KABANATA 34: KAHIT HINDI SIYA DIYOSA

685 43 4
                                    



MULA sa tirahan niya, pinagmamasdan ni Moymoy sa bintana ang papalubog na araw sa direksiyong kinaroroonan ng Dalumdum. Gusto niyang malaman ang mga sagot sa kanyang tanong: Bakit nagawa ni Alangkaw na kunin ang ginto?

Pinagmasdan niya si Tracy na tahimik nang natutulog. Ikaw lang ang sigurado sa buhay ko. Kung wala ka pa, paano na kaya ako? Mahal na mahal kita.

Kanina, habang nakahiga sila at habang hinahaplos-haplos ni Tracy ang kanyang likuran, inaalo sa nararamdamang hinanakit kay Alangkaw, marami silang napagkuwentuhan.

"Tungkol sa mga kuwento ni Montar na isa raw akong dating diyosa ng pangangalaga, natatawa naman ako sa sinasabi niya," sabi ni Tracy. "Kahit hindi siguro ako ang diyosa ng pangangalaga, puwede naman kitang alagaan. Ang cute mo 'ata no'ng bata ka pa. Madali ka pang alagaan. Sumusunod ka sa mgga pangaral ko."

Nanatiling nakikinig si Moymoy sa kanyang ina-inahan.

"Moymoy..."

May katahimikang naghari saglit bago nagsalita uli si Tracy. Nag-aalangan siyang sabihin ang susunod niyang kuwento kay Moymoy. "Moymoy, naaalala mo ba si Edcel?"

Napakunot-noo si Moymoy. "Opo. Kilala ko siya."

"'Yong dati kong boyfriend for thirteen years? Magpapakasal na sana kami noon pero bumagsak daw ang eroplanong sinasakyan niya.

"Moymoy," pagpapatuloy ni Tracy. "May ipagtatapat ako. Noong nasa Singapore ako, pinuntahan niya ako."

"Ha? Buhay si Tito Edcel?" Hindi maisawang hindi mapaupo ni Moymoy sa narinig. Tiningnan si Tracy at lalo pang nakinig sa sinasabi nito.

"Naging magulo raw ang buhay niya. May nanloko sa kanya sa Maynila. Ipinahuhuli siya. Ipinapapatay. Ayaw niyang masangkot ako sa gulo kaya 'di niya ipinagtapat ang totoong nangyari. Bumagsak ang eroplanong sinasakyan niya pero isa siya sa mga nabuhay. Nagtago siya. Iniba niya ang kanyang pangalan. Nang malaman niyang nasa Singapore ako, sinundan niya ako roon. Pumayag ako sa gusto niya na magpakasal kami doon. Tinulungan niya ako sa naging problema ko roon. Pero nang maging maayos na, inaya niya ako na manirahan sa ibang lugar. Sa Malaysia. Para malayo raw kami sa gulong kasangkot siya. Pero hindi ako pumayag na mamalagi sa abroad."

"Bakit 'di n'yo sinabi sa akin ang tungkol diyan?"

"Para ano pa? Ayoko namang mamalagi doon."

"Bakit po?"

"Lagi kitang naaalala, Moymoy... Para kasing may nangyayaring hindi maganda sa 'yo, eh. Lagi kitang napapanaginipan..."

Napayuko si Moymoy. Kinagat niya ang labi. Pinipigilan niya ang maiyak.

"Moymoy, okay lang ako. 'Di ko pinagsisisihan ang pag-uwi ko. Kapag naayos na ng Tito Edcel mo ang problema niya, babalik iyon. Magkikita-kita tayo uli bilang isang kompletong pamilya. Darating din iyon, malakas ang kutob ko. Magugulat 'yon, kasi ang laki-laki mo na. Guwapo pa."

"Salamat po..."

Hinawakan ni Tracy ang kamay ni Moymoy. "Basta ipangako mo, 'wag mong pabayaan ang sarili mo dahil mahal na mahal kita."

Umupo si Tracy sa tabi ni Moymoy, inakbayan ito nang mahigpit at hinalikan sa ulo. "Hindi man tayo magkadugo, pero sariling anak ang turing ko sa 'yo..."

Sa loob ng T-shirt, nakita nilang nagningning ang dibdib ni Moymoy.

"Espesyal kang bata. 'Wag mong sayangin ang ipinagkaloob sa 'yo, Moymoy."

Tumango si Moymoy sa sinabing iyon ni Tracy.

Nakatulog si Tracy habang patuloy ang pagkukuwento kay Moymoy. Marahan, tumayo si Moymoy at dumungaw sa bintana. Naglakbay ang isip niya. Hindi maalis-alis sa isip ang tungkol kay Alangkaw—ang pagsususpetsang nasa kanya nga ang Ginto ng Buhay. Naaalala niya ang sinabi ni Tracy.

"Anak, alamin muna nating mabuti. Hanapin natin si Alangkaw. Alamin muna natin ang side niya. Kailangang marinig natin siya. Kung siya nga ang kumuha ng ginto, pakinggan din natin kung bakit niya iyon nagawa. Baka may mabigat na dahilan."

Dahan-dahan, may lumitaw na puting pakpak sa likod ni Moymoy. Marahang nagpalit ito ng anyo. Naging isang lawin. Pagkatapos ay ikinampay niya ang malalapad na pakpak at tahimik na nilisan ang tirahan. Lumipad nang lumipad sa kalawakan, papunta sa direksiyon na kinaroroonan ng Dalumdum.

Sa paglipad ni Moymoy, hindi mawala-wala ang katanungan niya sa nangyayari—sa kapatid niyang si Alangkaw.

May nagawa ba ako kay Alangkaw? Kung nasa kanya nga ang ginto, bakit hindi niya sinabi sa akin? May inililihim ba siya?

Iyon ang patuloy na tanong ni Moymoy.

Lihim?

Ang mabilis niyang paglipad ay lalo pang bumilis.

Moymoy Lulumboy Book 4: Mga Dulot ng Digmaan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon