KABANATA 15

684 42 0
                                    


SAMANTALA, kanina pa nakamasid si Moymoy sa Ilog Pasig. Tiningnan niya ang palasyo na nasa tabi mismo ng ilog. Mula sa pagiging makulay na ibon, bumalik siya sa kanyang tunay na anyo. Habang tinitingnan niya ang likuran ng Palasyo Nasyonal, naisip niya ang sinabi ni Buhawan:

"Hindi n'yo ba naisip? Puro makapangyarihan ang may hawak ng mga ginto. At hindi n'yo ba naisip—lahat ng nangangalaga ng mga Ginto ng Buhay ay nasa simbahan, sa media... Nasa pinakamakapangyarihang tao ng bansa ang isa pang ginto."

Tiningnang mabuti ni Moymoy ang tubig ng ilog. Kitang-kita niya ang makapal na langis na nasa ibabaw niyon. Pinagtakhan niya kung bakit ang bahaging ito lang ng ilog ang may makapal na langis na nakatakip sa ilalim ng tubig. Naisip niya na marahil, sinadya ito para itago ang lihim sa ilalim ng tubig.

Bahagya niyang ibinaba ang katawan sa ilog hanggaang sa tuluyang lumubog roon. Sa ilalim, nagpalit siya kaagad ng anyo. Naging malaki at makulay siyang isda. Tiningnan niya ang paligid. Lumangoy siya nang lumangoy. Laking gulat ni Moymoy sa kanyang nakita. Sarisaring isda ang lumalangoy sa tubig! Umiikot-ikot ang mga iyon. Masayang naglalanguyan sa malinis na tubig. Hindi ganito ang inaasahan niya sa Ilog Pasig na laging binabansagang marumi at walang isdang lumalangoy. Kahit na nalinis na ni Sandra Navaro ang ibang bahagi ng ilog, hindi aakalain ng kahit na sino na may magaganda at malulusog na isdang naroroon. Pero kapansin-pansin na sa bahaging iyon lang ng ilog may ganitong tanawin.

Manghang-mangha si Moymoy sa nakikita. Lumagoy siya nang lumangoy kasabay ng naggagandahang isda palapit sa likod na kinatatayuan ng palasyo. Lumangoy siya sa ilalim hanggang makita niya sa may kalayuan ang gustong marating—ang kinaroroonan ng Ginto ng Buhay! Nakita niyang marahang bumababa ang elevator na yari sa salamin. At nakita niyang nakasakay roon si Sid Cervantez.

Nagpalit sa tunay na anyo si Moymoy. Lumangoy-langoy. Pinagmasdan ang patuloy na pagbaba ng elevator na sinasakyan ni Sid. Sa lalim ng pinupuntahan ng elevator, nagpalagay siyang ang kinaroroonan ng ginto ay ang pinakamalalim na bahagi ng ilog. Nagpalit siya ng anyo. Naging isda ang ulo—kaya nagkaroon ng kakayahang huminga sa ilalim ng tubig.

Lumangoy paibaba si Moymoy. Sinundan niya ang bumababang elevator. Habang bumababa siya, paiba nang paiba ang mga isdang naglalanguyan. Sarisari ang mga ito. Sigurado siyang ngayon lang niya nakita ang mga ito. Patuloy siyang namamangha at naaaliw sa makukulay na mga isda at iba pang lamang-tubig. May palagay siyang dito lang matatagpuan ang mga isdang nakikita.

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon