo. Inilipad sila ng hangin. Nakasunod sa kanila ang naggagandahang mga diwata. May masamyong hangin na papasok sa Himpabulan mula sa nagbukas na mga dingding ng Himpabulan.

Nakatingin sina Moymoy, Alangkaw, Wayan, at Montar habang lumilipad ang mga Apo palabas. Ang mga ginto ay lumulutang-lutang sa harap ng mga ito na pinaliligiran ng mga diwata.

"Sa Panalturan," marahang sabi ni Montar. "Sa Panalturan. Doon ihahatid ng mga Apo ang natitirang Ginto ng Buhay.

Nagtinginan sina Wayan at Montar. Tumawa sila sa labis na kagalakan.

"Kailangang magdiwang ang buong Gabun!" sabi ni Wayan. "Sa liwasan ng Malasimbo, doon magtitipon-tipon ang lahat ng tibaro ng Gabun. Ipapaalam natin ito sa lahat ng mga tibaro sa lahat ng mga isla ng Gabun! Halina kayo! Moymoy! Alangkaw! Montar!"

Napaisip si Moymoy. "Kung sa bagay, maganda na rin ang nangyari. Mahaharap niya ang tungkulin niya bilang diyosa ng kalikasan."

"Nasasabi mo 'yan, Moymoy, dahil may nanay kang maituturing. Si Tracy. Samantalang, ako—wala. Kailangan ko ang nanay na nakilala natin. Ang tunay na nanay natin," sabi ni Alangkaw.

Inakbayan ni Moymoy ang kapatid. "'Wag kang mag-alala, dalawa na tayong mga anak ni Mama. Mabait 'yon! Maging mabait din tayo sa kanya."

Napangiti nang mapait si Alangkaw at pagkatapos, tumingin kay Moymoy. "Darating ang araw, makikilala rin niya tayo. Darating ang araw na 'yon, makikilala tayo ng nanay natin..."

Ngumiti si Moymoy. Niyakap si Alangkaw. 

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon