Chapter 15 (Part 2)

24 1 0
                                    

"Manatili kang makinig sa hangin, Misty. Mag-uusap tayo gamit ang isip."

"Sige, Suck." Nag-uusap sila gamit ang utak.

Ang mga panig ay nagsialisan na. Nagsibalik sa kanya-kanyang tirahan.

"Doon tayo sa silangan, Misty. Sumama ka sa kubo ko. Pansamantala ay manirahan kang kasama namin ng anak ko." Alok ng isang matandang may bitbit na silendro.

"Salamat po. Pwede ko po bang malaman ang pangalan n'yo?"

"Tawagin mo akong Tata Anastasio. Mas kilala ako sa tawag na Tandang Tasyo dito sa Alcatraz, Misty."

Pilit na itinago ni Misty ang pagkagulat at pagngiti. Si Tandang Tasyo ay isa sa may mahahalagang papel sa pagsisimula ng digmaan noon. Itinuturing itong pinuno ng mga nilalang na nagmula sa mundo ng mga tao.

"Pinuno ng mga tao na nakatira sa Alcatraz?" paninigurado ni Misty.

"Papaano mong nalam... Ah! Anak ka nga ng bathala." nakangiting sabi na lamang ni Tandang Tasyo.

Ang hindi alam ng matanda ay nakita n'ya na ito sa nakaraan ng Alcatraz ng hawakan n'ya dati ang batong lamesa sa bahay ng tikbalang na si Kiko.

Ngumiti lamang at tumango si Misty.

"Patawad sa pagsisinungaling, Bathala. Kailangang gawin ko ito para sa misyon namin." sabi n'ya sa isip.

Naglakad sila patungo sa silangang bahagi ng Alcatraz kasama ang iba pang tao.

"Nandito na tayo, Misty." sabi ng matanda matapos ang ilang minuto nilang paglalakad.

Naiiling na pinagmasdan ni Misty ang paligid. Nasa tabi ng ilog sila malapit sa gubat. May mga nakatayong kubo sa gilid ng ilog at may mga bahay na yari sa kahoy ang nakatirik sa ibabaw ng mga puno.

"Paggalang, Tandang Tasyo." pagbati rito ng mga nadadaanan nila hanggang makarating sila sa isang malaking bahay na nakatayo sa sanga ng isang napakalaking puno.

"Naaalala ko ang punong ito. Ngayon ay may bahay pa s'yang nakatayo sa ibabaw, ngunit noong mapasok ko itong punong ito ay mga gamit ng sorcerer ang nakita ko pati na mangilan-ngilang gamit ni Finn. Bahay din ito dati ni Finn ng Alcatraz." naisa-isip ni Misty habang umaakyat sila sa hagdanang kahoy.

"Hali ka, Misty. Ipapakilala kita sa aking anak."

Isang napakagandang dalaga ang nagbukas ng pintuan matapos itong toktokin ng tungkod ni Tandang Tasyo.

"Magandang gabi, ama." bati nito sabay halik sa kamay ni Tandang Tasyo.

"Almira, anak. Bumati ka kay Misty. Dito muna s'ya pansamantala manunuluyan habang nandito s'ya sa Alcatraz."

Magiliw naman itong yumukod at ngumiti sa kanya.

"Pagbati, Misty. Kay ganda ng iyong pangalan. Nababagay sa magandang batang kawangis mo."

"Salamat sa pagtanggap, Almira. Sana'y maging mabuti tayong magkaibigan habang nandito ako."

"Oh! Mamaya na ang huntahan. Kami'y ipaghanda mo na muna ng hapunan, Almira. Pagod sa byahe itong si Misty kaya kailangan n'yang magpahinga."

Tumango naman ito at kaagad na tumalilis patungo sa kusina. Iginiya naman s'ya ni Tandang Tasyo sa may balkonahe.

"Ang ganda naman dito, Tata." kitang-kita ni Misty ang buong kagubatan pati na ang kanugnog nitong ilog.

"Napakaganda ng Alcatraz. Maliit lamang ngunit sadyang napakapayapa."

"Na nanganganib dahil sa banta ng pagkagahaman at pagkasakim ni Alfonso." gusto sanang sabihin ni Misty ngunit pinigilan n'ya ang kanyang sarili.

"Dalawa lang kayo dito, Tata?" tanong nalang n'ya.

"Oo, Misty. Dalawa lamang kami ni Almira na nakatira dito sa kubo namin."

"Malapit ng maging tatlo, ama."

Nilingon nila si Almira. May dala itong mga mangkok ng pagkain.

"Buntis ka, Almira?" tanong ni Misty.

Saka palang n'ya napansin ang umbok sa tiyan nito.

"Oo, Misty. Sayang at hindi s'ya naabutan ng kanyang ama. Maaga itong napatay sa duwelo nila ni Alfonso."

Kaagad na nanindig ang balahibo ni Misty ng marinig ang pangalang iyon.

"Almira! Gumalang ka sa hukom. Alam mong isa iyong legal na duwelong ginanap para sa pagtatagisan ng lakas ng mga kalalakihan dito sa atin."

Yumuko si Almira habang halatang nagpipigil ng iyak.

"Patawad, ama ko. Ako'y nalulungkot pa din sa pagpanaw ni Diego."

"Naiintindihan ko naman, anak. Nalulungkot din ako sa nangyari ngunit alam mong walang dapat ikagalit at ikapoot. Desisyon ni Diego ang pagsali sa duwelo. At malas lamang na natalo s'ya ng isa sa mga hukom."

"Opo, ama. Sana lang ay nakita siya ni Agatha. Nanghihinayang talaga akong hindi n'ya naabutan ang pagsilang ko sa aming anak."

"A-agatha?" kunot-noong tanong ni Misty.

"Oo, Misty. Iyan ang napagkasunduan namin ni Diego na ipangalan sa aming magiging anak."

"Si Almira pala ang nanay ni Agatha, si Agatha na s'yang unang naging tagapagligtas ng Alcatraz na s'ya ring kamukha ko, na s'ya ko rin palang mga ninuno. Ang mga taong ito sa harap ko ang pinagsimulan ng aming lahi."

Nagalak ang puso ni Misty sa nalaman. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay nakadaupang palad pa n'ya ang mga ninuno ng kanyang mga kanuno-nunuan.

"Bakit ka nangingiti, Misty?"

"Ah, ha? Wala po. Natutuwa lamang po ako na nakilala kayo. Huwag kang mag-alala, Almira. Ipanganak mo ng may katapangan ang iyong magiging anak na si Agatha. Sigurado akong magiging mabuti s'yang tao, kasi ganoon din kayo. Sa tingin ko po ay napunta ako sa mga tamang tao, kasi nakikita ko na busilak ang inyong mga puso."

Napatango-tango ang matanda. "Halina't kumain. Lalamig ang pagkain."

Napangiti ang mag-ama at natigil na sa pag-uusap tungkol sa hindi nila pagkakaunawaan. Dumulog na rin ang dalawa sa hapag-kainang nasa balkonahe na nakapatong sa ibabaw ng isang napakalapad na sanga ng puno. Magkatulong ang mag-ama sa paghahanda ng pagkaing pagsasamuhan nila ni Misty.

"Oo naman, Misty. Si Agatha ay magiging kasing ganda ng kanyang inang si Almira at kasing tapang ng kanyang amang si Diego." nakangiting sambit ni Tandang Tasyo.

"Alam ko po, Tata. Nasisigurado ko po 'yon."

"Huwag lamang malaman ni Alfonso at baka ipapatay n'ya ang aking anak."

Napatigil si Misty sa akmang pagkuha ng pagkain sa narinig.

"Bakit naman n'ya ipapapatay, Almira?"

"Hindi ko rin alam, Misty. Basta't noong kami'y magkasalubong ay tinanong n'ya ako kung ako'y buntis at  akin itong itinatwa. Ang sabi n'ya ay huwag lamang daw n'ya malaman na ako'y nagsisinungaling kundi ipapapatay n'ya ang aking magiging anak. Hindi daw ako maaaring magkaanak sapagkat magiging duwag daw ito kagaya ng aking asawang si Diego. Mas mabuti na daw na mapatay ito bago pa man maipanganak."

Naikuyom ni Misty ang kamao. "Alam kong nagsisinungaling ka, Alfonso. May mas malalim pang dahilan kung bakit gusto mong ipapatay ang magiging anak ni Almira. Sapagkat si Agatha at ako, kami ang magkamukhang pupuksa sa iyong kasamaan."

MisteryosaDove le storie prendono vita. Scoprilo ora