Sana Nga'y Ikaw Na

20.3K 1K 106
                                    

Chapter Twenty

SANA nga ay ikaw na, tahimik na nasabi ni Jethro sa sarili habang pinagmamasdan ang babaing nahihimbing pa rin sa mga bisig niya.

Aminado siyang sariwa pa ang sugat na iniwan ni Sofia sa puso niya. Ito ang kauna-unahang babae na minahal niya ngunit trinaydor lang siya. Ngayon ay muli niyang binubuksan ang kanyang puso sa panibagong pag-ibig. At sa pagkakataong 'yon ay alam niyang mas malaki ang itinaya niya kumpara sa una. 

Maraming pagkakatulad sina Sofia at Chantal, ngunit marami rin silang kaibahan. Tipikal na kimi si Sofia at madalas ay hinuhulaan niya lang kung ano ang nasasaloob nito. Habang si Chantal bagama't medyo kimi rin ay prangka ito, sinasabi kung ano ang nasa isip.

Tumaas ang kanyang kamay at maingat na hinawi ang ilang hibla ng buhok na bumagsak sa noo nito. Napakaganda nito sa kabila ng maliliit na mantsa sa balat. Noong una niya itong makita ay napagkamalan niya talaga itong anghel. Ang amo kasi ng mukha.

Nag-vibrate ang cellphone sa bulsa ng kanyang pantalon. Maingat siyang bumaba ng hospital bed at dinukot ang cellphone sa kanyang bulsa. Bahagya siyang lumayo upang hindi makaistorbo sa tulog ni Chantal. Nakita niya ang pangalan ni Boogie sa caller ID.

"Boogie."

"Jet, pinuntahan ako ni Mang Norman. Baka raw puwedeng tingnan mo 'yong dyip niya at ilang araw ng sira ang pasada."

"Sana sinabi mong hindi ako puwede. Alam mo naman, di ba?"

"Sinabi ko na 'yon. Kaso nakakaawa, eh. Alam mo naman, marami ring binubuhay 'yong tao at pamamasada lang ang ipinantutustos niya sa pamilya."

"Matagal ko na kasing sinabi sa kanyang idispatsa na lang ang jeep na 'yon at kakarag-karag na."

"Sa mga isang kahig at isang tuka, mahirap basta pagpasyahan ang mga ganoong bagay."

Napahinga siya nang malalim sabay hagod sa buhok. 

"Oo na. Sige, pupunta ako. Hintayin niyo na lang ako sa talyer."

"Sige."

"Sandali, pakisabi kay Marcy na kung puwede mauna na siya rito. Hindi ko puwedeng iwan mag-isa si Chan-chan."

"Okey, sabihin ko."

Nang dumating ang nurse para i-check si Chantal ay pinakiusapan niya ito na may bibilhin lang siya sandali. Lumabas siya ng ospital at naghanap ng flower shop. Nagtanong-tanong siya dahil hindi naman pamilyar sa kanya ang mga establishments doon ngunit nasa kabilang bayan daw ang flower shop na alam ng mga ito.

Noon niya nakita ang isang halaman sa loob ng bakuran ng taong kausap niya. Katulad iyon ng bulaklak na ibinigay niya kay Chantal. Hitik sa bulaklak ang pantay-taong puno kaya hindi na siya nagdalawang-isip.

"Ate, puwede mo ba akong pagbilhan na lang ng mga bulaklak na 'yan?"

"'Yong rosal?"

"Oho."

"Aba'y sigurado ka? Baka ibato 'yan sa'yo pabalik ng pagbibigyan mo."

Napangiti siya. "Hindi ho mangyayari 'yon. Gustong-gusto niya ang bulaklak na 'yan."

Nakita niyang inilagay ni Chan-chan sa basong may tubig ang bulaklak na ibinigay niya rito. Tila raw naging air freshener sa silid ng mga ito ang bulaklak na iyon dahil napakabango.

"Kung 'yan ang gusto mo, sige."

Kaagad siyang ipinanguha ng babae ng bulaklak. Nang abutan niya ito ng pera ay ang lawak ng ngiti nito.

"Salamat ho." 

"Salamat din at may pambili na kami ng ulam."

Tumawa lang siya saka mabilis na tinungo ang kinahihimpilan ng kanyang owner-type jeep. Kung may pakpak lang ang kanyang mga gulong ay pinalipad na niya iyon para makabalik kaagad ng ospital.

The Heiress and the HoodlumTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon