KABANATA 21

620 40 0
                                    


"EXCITED na 'ko," sabi ni Tracy. "Gusto ko nang makita ang magagandang pakpak ninyo."

"Oo nga," natutuwang sabi ni Hasmin.

"Sabi nila, kapag napawi ang sumpa, gaganda kayong lahat. Hindi na maghahati ang katawan ninyo. Hindi na kayo magmumukhang halimaw," pagpapatuloy ni Tracy.

Pinagmasdan pa nina Tracy at Hasmin ang kasiyahan ng mga tibaro. Iba't ibang tibaro ang nagbubuhat kina Moymoy at Alangkaw.

"Ang galing ni Moymoy, 'di ba? Anak ko 'yan!" Ito ang laging sinasabi ni Tracy sa bawat tibarong makasalubong niya.

Kinawayan ni Moymoy si Tracy. "'Ma! 'Ma!"

"Anak! I'm proud of you!" sigaw ni Tracy.

Napansin ni Moymoy na hindi gaanong masaya si Alangkaw. Na kahit binubuhat-buhat ito ng mga tibaro dahil sa nalalapit na pagpawi ng sumpa, hindi makikitaan na masayang-masaya ang kapatid.

"Alangkaw! Okay ka lang?!"

Tumango si Alangkaw. Mapait itong ngumiti.

Sa isip ni Moymoy, alam niya ang dahilan kung bakit hindi gaanong masaya ang kanyang kapatid. Iniisip niyang nanghihinayang si Alangkaw dahil nabura sila sa alaala ng tunay nilang nanay na si Liliw.

MALAPIT na malapit na ang pinakahihintay ng lahat ng tibaro. Punong-puno ang malawak na liwasan ng Malasimbo ng lahat ng tibaro ng Gabun. Sa entablado, naroon sina Moymoy, Alangkaw, Wayan, Montar, Hasmin, at si Tracy.

Marahan, lumapit sa pinakaharap ng entablado si Wayan. "Mga kapwa tibaro ng Gabun, bago ang lahat, pasalamatan nating muli sina Moymoy at Alangkaw!"

Nagtinginan ang lahat sa magkapatid at nagpalakpakan. Ang iba ay nagsisigawan sa tuwa.

Sinenyasan ni Wayan sina Moymoy at Alangkaw. Si Moymoy ang lumapit sa kanya.

"Mga kaibigang tibaro, parating na ang hinihintay natin! Masaya ako at ang kapatid kong si Alangkaw! Kayo ang nagturo sa akin na maging mas malakas! Isa lang ang napatunayan ko sa sarili ko! Lalo akong naging matapang dahil tama ang ipinaglalaban natin! Kaya binayayaan tayo ng ganito! Salamat din sa inyo! Kung hindi sa inyo, hindi ko rin ito makakayanan! Kayo ang naging inspirasyon ko sa pagtatapos sa sumpa!" Tumingin siya kay Hasmin at ngumiti.

"Mahal ko kayong lahat! Mahal ko ang buong Gabun! Mahal ko ang nag-iisa kong kapatid na si Alangkaw! Mahal ko ang nanay ko na nagpalaki sa akin! At ang tunay na ina namin na si Diyosang Liliw!"

Muli, nilakasan pa ni Moymoy ang boses at itinaas ang kamay. "Mabuhay ang Gabun!"

Nagsigawan ang lahat.

Pagkaraan ng ilang saglit, katahimikan ang naghari sa buong liwasan. Nakatingala ang lahat. Pinagmamasdan ang buwan. Ilang minuto na lang, sa gabing iyon, kabilugan na ng buwan. Mararanasan na ng lahat ang pagpawi ng sumpa. Halos hindi humihinga ang bawat isa na nakatingala—nakatingin sa napakaliwanag na buwan. Sa gabing iyon, kakaiba ang hitsura nito. Bilog na bilog at malaki kaysa sa dati. Walang ulap na tumatakip rito at parang nakadikit sa kalangitan.

Nagulat ang lahat sa mukha ng buwan, may kulay pulang nakita roon. Nagtaka ang lahat. Ang munting kulay pulang iyon na nasa mukha ng buwan ay unti-unting kumakalat.

Sa una, hindi maintindihan ng iba kung ano ang ibig sabihin ng pulang iyon. Nakikita lang nila iyon kapag sumasapit na ang—

"Gabi ng dugon?!" sigaw ng isa.

Nagtinginan ang lahat.

"Gabi ng dugon!" sigaw ng isa pa.

Isang nakakalibot na sigaw ang narinig sa iba pa. "Gabi ng dugoooonn!!!"

Nagsimulang magtakbuhan ang lahat.

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon