KABANATA 38: TAHIMIK ANG SIBOL, TAHIMIK ANG MGA APO

705 45 4
                                    


"MONTAR, kailangan kong pumunta sa Sibol, naiintindihan mo ba?" Halos ginawa na ni Moymoy ang lahat, sinabi na ang lahat nang dapat sabihin para mapapayag si Montar.

"Mahigpit na ipinagbabawal ngayon ng mga Apo ang pagpunta sa Sibol, Moymoy," sagot ni Montar.

Tiningnan ni Moymoy ang lahat ng nasa tanggapang iyon sa kastilyo ni Wayan: sina Tracy, Wayan, at maging si Montar.

"Nagawa ng kapatid ko 'yon para mabuhay ang nanay namin! Ang Diyosang Liliw na nasa Sibol ngayon ay hindi ang nanay namin na marunong magmahal," sabi ni Moymoy.

"Hindi niya dapat ginawa 'yon..." sabi ni Wayan na may katiyakan.

"Bakit mo nasabi?" tanong ni Moymoy kay Wayan.

"Buong tibaro ang nakataya. Mahabang panahon naming hinihintay ang araw na dumating iyon sa amin—ang mapawi ang sumpa. Pagkatapos dahil lang sa nanay—"

Hindi nagawang ituloy ni Wayan ang sinabi.

"Dahil lang sa ano? Ituloy mo, Wayan," matapang na sabi ni Moymoy.

"Hindi siya ang tunay n'yong nanay," sagot ni Wayan. "Hindi siya ang Liliw na nakilala n'yo."

"Siya ang tunay na nanay namin!"

"Dalawa ang katawan nila. Dalawa ang buhay. Buong katawan ni Liliw ang nagluwal sa inyo. Ang ibig sabihin, kasama ang pagiging diyosa niya at ang pagiging ordinaryo niyang nilalang ang naroon nang pinili niyang buhayin kayo kahit na nagkasala siya. Ang Liliw na sinasabi mo na iniligtas ni Alangkaw na 'yan, hindi buo." Mariin ang mga sinabing iyon ni Wayan.

"Moymoy," nilapitan ni Wayan si Moymoy. Unti-unting nabasag ang boses nito, mangiyak-ngiyak. Hindi mapigilan ang galit. "Kay tagal naming hinintay... Kay tagal... dahil sa pagmamahal ninyo sa isang ina na hindi naman ang talagang nagpalaki sa inyo... ipinagpalit ni Alangkaw ang sumpa? Hindi ko kayang tanggapin ang sinabi mo!"

"Wayan," sabi ni Tracy, "'Wag na 'wag kang magsasalita ng ganyan. At 'wag mong pagsalitaan ng ganyan ang anak ko. Palibhasa, ibinuhos mo ang lahat ng atensiyon mo sa mga tibarong nasasakupan mo at hindi mo naranasan nang lubusan ang magmahal ng mahal mo sa buhay. Kaya naiintindihan kita."

May nagharing katahimikan.

"Kinakabahan ako ngayon sa susunod na mangyayari sa atin," sabi ni Montar.

"Bakit, Montar?" tanong ni Moymoy.

"Tahimik ang buong Sibol," sagot ni Montar. "Tahimik ang mga Apo. Ano kaya ang gagawin nila? Ano ang balak nila?"

Nagtinginan silang lahat. Lahat ay may mga tanong sa mukha.

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon