KABANATA 47: PANGIL

692 43 3
                                    



NANLAKI ang mga mata ni Tracy habang nakikita niyang papalapit sa kanya si Mangtaw. Hindi siya makagalaw sa kinatatayuan.

Biglang tumakbo si Hasmin, nawala sa isipang kaya niyang magpalit ng anyo. Hinablot niya si Tracy.

Tumakbo nang tumakbo sina Tracy at Hasmin. Naiwan si Wayan sa lilim ng malaking puno. Gimbal na gimbal siya sa nasasaksihan. Mula sa itaas, nakikita niya ang katawan ni Mangtaw na napakalaki, halos natatakpan na ang buong kagubatan. Hinahabol nito sina Tracy at Hasmin!

Biglang hinawakan ni Hasmin si Tracy. Pinalitan ang sariling anyo. Naging isang malaking ibon. Lumipad siyang dagit-dagit si Tracy. Hinabol sila ni Mangtaw. Kahit na wala sa balanse si Mangtaw sa paglipad dahil nawalan ito ng isang pakpak, napakalakas pa rin nito kung ikukumpara sa paglipad ni Hasmin. Binilisan nito ang paglipad hanggang sa maabutan si Hasmin. Nagulat si Hasmin. Biglang bumalik ang tunay niyang anyo!

Magkasabay na nahuhulog sina Tracy at Hasmin nang biglang ibuka ni Mangtaw sa mga ito ang kanyang bibig. Pareho niyang naisubo ang dalawa!

Nakabitin na nakahawak sa malaking ngipin ni Mangtaw si Hasmin. Sa paa niya nakahawak si Tracy.

"Kumapit kayo sa paa ko! Huwag kayong bibitiw!" sigaw ni Hasmin kay Tracy.

Pero biglang iginalaw ni Mangtaw ang bibig at akmang pakakawalan ang apoy roon. Nakita ni Hasmin ang paparating na apoy mula sa loob ng bibig nito. Bigla siyang bumitiw sa ngipin ni Mangtaw. Hindi sila nahulog sa ibaba dahil sa pamamagitan ng ulo, bigla silang hinampas ni Mangtaw. Tumilapon ang katawan ni Hasmin paitaas. Siya namang pagsalo ni Moymoy sa kanya. Tumilapon din ang katawan ni Tracy pero hindi iyon nasalo ni Moymoy. Tumarak ang katawan ni Tracy sa matulis na ngipin ni Mangtaw!

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon