Chapter 11 (Part 2)

23 1 0
                                    

SILID NG MEMORYA

"Zackary!"

"Zackary!"

"Zackary!"

Iba't ibang boses ang narinig ni Suck ng pumasok ito sa pinto ng mga memorya.

"Sino kayo? Nasaan ako?" tanong n'ya. Subalit nag eecho lamang ang boses n'ya sa madilim na kwarto.

"Ako ay Ikaw! Ikaw ay ako!"

Nagulat si Suck ng umilaw ang kaliwang bahagi ng kwarto.

Lumantad ang isang lalaking kamukha n'ya. Nakaitim na kapa, itim na sombrero, mapupulang mata at matatalim na pangil.

"Hindi! Ako ay Ikaw. Ikaw ay ako!"

Lumitaw sa gitnang bahagi ng kwarto ang Zackary na naka bahag, may hawak itong espada. Maaliwalas ang mukha nito at halatang magiting sa tindig at porma.

"Ako ay Ikaw! Ikaw ay Ako! Tayo'y iisa."

Lumabas mula sa madilim na kanang bahagi ng kwarto ang isang normal na taong kamukha n'ya rin. Nakaayos at nakapamada ang buhok, nakasalamin at may dalang aklat.

"La-lahat kayo kamukha ko! Pero sino sa inyo ang tunay na ako?" Naguguluhang tanong ni Zackary habang nakatitig sa animo'y mga repleksyon n'ya.

"Ako ang totoo. Makapangyarihan ako. Kaya kong maglaho. Kaya kong tumakbo ng mas mabilis pa sa pinakamabilis na sasakyan, tren at eroplano. Kaya kong pumatay ng tanging pangil lamang ang sandata. Ako ay Ikaw. Iisa tayo."

Nagpaikot-ikot sa buong kwarto ang bampirang Zackary. Hindi na halos makita ito sa bilis, bagkus ay dinig na lamang ang bagwis ng hanging dala nito. Tumigil rin ito at bumalik sa pwesto.

"Ako ay ikaw, Zackary. Nabuhay sa tahimik na mundo ng Alcatraz. Subalit ng dumating ang kasamaan, natutong lumaban upang ipagtanggol ang minamahal at sangkalupaan. Katapangan ang nagpapaliyab, nagpapalakas at nagpapatatag sa akin. Ako ay ikaw. Ako ang piliin mo."

Pomormang palaban ang Zackary sa gitnang bahagi ng kwarto. Iwinasiwas ang espadang nagliliyab sa berdeng apoy. Itinusok nito sa lupa ang espada ng malakas. Lumindol ang lupa at nahati ito sa dalawa.

"Ako si Zackary Estillore. Normal na nilalang sa lupa. Hindi mandirigma, hindi alagad ng dilim. Taong normal na ang tanging sandata ay katalinuhan at karunungan. Marangal na namumuhay, hindi nanghahamak ng kapwa at ginagamit ang utak sa tamang paraan. Mahinahon at maparaan. Tuso ngunit marangal. Tanungin mo ako at ako'y may kasagutan sa lahat ng gumugulo sa iyong isipan. Ako ang nararapat mong piliin, Zackary."

Ni hindi gumalaw ang Zackary na ito. Nanatiling nakatayo lamang. Bitbit pa rin ang libro nito ng karunungan.

"Tik! Tak! Tik! Tak! Pumili ka ng tama, Zackary. Kapag napili mo ay ang maling Zackary, mananatili ka sa lugar ng kawalan. Lalabas ang napili mong Zackary at s'ya na ang papalit sa'yo." wika ng isang napalaking orasan.

"Isip, Zackary. Isip." aniya sa sarili habang tinititigan ang tatlong kamukhang nasa harapan n'ya.

Pinagpapawisan na s'ya sa pag-iisip sa dapat gawin. Umupo s'ya sa lapag at ipinikit ang mga mata.

"Tumatakbo ang oras, Zackary. Malapit ng mawala ang pinto pabalik sa silid ng mga lagusan." paalala ng orasan.

Kahit ano'ng pilit ni Zackary, wala s'yang maisip na piliin sa tatlo. Para sa kanya, lahat ng ito ay s'ya, ngunit sabi ng orasan, iisang bagay lang totoo at dapat n'yang piliin ito ng tama.

"Ang pinakamahirap na kalaban ay ang iyong sarili. Ang iyong kalakasan ay maaari mong maging kahinaan. Ang iyong karunungan ay maaaring magdala sa'yo sa maling desisyon at ang kapangyarihan ang sisilaw sa'yo upang tahakin ang maling landasin at kapahamakan." naalala n'yang sabi ni Misty.

Napangiti si Suck. Kinuha ang punyal sa bulsa at pomormang lalaban.

"Nakapagdesisyon ka na ba, Zackary? Sino ang pipiliin mo sa tatlo?" tanong  ng orasan sa kanya.

"Ako na s'yang makapangyarihan!"

"Hindi! Ako na s'yang may katapangan!"

"Hindi rin. Ako ang dapat. Ako ang may karunungan."

Ngunit buo na ang desisyon ni Suck.

Tumakbo-takbo s'ya at tinesting ang bilis ng mga paa. Halos hindi na makita si Zackary sa sobrang bilis. Tanging tunog lamang ng sapatos niya ang maririnig.

"Ah!" napasigaw ang bampira. Kinagat na pala ito ni Suck kasabay ng pagtarak ng punyal sa katawan nito.

Kaagad na nagbaga ang bampira at kalauna'y naging abo.

"Ako na ang piliin mo, Zackary. Patayin mo na ang isang 'yan. Sige na." utos ng taong Zackary.

Tumakbo-takbo na naman si Suck at hindi na namalayan ng matapang na Zackary na nasaksak na s'ya sa puso ni Suck. Bumagsak sa lupa ang duguang Zackary at nawala ring bigla matapos malagutan ng hininga.

"Hahaha! Tamang ako ang pinili mo, Zackary." tawa ng tawa ang normal na Zackary.

Hindi nito napansin ang pagbato ni Suck ng punyal. Tumama ito sa noo ng normal na taong Zackary.

Napaluhod ito habang hawak ang punyal sa noo. Maya-maya ay nasunog ito at tinangay na lamang ng hangin ang abong naiwan nito.

"Wala kang pinili, Zackary. Makakabuti kaya 'yan sa'yo? Iniisip mo bang kapag pinatay mong lahat ang kamukha mo, makakabalik ka sa silid ng lagusan?"

"Mali ka, orasan. May pinili ako. Pinili kong talunin ang sarili kong makapangyarihan. Pangil sa pangil. Pinili kong saksakin sa puso ang matapang na Zackary. Puso sa puso. At winasak ko ang utak ng matalinong Zackary. Utak laban sa utak. Sa lahat ng iyon, ako ang panalo. Mas makapangyarihan ako, mas matapang ako at mas matalino ako sa kanilang tatlo. Dahil ang bawat isa sa kanila ay kabahagi lamang sa pagkatao ko. Kapangyarihan, katapangan, karunungan, lahat ng iyon ay taglay ko. Kaya marapat lamang na maibalik sa akin ang tunay kong pagkatao."

Biglang nagpaikot-ikot ang mga kamay ng orasan. Pabilis ng pabilis hanggang sa sumabog ito at naglabas ng liwanag. Nasisilaw na napaluhod si Suck sa sahig. Humangin ng malakas subalit kinakapos ng hangin si Suck, ang mga kamay n'yay napahawak sa leeg n'ya. Nagdilim ang paningin n'ya at nawalan s'ya ng ulirat.

***
"Suck! Zacakary! Ano'ng nangyari?"

Iminulat n'ya ang mga mata at nakita ang mukha nina Finn at Misty.

Hinawi n'ya ang buhok na tumatabing sa mukha ng dalagitang si Misty. Puno ito ng pag-aalala sa nangyari sa kanya.

"Nagbalik na ako, mahal ko." nakangiting saad n'ya.

MisteryosaWhere stories live. Discover now