KABANATA 13: GINTO SA BASURA

811 44 0
                                    



Maynila

NAKAUPO si Buhawan sa tabi ng simbahan ng Malate. Nakita niya ang gumagapang na ipis. Dinampot niya iyon, isinubo at pagkatapos ay nginuya. Nakita siya ng dalawang batang lansangan.

"Kumakain ka ng ipis?" tanong ng bata.

Tiningnan lang ni Buhawan ang bata, hindi sinagot.

"Penge!" sabi ng bata.

Nanlisik ang mga mata ni Buhawan na parang isang mabangis na hayop.

"Penge ng pagkain!" sabi pa ng isang bata.

"'Lis diyan!!!" sigaw ni Buhawan.

Napaurong ang mga bata. Tuluyan silang natakot sa napakalaking boses at nanlilisik na mga mata ni Buhawan. Tumakbo ang mga ito palayo. Pero bago makarating ang dalawang bata sa kabilang kalsada, isang humaharurot na jeep ang biglang napapreno. Muntik nang masagasaan ang dalawang bata. Takot na takot ang mga ito. Pero nang makaalis ang jeep at tiningnang muli si Buhawan, lalo pang natakot ang dalawang bata sa kanya. Nakangisi at nanlilisik ang mga mata. Tumakbo palayo ang mga bata.

Tumayo si Buhawan. Nagsimula siyang maglakad. Saglit na nag-alisan ang mga langaw na nakadapo sa kanyang sugatang balat at pagkatapos ay sinundan pa siyang muli.

Naglakad si Buhawan. Naglakad nang naglakad. Wala siyang direksiyon. Ni hindi niya alam kung saan siya pupunta. Basta ang gusto lang niya, maglakad nang maglakad. Iniikutan lang niya ang Kamaynilaan.

Nakarating siya sa Intramuros. Ipinagpatuloy pa rin niya ang paglalakad. Hanggang sa makarating siya sa tagiliran ng mga luma at makapal na pader. May nakita siyang madilim na bahagi roon. Isang malaking butas sa pader. Pumasok siya, isiniksik ang katawan. Ipinikit niya ang mga mata para matulog. Pero nagulat siya nang marinig ang pamilyar na boses.

"Buhawan..."

Dumilat siya. "Gunaw?!"

Nakita niya ang nabuong itim na usok sa kanyang harap—si Gunaw nga.

"Bakit ka nagmumukmok diyan?" tanong ni Gunaw.

"Napapagod ako. Ano ba ang gagawin ko?"

"Baka kunin sa 'yo ang mga ginto."

Napaisip sandali si Buhawan. "Si Moymoy? Siya lang ang may kakayahan na kunin ang mga natitirang ginto."

"Kukunin niya ang mga ginto..." Lalo pang lumalim ang boses ni Gunaw.

Napaisip si Buhawan. "Matagal ko nang binabantayan ang mga ginto..."

"May kapangyarihan ang mga ginto. Kailangan mo ang mga ginto para mapasaiyo si Amihan..."

"Ano ang gusto mong gawin ko? Sinunod ko na ang sinabi mo sa akin, Gunaw. Ninakaw ko ang mga ginto para magkaroon ng kapangyarihan."

"At kung hindi mo ninakaw ang ginto, walang sumpa. Kung walang sumpa, hindi ka naging makapangyarihan... Buhawan, huwag mong pabayaan ang mga ginto. Mawawalan ka ng kapangyarihan."

Napayuko si Buhawan. "Dahil sa ginawa ko, napakasama na ang tingin sa akin ng mga tibaro at ng mga diyos."

Tumawa nang malakas si Gunaw. "Bakit at kailan naging mabait ang mga diyos?" Muli pa siyang tumawa.

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon