Chapter 16 (Part 2)

34 0 0
                                    

"Gutom ka na ba? Ano'ng gusto mong kainin, Suck?" tanong ng itim na duwende kay Zackary habang naglalakbay sila pakanluran...patungo sa lugar ng mga itim na nilalang.

Ngunit wala ang isip ni Suck sa sinasabi ng itim na duwende. Kasalukuyan s'yang nakikinig sa pag-uusap nina Misty at Tandang Tasyo. Hindi nalang s'ya nakakabasa ng isip ng tao ngayon kundi naririnig n'ya ang gustong pakinggan sa pamamagitan ng pakikinig sa hangin. Marahil isa ito sa mga dagdag na kapangyarihang bigay ng kahong makapangyarihan.

"Wala kang kasing sama, Alfonso! Traidor ka talaga! Noon pa man, binalak mo ng patayin si Agatha. Ikaw nga talaga ang nakapatay sa kanya. Ngayon, pagkakataon na naming putulin ang sungay mo bago pa man ito humaba at magpalaganap ng kasamaan."

"Suck?"

"Ah, ha? Ano'ng sabi mo, Tim?" tanong n'ya sa itim na duwendeng nakasakay sa balikat n'ya habang naglalakad sila.

"Ang sabi ko, ano ang gusto mong kainin pagdating natin?" ulit nito.

"Ah. Kahit ano nalang, Tim."

Nagpupuyos talaga sa galit ang damdamin ni Suck sa narinig.

"Dumaan muna tayo sa hukom bago dumiretso sa pugad."

"Hukom? Nakasama na natin ang hukom kanina, hindi ba?" maang tanong ni Suck.

"Iyon ay ang kataas-taasang hukom. May iba pang hukom na napapasailalim sa kataas-taasang hukom. Ang hukom ng mga tagalupa, ang hukom ng mga elemental at ang hukom ng mga alagad ng dilim."

"Kung gayon ay tara na. Ituro n'yo sa akin ang daan."

Nagsitawanan ang mga duwendeng kasama ni Suck. Lahat sila ay nakakabit kay Suck habang naglalakad ito. May isang nakasakay sa sapatos n'ya. May isa sa sombrero n'ya. May dalawa sa balikat at may isa pa na natutulog na yata sa bulsa n'ya.

"Ginawa n'yo akong sasakyan ah." biro n'ya sa mga ito.

"Ano'ng silbi ng laki kung hindi rin mapapakinabangan, hindi ba?" nagsitawanan na naman ang mga ito.

Nailing na lamang si Suck ngunit napapangiti na rin.

"Lumiko ka sa banda riyan. Lumigid ka sa may kastilyo." utos ng duwende sa kanya.

Tinahak n'ya ang daan patungo sa lugar na sinasabi ng mga ito. Hinahawi n'ya ang mga talahib habang dumadaan sa mga malalaking puno na pinapalibutan ng matataas na damo.

"Kaya ayaw na ayaw naming dumadaan dito. Madalas kaming maligaw sa mga matataas na talahib dahil sa liit namin." reklamo ng duwendeng kanina ay nasa sapatos pa ni Suck.

Hinawi n'ya ang pinakamataas na talahib at tumambad sa kanila ang gilid ng bundok.

"Naaalala ko ang lugar na ito ah." aniya sa isip.

"Misty! Misty!" tawag n'ya dito gamit ang isip.

"Bakit, Suck? Ano ang problema?" kaagad naman itong sumagot.

"Kaninong bahay ang dating kuweba ni Kiko?" tanong ni Suck. May ideya na s'ya ngunit gusto n'yang makasigurado.

"Hala! Nandiyan ka ngayon? Mag-iingat ka, Suck. D'yan mismo ang bahay ni Alfonso." sagot ni Misty.

Napakuyom ng kamao si Suck. Oras na ng paghaharap nila ni Alfonso.

"Suck! Huminahon ka! Huwag kang magpadala sa galit. Pigilan mong magpakita ng emosyon." paalala ni Misty.

Huminga ng malalim si Suck. "Oo, Misty. Susubukan ko." aniya habang naglalakad patungo sa kuta ni Alfonso.

"Huwag mong subukan, Suck! Gawin mo."

"Sige, Misty. Malapit na kami."

"Andito lamang ako, Suck. Aabangan ko ulit ang pagtawag mo."

"Kumatok ka sa malaking batong 'yon gamit ang maliit na bato, Suck." utos ni Tim sa kanya.

Kaagad s'yang pumulot ng bato at sinunod ang utos ng duwende.

Kaagad na bumukas ang tarangkahang bato at iniluwa ang berdeng nilalang na may sungay. May hawak itong espada.

"Sino'ng nand'yan?" tanong nito sa malalim at nakakatakot na boses.

"Pagpupugay, Hukom." sabay-sabay na bati ng mga duwende dito.

"Mga duwende. Napadaan kayo? Sino 'yang kasama ninyo?"

"Si Zackary, hukom, isa po s'yang bampira. Bago nating kasapi. Ipinadala ng kataas-taasang hukom."

Sinipat s'ya ng hukom. Mula ulo hanggang paa, paa hanggang ulo.

Ngumisi ito. Lumabas ang mahahaba nitong pangil.

Parang hanging gumalaw si Suck.

"Huwag!" sabay-sabay na sigaw ng mga duwende.

Nakita na lamang nila si Suck sa likod ng hukom at nakaamba na ang kutsilyong hawak nito sa leeg ni Alfonso.

"Akin ang karangalang maging kasapi ninyo, Hukom."

"Ganoon din ako, Zackary."

Saka pa lamang binitawan ni Suck ang Hukom.

"Wew!" sabay-sabay na napapahid ng noo ang mga itim na duwende.

"Mukhang malakas ka, Zackary. Maaari kang maging isa sa mga pinakamagaling at matapat kong mga mandirigma."

"Magaling at matapat? Nararapat ka bang handugan ng katapatan, Alfonso?" naisa-isip ni Suck.

"Mula ngayon, ako'y susubok na makuha ang iyong tiwala, Hukom. Ako'y magiging matapat sa iyo."

Napangisi si Alfonso. "Mainam, mainam. Ika'y malugod kong tinatanggap, Zackary. Maligayang pag-anib. Kung mamarapatin mo, ikaw ay kukunin ko bilang isa sa aking mga tagabantay."

Napangiti na rin si Suck.

"Talagang maligaya ako, Alfonso. Mababantayan kita ng maigi. Umasa kang sa bawat galaw mo, nakabantay ako." bulong n'ya.

"Akin po ang karangalan, Hukom."

"Sige na! Humayo na kayo patungo sa pugad. Ako'y kailangan ng magpahinga. Bumalik ka na lamang kinabukasan, Zackary."

Tumango s'ya at sumunod sa mga duwende.

"Narinig ko ang pag-uusap ninyo ni Alfonso, Suck."

"Ano'ng plano mo ngayon, Misty?"

"Wala, Suck. Sa ngayon ay mag-aabang nalang muna tayo sa mga mangyayari. Hihintayin natin ang tamang oras."

"Tama ka, Misty. Pero paano si Finn?"

"Hala! Oo nga pala! Hindi kayang makipag-usap ni Finn gamit ang isip."

"Pupuntahan ko na lamang s'ya."

"Huwag! Hindi ka pwedeng pumunta sa kuta ng mga elemental. Mahirap na. Baka mapagkamalan ka pang espiya. Nakausap ko si Tata Tasyo kanina. Sinabi kong pupuntahan kita bukas ngunit binalaan n'ya ako. Bawal makipag-usap ang tao sa mga elemental gayon din sa mga nilalang ng kadiliman. Maaari lamang daw magkausap ang hindi magkauri kapag nasa kastilyong aralan, kapag nasa pagpupulong at kasiyahan."

"Paano natin makakausap si Finn?"

"Paano nga ba?"

MisteryosaWhere stories live. Discover now