KABANATA 44: ANG PAKIUSAP NI MOYMOY

873 45 7
                                    


SA IBABA, balisa sa paghahanap si Moymoy kay Tracy. Minsan siyang napapatingin sa itaas para makita ang nangyayari, pero nakatuon siya sa paghahanap sa ina-inahan.

Bumaling-baling siya sa iba't ibang direksiyon. Mama! Nasaan ka?

Napansin niyang wala nang tibaro sa liwasan. Lahat sila'y nagpuntahan sa kani-kanilang tirahan.

"Moymoy!"

Kabisado niya ang may-ari ng boses na iyon kaya kaagad siyang lumingon. Nakita niya si Tracy sa lilim ng puno ng balete, takot na takot. Kasama niya sina Wayan at Hasmin. Patakbo siyang lumapit sa kanila.

"'Ma! Bakit kayo nandito?! Dapat, umalis na kayo dito! Dapat tumakbo kayo papunta sa gubat! Doon kayo magtago!"

"Nagtakbuhan ang mga tibaro. Sinundan namin ang mama mo; baka may mangyari sa kanya! Nataranta kami!" sabi ni Hasmin.

Nanatiling nakatingin si Wayan sa mga nagsasagupaan sa kalawakan. "Matindi na talaga ang galit ng mga Apo. Naisipan na nilang lumusob at magkaroon ng digmaan."

Napatingala si Moymoy sa mga nagsasagupaan. "Kailangang makausap ko ang mga Apo, Wayan! Kailangang malaman nila na walang balak na gumawa ng giyera si Alangkaw!"

"Galit na galit na sila sa mga tibaro! Galit na galit na sila sa amin dahil sa pinaggagawa ni Buhawan! Kung walang balak na gumawa ng digmaan sina Buhawan at Alangkaw, bakit sila nagtayo ng hukbo?" pagdidiin ni Wayan.

"Nagbitiw ng salita si Marino na dudurugin niya ang sino mang kumuha ng ginto. Natakot si Alangkaw kaya niya nilapitan si Buhawan! Nagawang kunin ni Alangkaw ang ginto dahil may sakit ang nanay namin!"

Nagulat silang lahat nang may mabilis na matalim na guhit ng liwanag na muntik nang tumama sa kanila galing sa isa sa mga bugani! Biglang nag-iba ng anyo si Moymoy—yaong lalaking may malaking katawan at may pakpak. Mabilis niyang binuhat sina Tracy at Wayan. Si Hasmin ay biglang nag-iba ng anyo! Naging ibon!

Mabilis na inilipad ni Moymoy sina Tracy at Wayan sa direksiyon papunta sa malapit na kagubatan. Pero nakita sila ng isang bugani! Sinundan nito si Moymoy sa kanyang paglipad. Sumagitsit ang matalim na guhit ng liwanag mula sa bibig ng bugani papunta kina Moymoy! Nadaplisan si Wayan! Napasigaw siya!

Kasimbilis ng kidlat, pabulusok na lumipad papunta sa gubat si Moymoy, buhat-buhat sina Tracy at Wayan. Ibinaba niya ang mga ito sa lilim ng malaking puno. Bumalik si Moymoy sa tunay na anyo, pero nanatili ang pakpak at ang espada sa kanyang kamay.

Binalikan ni Moymoy ang bugani. Nagawa niyang iwasan ang matatalim na liwanag sa bibig ng bugani. Bigla, inilabas ni Moymoy ang matalim na espada sa kanyang kamay. Hinampas niya ang bugani. Napasigaw ang bugani sa sakit! Maririnig ang napakatinis na sigaw nito. Pinaghahampas pa itong muli ni Moymoy. Naputol ang isang pakpak ng bugani kaya nagpagiwang-giwang ito sa paglipad. Akmang lulusob ito kay Moymoy nang hampasin niya itong muli. Pinilit pa rin nitong lumusob kaya pinagtatapyas ni Moymoy ang katawan nito. Pira-pirasong bumagsak sa lupa ang bugani.

Bumalik siya sa lilim ng puno kung saan niya iniwan sina Tracy at Wayan. "'Ma, Wayan, Hasmin, 'wag na 'wag kayong aalis dito. Hasmin, ikaw na ang bahala kay Mama!"

Dagling tumango si Hasmin.

"Saan ka pupunta, Moymoy?! Delikado ang mga 'yan!" pahabol na sabi ni Tracy.

"Tutulungan ko si Alangkaw. Baka mapahamak siya!" Agad siyang lumipad sa direksiyon ng Dalumdum.

Nang nasa kalawakan na si Moymoy, itinaas niya ang mahabang espada. Pumunta siya sa kinaroroonan ng mga bugani. Nag-iba siya ng anyo—yaong lalaking matikas at malaki ang pangangatawan. "Mga bugani! Tama na!"

Narinig ng mga bugani ang malaking boses ni Moymoy.

SAMANTALA, sa tore ng Sibol, nagulat ang mga Apo nang makita si Moymoy sa kalawakan at sinasagupa ang mga bugani.

"Bakit nandiyan ang batang tibaro na pinalaki ng isang buntawi? Si Moymoy Lulumboy?" mahinahong tanong ni Liliw.

"Ipagtatanggol ba niya si Alangkaw?" tanong ni Amihan.

"Ano'ng ibig sabihin nito?" gulat na sabi ni Ilawi.

Hindi nakapagsalita si Marino. Pinagmamasdan lang ang sunod na mangyayari.

NILUSOB ng mga bugani si Moymoy, pinanatili ang anyong matikas at may magandang pangangatawang lalaki. Mabilis siyang nakakaiwas sa matatalim na liwanag na sumasagitsit mula sa bibig ng mga bugani. Ang ibang nakakalapit sa kanya ay pinaghahampas niya sa pamamagitan ng kanyang espada.

Ilang sandali lang, nagpuntahan sa kanya ang maraming bugani. Wala siyang magawa kundi ang paghahampasin ang mga ito sa napakabilis na paraan gamit ang kanyang espada. May napuputol ang ulo, katawan, pakpak, at kung ano-ano pang bahagi ng kanilang mga katawan. Sa kalawakan, makikitang naglalaglagan ang pira-pirasong katawan ng mga ito.

Napalingon si Moymoy sa kinaroroonan ng palasyo sa Sibol. Bigla siyang lumipad paitaas, tiningnan iyon saglit. Mula sa kalawakan nang makita niyang nasa tore ng palasyo ang mga Apo, pabulusok siyang lumipad papunta sa mga ito.

Kailangan ko kayong makausap!!! hiyaw ng isip niya.

Nagbalik sa tunay na anyo si Moymoy, pero nanatili ang pakpak at ang espada sa kanyang kamay. Pero nang papalipad siyang lumapit sa tore, may kung anong puwersa ang nagpatilapon sa kanya. Mayroong nakaharang sa kinaroroonan ng mga Apo na hindi makita!

Bumalik muli si Moymoy malapit sa mga Apo. "Kailangan ko kayong makausap!"

Nagtinginan ang mga Apo. Naririnig nila si Moymoy pero pinanatili ang harang sa kanilang kinaroroonan.

"May sasabihin ako! Itigil n'yo na ito! Nagawa lang ni Alangkaw 'yon dahil may malubhang sakit ang nanay namin! Ang ginto lang ang makakagamot sa kanya! Kung hindi niya ginawa 'yon, mamamatay ang nanay namin!"

Nagtinginan ang mga Apo sa narinig.

"Nanay?" tanong ni Amihan. "Sino'ng sinasabi niyang nanay?"

Napatingin ang lahat kay Liliw.

"Kailangang mamatay si Liliw," matigas na sabi ni Liliw.

"Sinong Liliw ang tinutukoy mo?" tanong ni Ilawi.

"Sino ka? At sinong Liliw ang tinutukoy mo?" tanong ni Marino.

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon