KABANATA 40: MGA BUGANI

729 43 2
                                    



NASA LIWASAN ng Sibol ang mga Apo. Naroon din ang mga tibaro ng Gabun. Nagbubulong-bulungan ang mga tibaro. Hindi kasi nila alam kung bakit sila ipinatawag ng mga Apo.

"Mga tibaro!" anunsiyo ni Marino. "Narito kaming lahat para ipaalam sa inyo na muling nagtayo ng hukbo si Buhawan! Ano ang gusto niyang patunayan?!"

Nagbulungan ang lahat. Nasa harap ng mga tibaro sina Moymoy, kasama si Hasmin, Wayan, Montar, at Tracy. Nagulat silang lahat sa narinig kay Marino.

"'Ibig sabihin," patuloy ni Marino. "Gaya ng dati, gusto niyang sakupin ang Gabun! Gusto niyang angkinin ang Sibol Encantada! Ang lahat! Dahil sakim si Buhawan! Gusto niyang angkinin ang lahat-lahat!!!"

Biglang kumulog at kumidlat. Dumilim ang kalangitan. Pagkatapos ay muling bumalik ang sinag ng araw. Nagulat ang lahat sa kanilang nakita.

Nagpatuloy si Marino. "Hindi namin pahihintulutan ang ano mang paglusob! Hindi namin pahihintulutan ang ano mang pananakop!!!"

Gumalaw ang mga ulap sa kalangitan. Para iyong mga alon sa karagatan na nagngangalit. Nagulat ang lahat ng mga tibaro. Pati sina Moymoy, Hasmin, Wayan, Tracy, at Montar, hindi alam kung ano ang sunod na mangyayari.

"May sasabihin ako sa inyong lahat! Panahon na para ilabas ang mga mandirigma ng Sibol!" muling sabi ni Marino.

Lalo pang nagbulungan ang mga tibaro.

Nagpatuloy ang paggalaw ng mga ulap sa kalangitan.

Tumayo mula sa kinauupuan sina Amihan, Ilawi, at Liliw. Naglakad sila at lumapit sa kinatatayuan ni Marino sa pinakaharap ng entabalado ng liwasan. Pagkalapit nila, dahan-dahan silang umangat. Inilipad sila ng hangin.

Nagsalita si Marino nang ubod-lakas. "Mga bugani!!!"

Umikot ang mga Apo sa hangin.

"MGA BUGANIIII!!!"

Umalingawngaw iyon sa buong liwasan; umabot ang boses ni Marino hanggang sa mataas na burol ng Sibol.

Sa mga burol na nakapaligid sa Sibol ay makikitang naglalabasan sa ilalim ng lupa ang tinawag na mga bugani ni Marino.

"Sila ang mga nilalang na matagal nang nakabaon sa lupa! Sila ang mga bugani ng Sibol!" pagbibigay-alam ni Marino sa mga tibaro.

Sa bawat burol ay may mga iba't ibang buganing nagsilabasan sa ilalim ng lupa. Isa-isang lumabas ang mga iyon na parang nanggaling sa mahabang pagkakatulog.

Magaganda ang mukha at kabuuan ng mga bugani ng Sibol. Lahat sila ay may mga puting pakpak. May mga lalaki at mga babae. Ang mga pakpak nila ay kagaya ng sa mga ada.

Tuluyan nang naglabasan ang iba pang mga bugani sa bawat burol ng Sibol. Nagliparan sila. Halos mapuno ang buong kalangitan na sumasakop sa malaking liwasan. Para silang mga dambuhalang tutubi na nagliliparan sa kalawakan.

Samantala, gulat na gulat ang mga tibaro na nakakasaksi.

"May mga mandirigma pala ang mga Apo na nakabaon sa lupa? Sa mga burol na 'yan?" sabi ni Hasmin.

"Mga bugani? Mga likhang mandirigma ng mga Apo?" nagtatakang tanong ni Wayan.

"Hindi ko alam ang tungkol sa mga bugani," sabi ni Montar.

"Ibig sabihin," sabi ni Tracy, "nakahanda sila sa ano mang laban? May inililihim sila?"

Napaisip si Moymoy. Pinagmasdan niya ang mga bugani na nasa kalawakan. 

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon