KABANATA 1: ANG PANUNUMPA Part 1

1.5K 63 4
                                    


Quirino Grand Stand, Luneta

NANUNUMPA ang pinakabatang naging presidente ng Pilipinas. Si Isidro Cervantez o mas kilala sa pangalang Sid Cervantez, ang pangalang ginagamit niya bilang artista. Masayang-masaya ang halos lahat ng Pilipino dahil mahigit sa kalahati ng boto, siya ang panalo.

Kakaiba ang oath taking ni Sid bilang presidente. Karamihan sa dumalo ay pulos mga sikat na artista at kilalang celebrities sa showbiz. Senador siya bago nahalal. Aktibo sa paggawa ng pelikula sa kabila ng busy schedules bilang senador. Palibhasa guwapo at maraming tagahanga, kung popularidad ang pagbabasehan, lamang na lamang siya sa mga nakalaban sa pagkapresidente.

Lalo pang sumikat si Sid nang gumanap siyang bilang isang mayamang lalaking balo na may mga anak. Sa teleserye, na-in love sa kanya ang isang simpleng bread winner na sekretarya. Kinikilig ang mga manonood sa kanya, kasi'y tipikal na lalaki na nababasa sa romance books ang papel at karakter niya sa teleserye. Isang ideal man. Pero ganoon pa man, totoong mahusay na senador si Sid. Malinis pa ang record niya bilang pulitiko. Nakadagdag sa kanyang boto ang pagiging sikat na artista.

"Minamaliit ang mga artista, pero napaniwala ko ang taong bayan dahil sa naging performance ko sa senado. Sa senado, marami tayong panukalang nakapasa na nakatulong sa taong bayan!"

Malalakas na palakpakan ang narinig sa lahat ng naroroon. Sa bawat sabihin ni Sid sa kanyang talumpati, lahat ay napapahanga niya.

"Sa aking administrasyon, paiiralin ko ang katapatan at sinseridad. Wala akong kakampihan. Wala akong kikilingan. Lahat, pantay-pantay ang aking serbisyo—walang mahirap, walang mayaman! Isang gobyernong masigla at batas ang paiiralin. Ang serbisyong ibibigay ko ay para sa bawat Filipino!"

Isang malakas na palakpakan ang naghari sa buong Quirino Grand Stand.

Matapos ng oath taking, isang magarbong party ang ibinigay na sorpresa sa kanya ng mga kasamahan sa showbiz na ginanap sa isang sikat na restarurant sa scout area ng Quezon City. Pero hindi nagtagal si Sid nang isang oras roon. Kahit na ano ang gawing pigil sa kanya ng mga kasamahan sa showbiz, dahil nahahalata na itong gustong umalis—kanina pa tingin nang tingin sa relo—naging matigas itong sinabing kailangan na niyang umalis. Mayroon daw napakaimportanteng appointment.

Palasyo Nasyonal

KANINA pa siya tinetext para sabihing naroon na ang mga bisita. Kanina, pagpunta ni Sid sa basement parking ng restaurant na pinagdausan ng victory party ng mga kasamahan niya sa showbiz sa Quezon City, pinauwi niya ang driver at siya na lang ang magda-drive. Dahilan na pinagtakhan ng driver niya.

"May pupuntahan lang ako. Basta umuwi ka na, Mang Rody." Iyon lang ang sinabi ni Sid sa driver. Ayaw na niyang tingnan uli ang nagtatakang diver dahil umiiwas siya na masabi ang kanyang pupuntahan. Ganito rin ang sabi niya sa mga PSG na nakaguwardiya sa kanya. Pinauwi niya ang mga ito at sinabing tatawagan kapag kailangan. Sinabi niyang may napakapersonal siyang pupuntahan.

Mula sa Quezon City hanggang university belt, hindi na-traffic si Sid. Malalim na kasi ang gabi, at ilang minuto na lang, alas-dose na. Nang makarating sa Mendiola, biglang bumuhos ang malakas na ulan. Halos hindi na niya makita ang dinadaanan. Biglang kumulog. Nagulat siya nang kumidlat. Kahit malamig ang aircon ng kotse, pinagpawisan si Sid. Ganito siya, napakatapang na tao, pero kapag kumikidlat na, takot na takot siya. Napapamurang tinakpan niya ang mukha. Sa patuloy na pagkulog at pagkidlat, halos gumewang-gewang ang sasakyan niya, pero mabuti na lang, papalapit na siya sa gate ng Palasyo Nasyonal.

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon