KABANATA 45: SI MANGTAW

648 41 0
                                    



"MAPAPAHAMAK tayong lahat... anak. Kunin mo na ang ginto."

Tiningnan ni Alangkaw ang ginto. Pagkatapos ay iniangat niya ang kamay. Bumaba ang ginto, nanatiling lulutang-lutang. Bigla, kinuha ni Alangkaw ang ginto at tumakbo palabas.

Mabilis siyang pumunta sa terasa. Natigilan sina Buhawan at Pontoho sa kanyang pagdating.

"Matatalo tayo sa labanan," sabi ni Alangkaw. "Kailangan ito." Inilabas niya ang hawak na ginto.

Nagulat sina Buhawan at Pontoho. Hindi nila nakuhang magsalita dahil biglang nilunok ni Alangkaw ang ginto. Pagkalunok nito sa ginto, bigla itong nagkaroon ng pakpak at nagpunta sa labanan.

Sa malayo, nakita nina Buhawan at Pontoho ang nag-ibang anyong si Alangkaw. Isa itong malaking lalaki na may matibay at kulay-gintong baluti.

Habang lumilipad-lipad sa kalawakan, humarap si Alangkaw sa mga bugani. Hindi siya tinatablan ng sandata ng mga ito—ang matatalim na liwanag na sumasagitsit na lumalabas sa mga bibig ng bugani.

Itinaas ni Alangkaw ang kamay at pinaghahampas ng nag-aapoy na espada ang mga kalaban. Hindi na nagagawang makapunta nang malapitan ng mga bugani sa kanya dahil sa pamamagitan ng kanyang esapada, nagkakapira-piraso ang katawan ng mga ito at nagkakandahulog-hulog sa lupa. Maririnig ang malalakas at matitinis na boses ng mga bugani sa kalawakan dahil sa sakit na nararamdaman mula sa hampas ng nag-aapoy na espada ni Alangkaw.

Nagulat ang mga Apo sa kanilang nasasaksihan—nakikita nilang nakakayang labanan ni Alangkaw ang mga bugani. May kakayahan pa si Alangkaw na ubusin ang mga bugani!

Samantala, napatingin si Moymoy sa kanyang likuran. Nakita niya si Alangkaw na nakikipaglaban sa mga bugani. Napatingin siyang muli sa mga Apo.

"Nakita ko ang nanay ko. Ang ginto ang nagsisilbing gamot niya!" sabi Moymoy sa mga Apo.

Hindi siya sinagot ng mga Apo.

Muling nagsalita si Moymoy. "Ginamit lang niya ang ginto para malabanan ang mga bugani! Maniwala kayo sa 'kin!"

Hindi tumitinag ang mga Apo sa sinasabi ni Moymoy. Nanatiling gulat na gulat ang mga ito habang tinitingnan ang pakikipaglaban ni Alangkaw.

At gulat na gulat ang mga Apo na nagawang talunin ng Dalumdum ang Sibol!

"Hindi maaari!" galit na sabi ni Ilawi. "Hindi tayo dapat matalo sa ano mang digmaan!"

Dagling umalis si Ilawi.

Mula sa tore, mabilis siyang nagpunta sa pinakailalim ng Sibol, sa kinaroroonan ng itinatagong mga pahina ng Liya. Pagpasok ni Ilawi sa bulwagang iyon, itinaas niya ang kamay habang nakaharap ang kanyang palad sa mga kabinet. Gumalaw-galaw ang mga kabinet na nasa dingding. Binuksan ni Ilawi ang nasa gitna na kulay-puti na naging pula. Kinuha niya roon ang isang pahina. Tiningnan ito sandali at nilisan ang lugar.

"Si Mangtaw!" sabi ni Ilawi sa mga kapatid na Apo pagkapanhik sa tore ng Sibol na kinaroroonan ng mga ito. Ipinakita niyang hawak ang pahina. "Gigisingin ko si Mangtaw!"

Biglang umangat ang katawan ni Ilawi at lumipad sa kalawakan.

Samantala, sa ibaba, sa tirahan ng mga tibaro, kanina pa sila nanonood sa nangyayaring digmaan. Nakita nila ang labanan ng Sibol at Dalumdum. Nakita nila kung papaano makipaglaban ang mga mandirigma ng Dalumdum at ang mga bugani ng Sibol. Nakita nila ang pakikipaglaban ni Moymoy at ang pagpunta nito sa mga Apo. Nakita nila ang pakikipaglaban ni Alangkaw.

At ngayon, nakita ng mga tibaro si Ilawi na lumilipad sa kalawakan, papunta sa direksiyon ng bulkan ng Gabun.

Pagkalapit ni Ilawi sa bulkan, huminto siya malapit sa bunganga niyon. Dala-dala niya ang isang pahina ng Liya. Pinagmasdan niya ang usok na lumalabas sa bulkan at pagkatapos ay lumipad paitaas. Sa taas ng usok, sa kinaroroonan ng bunganga ng bulkan, huminto siya. Itinaas niya ang hawak na pahina. "Mangtaw! Ako si Ilawi ng Sibol Encantada, isa sa mga Apo ng Sibol. Tinatawag kita!!!"

Biglang binitiwan ni Ilawi ang pahina sa usok ng bulkan. Unti-unting sumanib ang usok sa pahina. Unti-unting nagkaroon ng pigura ang pagsasanib na iyon. Naging isang malaking nilalang na halos kasinlaki ng bulkan! Ang mistulang usok na pigura ay naging kulay-abo. Unti-unting lumantad ang kabuuan nito. Isa itong dragon na may mahahabang galamay. Nang masinagan ito ng araw, naging kulay-ginto ang kabuuan ng dragon! Ibinuka nito ang bibig at biglang lumabas doon ang apoy. Biglang naging buo ang hitsura ni Mangtaw!

Inilapit ni Mangtaw ang mukha kay Ilawi.

"Mangtaw! Tinawag kita para ipagtanggol kaming mga Apo ng Gabun!" sabi ni Ilawi.

Umatungal si Mangtaw at lumipad. Lumipad siya nang lumipad sa kalawakan. Ipinakikita kung gaano siya kalaki at kalakas bilang tagapagtanggol ng Sibol.

Lumipad din si Ilawi papunta sa toreng kinaroroonan ng mga kapatid.

Samantala, tumingala ang lahat ng naglalabanan sa napakalaking si Mangtaw. Huminto sa paglalaban ang mga bugani at mga mandirigma ng Dalumdum. Tuwang-tuwa ang mga bugani. Lumikha sila ng ingay na napakatinis. Nagliparan ang natitirang bugani papunta kay Mangtaw.

Pagkatapos lumibot ni Mangtaw sa buong Gabun, lumapit siya sa kinaroroonan ng mga Apo. Isang atungal ang pinakawalan para magbigay-galang. Kasunod niyon, ibinuka niya ang bibig at tumingala. Lumabas doon ang apoy.

"Ikinagagalak kong pagsilbihan kayo," sabi ni Mangtaw sa kanyang sariling salita.

"Ikinagagalak din namin, Mangtaw, ang iyong pagdating," sabi ni Ilawi.

Tiningnan ng mga Apo ang kabuuan ni Mangtaw. Namangha sila sa laki nito.

Samantala, nanatili si Moymoy sa himpapawid, pinagmamasdan ang nangyayari. Hindi siya makapaniwala sa laki ni Mangtaw. Sa palagay niya, ito na ang pinakamalaking hayop na nakita niya. Gaya ni Moymoy, ganoon din ang naisip ni Alangkaw na nanatili ring nasa himpapawid, pinagmamasdan din si Mangtaw.

NAKATINGALA ang lahat ng mga tibaro. Hindi rin sila makapaniwala sa nangyayari—partikular na sa pagdating ni Mangtaw. Samantala, sa gubat, pigil-hininga sina Tracy, Wayan, at Hasmin sa mga nasasaksihan.

"Kailan matatapos ang labanan? Kailan matatapos ang mga kaguluhang ganito sa Gabun?" halos pabulong sa sarili na tanong ni Tracy.

"Hanggang may naghahangad sa mga ginto ng mga Apo, hindi ito titigil, Tracy," sagot ni Wayan.

"Sana, sana hindi mapahamak sina Moymoy at Alangkaw..." sabi ni Hasmin.

"Sana, sana nga," sabi rin ni Tracy.

Sa kalawakan, biglang humarap si Mangtaw sa kinaroroonan ng Dalumdum. Umatungal ito nang ubod ng lakas.

At alam nina Moymoy at Alangkaw na sa ilang sandali lang, lulusob si Mangtaw sa Dalumdum.

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon