Couple's Shirt

19.5K 978 125
                                    

Chapter Twenty-Six

PALIPAT-LIPAT ang tingin nina Marcy at Andeng sa tahimik na pareha sa front seat ng sasakyan. Mula nang pik-apin sila ni Jethro sa lugar na sinabi nito ay kapansin-pansin ng hindi nag-uusap ang dalawa.

"Lover's quarrel agad?" ani Andeng.

"Chan-chan, ayos ka lang?" tanong ni Marcy sa tahimik na dalaga.

Sa halip namang sumagot ay nagsuot ito ng sunglasses nito at isinandal ang sarili sa kinauupuan na parang walang narinig. Obviously, ayaw nitong makipag-usap. Minsan ay may toyo rin ito. May mga instances pa nga na nagkukulong lang ito ng ilang araw sa working area nito. At paglabas ay nakayari na ito ng mga pambihirang disenyo ng damit-pangkasal. She's gifted that way. And her creations spoke for her. Hindi ang ingay ng social platforms o koneksyon ng socialite nitong ina ang nagdala ng katanyagan nito kundi ang sarili nitong talento.

Nasubaybayan ni Marcy ang paglaki ni Chantal. At kahit halos buong buhay na ng dalaga ang nasubaybayan niya, madalas ay namamangha pa rin talaga siya sa talento nito. Ngunit tulad sa ibang henyo may mga sumpong din ito. Natuwa pa nga siya nang matira sila sa bahay na iyon nina Andeng. Nakita niya kasi ang magandang pagbabago rito. Tumatawa na ito nang madalas, hindi kagaya ng dati na parang mechanical ito at may sariling mundo. At sa wakas ay nakita rin niyang kuminang ang mga mata nito. Sa loob ng dalawampu't pitong taon sa buhay nito, tila noon pa lamang ito totoong nagsisimulang mabuhay. Simula kamusmusan ay napaliligiran na ito ng karangyaan. At bagaman patas kung trumato ng mga empleyado ang pamilya nito, naroon 'yong distansya ng pagiging isang amo ng mga ito sa mga tauhan.

Iyon ang isang bagay na nagbago nang husto kay Chantal. Kakikitaan na ng warmth ang mga mata nito. Maging iyong mga mumunting bagay ay natutunan na nitong i-appreciate. Kung iisipin ay mistula itong munting paslit na bago lamang natuklasan ang totoong kalakaran ng mundo sa labas ng glamorosa at marangyang buhay na nakagisnan nito.

"Jet, idaan mo kami sa tiyangge sa Dimas. Kaunti lang ang baon kong damit," ani Andeng na bumasag sa naghaharing katahimikan sa loob ng magarang sasakyan.

Nalaman nila kay Boogie na hiniram ni Jethro ang sasakyang iyon sa isang kaibigan nito para raw maging komportable si Chantal sa biyahe nila patungong probinsya. Kung saang lugar iyon ay nakaligtaan na niyang tanungin ang mga kasama dahil halos magdamag silang nag-tong-its. Natalo siya ng limandaan. Si Boogie talo raw ng mahigit dalawandaan. Hustler sa tong-its ang bruhang si Andeng, napakagaling pang mam-bluff.

Tumango lang si Jethro sa sinabi ng pinsan. Tulad ni Chantal ay parang ayaw rin nitong magsalita. Si Boogie na ubod ng daldal ay kataka-takang tahimik. Nang lingunin niya ito sa likuran nila ay nakanganga na pala. Tulog na tulog.

Kaya naman pala.

"May magsi-CR ba sa inyo?" ani Jethro.

Di-kalayuan ay natanawan na ni Marcy ang madadaanan nilang gasoline station. Marahil ay magpapa-gas ito kaya nagtanong.

"Magsi-CR ako," aniya.

"Ako rin. Tsaka nagugutom na ako," ani Andeng. "Bili tayo ng tsitsirya."

"Chan-chan, ikaw? Gusto mo bang magbanyo? Baka nagugutom ka na."

"I'm not hungry," matamlay na tugon nito.

Hindi nakubli sa kanya ang pasimple pagnakaw ng sulyap dito ni Jethro. Kinakain ng curiosity ang utak niya kung ano ang pinagkakatampuhan ng mga ito. Pero sa tingin niya ay ang alaga niya lang naman ang nagtatampo. Si Jethro ay mukhang problemado at hindi alam kung paanong susuyuin si Chan-chan.

Nang tumigil ang sasakyan sa gasolinahan ay kaagad silang bumaba ng sasakyan ni Andeng. Sa likuran ay naghihilik pa rin si Boogie.

~0~

The Heiress and the HoodlumTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon