Chapter 18

26 2 0
                                    

PUMATAY PARA MANATILING BUHAY

"Kung sino ka mang hayop kang kataas-taasang kasamaan ka, magpakita ka sa akin! Huwag kang magtago d'yan! Lumabas ka at kalabanin ako! Huwag kang duwag!" Sigaw ni Misty malapit sa may bangin.

Disperado na s'yang iligtas ang mga natitirang nilalang sa Alcatraz, mapalaya sila at makabalik sa sari-sarili nilang mundo.

"Uy, miss. Ako ba ang hinahanap mo?" Napalingon si Misty sa isang nilalang na maitim, matangkad, may sungay at nananabako.

"Hoy, kapre! Huwag mong pinapainit ang ulo ko ha? Huwag kang magbiro!" Nakapameywang na aniya dito.

Imbis na sagutin s'ya ay inihagis nito sa kanya ang dalang tabako. Mabuti nalang at nakailag s'ya, kung hindi ay naihulog na s'ya nito sa bangin.

"Talagang gusto mo ng away ha?"

Kinuha n'ya sa backpack n'ya ang espada. Iniamba ito sa kapre upang ipahiwatig dito na handa s'yang labanan ito.

"Matapang ka, miss. Pero uubra ka ba?"

Iniangat nito ang paa at malakas na ipinadyak sa lupa dahilan upang yumanig ito.

"Wooahh!" Nabitawan ni Misty ang espada n'ya. Nawalan s'ya ng balanse at napaatras sa bangin sa likod n'ya.

"Peste kang kapre ka!" Sinubukan n'yang humawak sa tanim na nasa tabi n'ya ngunit hinipan s'ya nito ng pagkalakas-lakas.

"Ahh!" Tuluyan ng nahulog si Misty sa bangin.

"Hahaha! Wala ka pala eh. Wala pa nga akong ginawa talo ka na. Paalam, Misteryosa. Kabawasan ka sa mga tatalunin ko para makalaya sa mundong ito."  Tatawa-tawang tumalikod ang kapre.

"Iyon ay kung hindi kita maisusunod sa mga papanaw." Napalingon ang kapre sa nagsasalita. Naglaki ang mga mata nito ng mapagsino ang nagsasalita.

"Hindi kita kalaban dito, Finn. Hintayin kong magharap tayo sa arena." Halatang natakot ang kapre sa binata.

"Bakit? Takot ka sa akin? Babae lang ba at mahihina ang kaya mo?" Galit na kinuha ni Finn mula sa bulsa ang isang kadenang bakal.

"Ako? Takot? Nagbibiro ka yata, Finn." Hinugot din nito mula sa likod ang isang kahoy na pamalo. Ngunit may mga tusok ito na kapag tinamaan ang sinuman, siguradong patay ito.

"Sige, kapre. Ipakita mo ang galing mo."

Hinataw ni Finn ang kapre ng hawak nitong kadenang bakal. Ngunit sinangga lang ito ng kapre gamit ang pamalo nito.

"Ako naman! Heto'ng sa'yo!"

Iwinasiwas nito ang hawak na pamalo diretso sa mukha ng binata.

Mabuti na lamang at mabilis itong nakailag. Sinakyan nito ang pamalo at hinampas ang kapre ng kadenang bakal. Sapul ito sa ulo.

Mahilo-hilong napaupo ang kapre sa lupa.

Kinuha ni Finn ang pagkakataon upang umatake. Tinalunan n'ya ito sa tiyan at pinagsasampal ng kadena dahilan upang tuluyan na itong mawalan ng malay.

"Paalam, kapre. Sa kabilang buhay ka na manabako."

Ipinulupot ni Finn ang kadena sa kamay. Saka pinagsusuntok ang tiyan ng kapre hanggang sa mawasak ito ng tuluyan at lumabas ang mga lamang loob nito.

"Tulong!" sigaw mula sa ibaba ng bangin.

Kaagad namang dinaluhan ni Finn ang dalaga.

"Nasaan ka, Misty?" sigaw nito ng walang makita.

"Na...nakakapit sa baging. Hilahin mo ako. Hindi ko na kaya pang kumapit ng matagal." saka pa lamang napansin ni Finn ang gumagalaw na baging.

"Kumapit ka ng mabuti sa baging, Misty. Hihilahin kita pataas."

Kaagad n'ya itong hinatak para tulungang makaakyat ang dalagita.

Hapong-hapo na napahiga si Misty sa damuhan.

"Hoh! Muntik na ako doon ah. Pesteng kapre na 'yon. Makakaganti rin ako sa kanya. Mabuti nalang nakakapit pa ako sa baging bago nahulog sa bangin. Salamat sa pagliligtas sa akin, Finn."

"Wala 'yon. Kung ako din naman ang nangangailangan siguradong tutulungan mo ako, 'di ba?"

"Oo naman. Utang na loob ko sa'yo ang pagliligtas mo sa akin, Finn."

"Dodoble ba ang utang na loob mo sa akin sakaling pinatay ko na ang kapre para sa'yo?" nakangising itunuro nito sa kanya ang patay na kapre.

"Ulk!" masuka-suka si Misty ng makita ang nagkalat na lamang-loob at dugo ng kapre sa lupa. "Ang sama mo, Finn. Sana pinatulog mo lang."

"Ganoon rin naman ang mangyayari. Magpapatayan lang din tayong lahat dito sa Alcatraz. Mabuti ng bawasan ko muna ang madadaya."

"Pero hindi sa ganitong paraan, Finn. Mukhang walang kalaban-laban ang kapre sa'yo." pagtutol n'ya. Kahit ganoon ang ginawa sa kanya ng kapre wala s'yang balak na tapusin ang buhay nito.

"Hali ka. May ipapakita ako sa'yo."

Hinila s'ya ni Finn kaya wala s'yang nagawa kundi ang sumama dito.

Hindi pa man sila nakakarating sa pupuntahan ay nakarinig na sila ng mga putukan.

"Hindi lang tayo ang naghahangad na makalabas ng Alcatraz, Misty. Lahat ng nandito ay gagawin ang lahat upang manalo sa laban at makamit ang kalayaan bilang premyo."

"Six Three One, Six Three Two, Six Three Three, Six Three Four..." malakas na pagbibilang ng boses mula sa hugis tengang speaker. Ibig sabihin ay isa-isa nang nalalagas ang mga natitirang nilalang sa Alcatraz.

"Itigil n'yo 'yan! Tigil!" sigaw ni Misty sa kawalan.

Napailing si Finn. "Wala na tayong dapat gawin kundi ang tanggapin na lamang na mauubos din tayo dito. Na mamamatay ang hindi lalaban. Na walang ibang paraan kundi ang lumaban upang manatiling buhay."

Hindi na narinig ni Misty ang huling sinabi ni Finn dahil ang atensyon n'ya ay sa taong naglalakad palayo mula sa isang malaking pagsabog.

"Mo..."

"Si Professor G ay isa sa mga pinakahalang ang bituka dito sa Alcatraz. Maliit s'ya at bata pa ngunit kita mo kung paano s'ya pumatay? Hindi isa, hindi dalawa kundi lahat ay kaya n'yang ubusin. Mag-iingat ka sa kanya, Misty. Hindi s'ya basta-bastang kalaban."

Itinikom na lamang ni Misty ang bibig. Walang dapat makakita ng emosyon n'ya. Walang dapat makaalam ng sekreto nila.

"Ganyan ka na ba talaga kasama ngayon, Mommy?" tanong n'ya sa sarili.

Magkaiba ang batang nakausap n'ya kanina at ang batang nakita n'yang palayo mula sa pagsabog. Iyong kanina ay magmahal at handang magsakripisyo, ngunit itong isang ito ay handang pumaslang, walang awa at may sa demonyo.

"Walang mapagkakatiwalaang tao dito sa Alcatraz, Misty. Sana bago tayo maubos dito, makapili ka na sa amin ni Suck. Sana maski sa kaunting panahon ay makaramdam ka ng kahit na kaunting pag-ibig sa isa sa amin. Iyan lang ang nakikita kong paraan upang mawasak ang Alcatraz bago pa man tayo mamatay lahat."

Napatitig s'ya sa mga mata ni Finn. Nakikita n'ya ang pagmamakaawa nito at ang kagustuhang mailigtas ang natitirang nilalang sa Alcatraz.

Inilahad nito ang kamay. "Tara na sa Arena, Misty. Itataya ko ang buhay ko para lamang protektahan at iligtas ka. Sisiguraduhin kong mananatili tayong buhay hanggang sa huli."

Nakikita naman ni Misty ang sinseridad sa mukha nito.

Napahinga ng malalim si Misty. Alam n'ya sa sarili n'yang mahina s'ya at kailangan ng proteksyon.

"Kailangang maging matalino ako sa pagdedesisyon. Kailangang manatili akong buhay hanggang huli. Kaya kinakailangang makaipon ako ng sapat na lakas upang labanan ang kataas-taasang kasamaan. Kung ang tanging paraan lang ay ang kumapit muna sa mga taong handang tumulong sa akin, gagawin ko."

Humawak s'ya sa kamay ni Finn. Ngumiti naman ito sa kanya at hinila s'ya papunta sa harap ng Kastilyong Aralan.

Tumunog ang bell hudyat na mag-aalas dose na. Tanda na magsisimula na ang huling laban sa Alcatraz.

MisteryosaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon