KABANATA 9

770 45 2
                                    


SA TORE ng kastilyo ni Wayan na kinaroroonan ng Kawa, naroon sina Moymoy at Alangkaw. Gaya ng dati, iniangat ng puting usok ang kanilang katawan na nagmumula sa likido ng Kawa. Padapang lumutang-lutang sa hangin sina Moymoy at Alangkaw, nakaharap sa kumukulong likido.

"Kawa," sabi ni Wayan, "nasaan ang natitirang mga Ginto ng Buhay?"

Nagpapalit-palit ng kulay ang usok. Pula. Asul. Luntian. At bumalik ito sa kulay-puti, pero walang lumabas na mapa sa likido ng Kawa. Bagkus, naging pula at pagkatapos ay itim ang likido.

"Kawa, nasaan ang mga natitirang Ginto ng Buhay?" tanong muli ni Wayan.

Nagsalita ang bibig sa mukha ni Wayan na nakadikit sa Kawa. "Wala akong kakayahan malaman kung nasaan ang mga ito."

"Ano? Ano'ng ibig mong sabihin?" nagtatakang tanong uli ni Wayan sa Kawa.

"Makapangyarihan ang mga Ginto ng Buhay, alam n'yo 'yan. Wala akong kakayahan na malaman kung nasaan ang mga ito. Hindi kaya ng kapangyarihan kong mahanap ang mga ginto," sagot ng Kawa.

"Eh, si Buhawan? Nasaan si Buhawan?" tanong ni Wayan.

Dahan-dahang nagpalit-palit ng kulay ang likido hanggang sa ito'y maging kulay pula.

"Si Buhawan?!" bulalas ni Wayan pagkakita sa larawan na nasa likido ng Kawa. "Teka, si Buhawan nga ba 'yan?" manghang tanong niya nang makita ang kakaibang hitsura ni Buhawan. Kulay-itim ang balat nito at madungis ang kabuuan.

"Oo, Wayan. Walang iba kundi si Buhawan," sagot ng Kawa.

Sa likido, nakita nilang palakad-lakad si Buhawan sa isang kalsada sa Maynila, gula-gulanit ang damit at mukhang pulubi. Nagtataka silang lahat sa kanilang nakikita. Patuloy na pinagmasdan ng lahat ang kinaroroonan ni Buhawan.

"Matagal nang hindi ginagamit ni Buhawan ang kapanyarihan ng ginto," pagpapatuloy ng Kawa. "Palakad-lakad siya kahit saan."

"Huh? Ano'ng nangyari kay Buhawan?" tanong ni Wayan.

"Wala na siyang ganang mabuhay," sagot ng Kawa. Ipinikit niya ang mga mata. "Gusto na niyang mamatay."

Marahan, ibinaba ng usok ng likido sina Moymoy at Alangkaw. Natigilan ang lahat sa pagdating ni Montar.

"Mamaya, bago magtakipsilim, may mahalagang anunsiyo ang mga Apo sa liwasan ng Sibol," sabi ni Montar.

"Tungkol saan? Ano 'yon?" tanong ni Wayan.

"May kinalaman kay Diyosang Liliw." Tiningnan ni Montar si Moymoy.

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon