KABANATA 24: "ISA SA INYO ANG KUMUHA NG GINTO!"

638 43 0
                                    


"ISINAULI na namin ang dalawang ginto. Kumpleto na 'yon." Iyon ang sinabi ni Moymoy sa mga Apo.

"Nagkaroon ng gabi ng dugon, Moymoy. Ang ibig sabihin, hindi pa kumpleto." Kalmado pero dominante pa rin ang pagkakasabing iyon ni Marino. Nanatili itong nakaupo sa kanyang trono.

"Hindi marunong magsinungaling ang anak ko," sabi ni Tracy.

Nanatiling pormal ang kabuuan ng mga Apo. Hindi pinansin ang sinabing iyon ni Tracy.

"Mahal naming mga Apo ng Gabun," sabi ni Wayan, "ano kaya ang posibleng dahilan? Bakit hindi napawi ang sumpa, samantalang kumpleto na ang mg Ginto ng Buhay? Naisauli na sa inyo. Nasa Panalturan na ang mga ginto. Buong-buo na ang pinanggagalingan ng kapangyarihan ninyo."

"Hindi iyon kumpleto," sabi ni Liliw na nanatiling nakaupo sa kanyang trono.

"Pero, Inay—" Natigilan si Moymoy, pero pagkatapos ay piniling ituloy na lang ang sinasabi. "Si Buhawan mismo ang nagsabi na ang mga 'yon ang kahuli-hulihang ginto. Siya ang kumuha sa mga Ginto ng Buhay. Alam niya kung saan niya dinala."

Tiningnan nang diretso ni Liliw si Moymoy. Nanatiling dominante ang kabuuan at matigas ang pagbitiw ng mga salita. "Batang tibaro, kung sino ka man, hindi kinukuwestiyon ang hindi pagtupad ng pagpawi ng sumpa sa aming mga diyos. Malinaw ang kundisyon na ibinigay namin noon pa man, isauli ang lahat ng ninakaw ni Buhawan!"

Nagtaka si Tracy sa klase ng pagsasalita ni Liliw. Napabulong siya. "Liliw?"

Marahang hinawakan ni Moymoy ang ina-inahan para pigilan.

"Ang ibig sabihin, wala pa ang lahat ng ginto sa panalturan," sabi ni Marino.

"May kumuha ng ginto," sabi ni Amihan.

"Isa sa inyo ang kumuha ng ginto," sabi ni Liliw.

Nagtatakang nagtinginan ang lahat dahil sa narinig.

"May nakapagsabi sa amin. May nakakita na ikaw, Moymoy ang kumuha ng ginto," dagdag ni Marino.

Tumayo si Liliw. "Kung siya ang tinutukoy mo, Marino. Itong Moymoy na sinasabi mo, dapat siyang parusahan."

"Ako? Bakit ako?"

"Ikaw lang ang may kakayahang pumasok ng Panalturan. Paano mo nakuha ang susi ng pinto?" tanong ni Liliw.

"Hindi ako! Hindi ko kinuha 'yon. Nanumpa ako sa mga tibaro na papawiin ang sumpa. Hinding-hindi ko gagawin ang sinasabi ninyo." Mariin ang mga salita ni Moymoy.

Sa galit na nararamadaman, halos maiyak si Moymoy. "Bakit ko gagawin ang isang bagay na ayokong mangyari? Noon pa lang, pinangarap ko nang mawala ang sumpa. Ipinangako ko 'yan sa lahat ng mga tibaro ng Gabun."

Nanatiling pormal ang kabuuan ni Liliw. Tumayo siya sa pagkakaupo sa kanyang trono. "May nagsabi sa amin na nakita ka sa Panalturan, hawak ang susi at binuksan mo ang Pinto ng Panalturan upang makapasok. Kung saan mo man nakuha ang kakayahan mong makuha ang susi, hind iyon ang pinag-uusapan ngayon. Ikaw ang kumuha ng Ginto ng Buhay sa Panalturan!"

"Hindi ako! Hindi ako!" halos pahiyaw na sabi ni Moymoy.

"Kung ayaw mong magtapat, kailangan mong dumaan sa isang pagsubok," mariing sabi ni Liliw.

"Ano? Pagsubok?" nabiglang tanong ni Moymoy.

"Isang pagsubok," pagtutuloy ni Ilawi. "Malalaman naming lahat kung totoo o hindi ang sinasabi mo."

"Ano'ng gagawin ko sa mga ginto? Bakit n'yo naisip na ako ang kumuha? Bakit kayo naniwala sa kung sino man ang nagsabi na ako ang kumuha ng ginto? Isipin ninyo—bakit ko kukunin ang ginto?"

"Kapangyarihan," mabilis na sagot ni Liliw. "Gusto mo ng kapangyarihan ng isang diyos."

Napailing si Moymoy. "'Di na baleng magkaroon ako ng kapangyarihan, kung hindi ko matutupad ang pangako ko sa mga tibaro. Mas importante ang pangako ko sa kanila."

"Moymoy, hindi ka ba marunong umintindi?" mariing sabi ni Marino. "May nakakita sa 'yo. Isa pa, makinig kayo sa tanong ko—sino sa inyo rito ang nagkaroon ng kakayahang makapasok na sa Panalturan?"

Tiningnan ni Moymoy nang diretso si Marino. "Ako lang..."

Lalo pang tumahimik sina Wayan, Marino, at Tracy.

"Palagay ko," sabi ni Liliw sa mga kapatid na Apo, "walang ibang paraan kundi ang dumaan siya sa pagsubok ng katotohanan kay Hiling-Hiling."

"Pagsubok ng katotohanan? Kay Hiling-Hiling?" tanong ni Moymoy.

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon