KABANATA 4. TANONG NI MOYMOY Part 2

856 48 0
                                    


Tiningnan ni Mr. Velasco si Moymoy, pero itinuloy ang paglalakad. "Higit pa tayo sa laylayan ng lipunan. Nabibilang tayo sa mga kagaya nila. Kapag natuklasan tayo, ang kinaroroonan natin, tiyak, marami ang magugulat. Hindi sanay ang mga buntawi o mga tao na makisalamuha sa mga gaya natin. Mas marami sila. Hindi lang tayo katatakutan, baka pagpapatayin tayo kapag natuklasan ang tungkol sa atin. Hindi tayo kabilang sa nakararami, Moymoy."

"Pero may kapangyarihan kayo na hindi nagagawa ng mga tao," sabad ni Ella.

"Iyon ang isa pang delikado," sagot ni Mr. Velasco. "Baka hindi matanggap ng mga tao na mas may kapangyarihan ang mga tibaro. Ang tanong—kaya ba nilang tanggapin sa kanilang mga sarili na may kakaiba kaming kapangyarihan at sila naman ay wala?"

Bumaling ang tingin ni Mr. Velasco kay Moymoy at lalo pang naging seryoso. "Iyon ang pakatandaan mo, Moymoy. Bago mo ilantad ang tungkol sa atin, siguruhin mong hindi tayo iiwasan, aapihin, and worse, papatayin."

Huminto si Mr. Velasco, tiningnang mabuti si Moymoy sinigurong maiintindihan nito ang sunod na sasabihin. "Ikaw, Moymoy Lulumboy ang inaasahang papawi ng sumpa. Dumating sana ang araw na 'yon. Dahil kapag nangyari 'yon, aalis na ang mga tibaro sa Amalao. Sa Sibol na maninirahan lahat, kasama ang mga Apo. Magiging maligaya ang lahat ng tibaro."

Sa kanilang paglalakad, nakarating sila sa dulo ng pilapil. Makikita ang isang pinto. Hindi maaninag nang mabuti ang pinto dahil may nakaharang na parang tubig na umaalon-alon.

"Narito na tayo." Pumasok sila sa umaalong-along harang, pinihit ni Mr. Velasco ang seradura ng pinto.

Lumabas sila sa banyo ng eskuwelahan ng Salikot. Naglakad sila, palabas ng gusali. Tumambad sa kanila ang selebrasyong nagaganap. Nagkantahan, nagsayawan ang mga tibaro sa pagdating ni Moymoy. Gaya ng dati, naroon ang pangalan ni Moymoy sa kalawakan, sa itaas ng liwasan ng Salikot. May nakalagay na: I (Puso) Moymoy.

"Alam kong susunod ka sa akin sa pagpunta ko rito sa Salikot, kaya nagdiriwang sila sa pagdating mo," sabi ni Mr. Velasco kay Moymoy.

"Welcome back, Moymoy!" sabi ni Lola Joy na sumalubong sa kanila.

Maaliwalas ang ngiti ni Lola Joy habang lumilipad-lipad ang hati niyang katawan sa pamamagitan ng maiitim na pakpak. Naroon pa rin ang magiliw nitong mukha at bunging mga ngipin. "Hello, Ella! Come on, join us!"

"Hello po!" nakangiting sabi ni Ella.

"And Moymoy, look who's here!" masayang sabi ni Lola Joy.

Nakita ni Moymoy na paparating sina Tracy at Montar.

"Anak!" salubong ni Tracy kay Moymoy.

"Ma, paanong—"

"Hinahanap kita sa inyo, Moymoy. Pero nalaman kong papunta ka rito. Sumama si Tracy sa akin. Gusto raw niyang makita ang Salikot." Si Montar ang sumagot.

"Moymoy," sabi ni Tracy. "'Di ko nga alam na may ganitong lugar dito. Amazing!"

anak,YdPD

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon