Ang Mga Boarders ni Andeng

21.9K 1K 144
                                    

Chapter Three

PALABAS na sana sa gilid ng kalsada sina Chantal at Marcy nang masulyapan nila ang dalawang lalaki na kasama ng mga goons na humahabol sa kanila ng gabing nagdaan. Mabilis silang nagkubli at tahimik na nagmanman sa ginagawa ng mga ito. May kung anong hawak ang mga ito na ipinakikita sa bawat taong makasalubong.

"May dala 'ata silang picture mo," mahinang wika ni Marcy.

"At picture mo," tugon niya.

Dalawa ang larawang ipinakikita ng mga goons sa bawat nakakausap ng mga ito.

"What are we gonna do, Ate Marcy?" nag-aalalang tanong ni Chantal sa PA.

"Ire-report natin sa pulisya ang nangyari. Pagkatapos ay uuwi muna tayo sa probinsya namin sa Zamboanga habang hindi pa nahuhuli ang mga hinayupak na 'yan."

"They're coming!" impit na tili ni Chantal nang makitang papalapit na nga sa pinagkukublihan nila ang dalawang goons.

Nagkatarantahan pa ang mag-amo. Mabilis na hinila ni Marcy sa likod ng basurahang drum si Chantal. Para namang nananadya ang mga kumag, doon pa mismo nag-usap sa tapat.

"Tang'na, pera na naging bato pa," anang napapanot na goon sa kasama nito.

"Saan na tayo maghahanap nito ngayon? Hindi kaya nakalipad na ang mga 'yon pabalik ng 'Merika?"

"Nakabantay ang ilan sa mga bata ni Kano sa airport. Paniguradong kung nakarating man sa airport ang mga 'yon, nakatimbre na sana sa atin."

"Napakakupal kasi ng tarantadong Pilo na 'yan, eh. Babae lang, nalansi pa ang puta," nagbubusang sabi noong ikalawa. Kung anong nipis ng buhok sa bumbunan ng kasama nito, siya namang kabaliktaran ng lalaki. Halos matakpan na ang mukha nito sa kapal ng buhok.

"Mukhang wala na rito ang mga 'yon. Mag-aaksaya lang tayo ng oras kung pipirmi tayo rito at magbabahay-bahay. Para tayong naghahanap ng karayom sa dayami. Isa pa, hindi ko gusto ang angas ng mga tagarito."

"Napansin mo rin pala. Imposibleng magtago rito ang mga 'yon sakali mang naririto pa sila. Sa hitsura at yaman pa lang ng desayner na 'yon malabong magtagal 'yon dito maski isang araw."

"Tama ka. Diretso na tayo ng Zamboanga tulad ng utos ni Kano. Tagaro'n daw 'yong alalay no'n, eh. Pihadong doon tutuloy ang mga 'yon at magtatago."

"Kailangang maunahan natin ang mga bata ni Kano. Sa lawak ng koneksyon no'n maski sa mga kapulisan, delikadong maging bato pa ang inaasam nating pera."

"Sinabi mo, tara na."

Halos pigil ang paghinga nina Marcy at Chantal sa likuran ng basurahan. Bukod sa halos maduwal sila sa amoy ng basura ay takot din silang gumawa ng munting ingay at baka madiskubre ng mga goons na naroroon lamang sila sa likuran ng mga ito. Nang marinig nila ang papalayong yabag ng dalawa ay pigil-hiningang sumilip si Marcy para alamin kung nakalayo na ang mga ito. Nakahinga nang maluwag ang babae.

"Umalis na sila."

Halos paigtad na napalayo si Chantal sa kinadidikitang basurahan. Samantalang kani-kanina lamang ay kulang na lang na pumasok siya sa loob niyon upang hindi makita ng mga pinagtataguang goons.

Lumabas na sila sa pinagkukublihan. Nang makita ni Marcy na may kumapit na dahon at dumi sa buhok at damit ni Chantal ay kaagad nitong inalis iyon.

"Paano ba'yan? Mukhang hindi tayo puwedeng umuwi ng Zamboanga. Dagdag pa riyan, nakakatakot din na lumapit sa mga pulis," namumroblemang wika nito sa dalagang amo.

"I think we should stay here."

Napa-double take si Marcy. Hindi makapaniwala sa narinig mula kay Chantal.

The Heiress and the HoodlumTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon