Sa Isang Sulyap Mo

20.6K 1.1K 198
                                    

Chapter Twelve

NAPU-FRUSTRATE na si Jethro sa hantarang pamba-balewala ni Chantal. Daig pa niya ang hangin na dinadaan-daanan lamang nito. Katulad noong una, hindi na ito sumasabay sa kanilang kumain. Gayong nasanay na siya na sa umaga ay magkakasalo silang nag-aagahan bago siya pumunta ng talyer. Kapag pananghalian naman ay tinitiyak niyang umuwi nang maaga para maabutan itong kumain dahil nga hindi sumabay mag-agahan. Ngunit bokya pa rin

Madalas lang itong nagkukulong sa kuwarto. Pero minsan ay nadatnan niya itong may iginuguhit sa sketch pad nito. Nang tangkain niya iyong silipin ay mabilis itong lumayo na parang napaso. Naisip niya, talented pala ito. At mukhang mga gamit sa pagguhit ang mga pinamili nito nang araw na umalis ang mga ito kasama si Andeng para mag-shopping.

"Haranahin mo. O, di kaya bigyan mo ng bulaklak," sabi ni Boogie. 

Iyon ang isang bagay na maganda sa kanyang kababata kahit medyo may pagka-retarded ito minsan, malakas ang radar. Kahit hindi siya magsalita ay alam na agad kung ano ang problema. At 'yong kadaldalan nito, kahit madalas na nakakainis ay nakakaaliw rin. Magkasalungat na magkasalungat ang mga personalidad nila kaya siguro sila nag-click. Tahimik siya, ito maingay. Duwag ito at madalas na tumatahimik na lang kapag naa-agrabyado. Kabaliktaran niya, kapag siya ang kinanti o ang mga mahal niya sa buhay, lintek lang ang walang ganti. Hindi naman siya iyong tipo na laging naghahanap ng away. Napapaaway lang siya kapag dawit na ang mga taong malapit sa kanya.

Parati kasi siyang binu-bully sapul nang magkaisip siya. At kapag umuuwi siya sa kanila na umiiyak, palo ang isasalubong sa kanya ng ina. Kaya naman nang unti-unti na siyang magkaisip, itinanim niya sa utak niya na dapat ay matuto siyang lumaban. Ang huwag hayaan ang kahit na sino na tapak-tapakan ang pagkatao niya o ang mga mahal niya sa buhay.

Pokpok daw ang Mama niya. Ikinakalakal ang katawan kapalit ng drugs. Marami siyang pinadugo ang bibig dahil doon. Bata o matanda man ang maringgan niya niyon ay hindi niya pinapalampas, hindi inuurungan. At hindi ilang beses siyang dinala sa baranggay at DSWD para ireklamo ang diumano'y pagiging maangas niya. Masyado niya raw yatang inidolo ang napapanood sa tv na si Robin Padilla. Pinamamarisan niya ang pagka-barumbado ng mga karakter na ginagampanan nito.

Pero siya nga ba ang may mali? O ang kapaligirang kinagisnan niya? Isang umaga ay nagising na lang siya na nakabalot ang iilang piraso niyang gamit. Binitbit siya ng nanay niya at dinala sa bahay ng panganay nitong kapatid. Suko na raw ito sa kanya at hindi na siya kayang alagaan pa. Magpakabait lang daw siya at hindi siya pupulutin sa kalye, ayon pa sa kanyang ina. Tatlo ang puwede niyang pagpilian. Tumira sa bahay ng tiyuhin, mapunta sa DSWD o magpalaboy-laboy sa kalye.

Grabe ang sama ng loob niya noon. Nagmakaawa siya sa ina na gagawin niya ang lahat, manatili lang silang magkasama. Na hindi na siya makikipag-away huwag lang itong lumayo sa kanya. Ngunit parang bingi ito sa pagmamakaawa niya. Pabigat daw siya sa buhay nito at labis itong namumuhi sa kanya. Kapag nakikita raw siya nito ay naaalala nito sa kanya ang walanghiya niyang ama. At pagod na raw itong alagaan siya, sawa ng makita sa araw-araw ang mukhang kinasusuklaman nito. Napakasakit marinig ang mga ganoong pangungusap mula sa sarili mong ina. Ngunit pinilit niyang balewalain dahil ayaw niya talagang mapawalay rito. Humabol siya at kapit-tukong kumapit dito para hindi nito iwan. Ngunit sakit ng katawan ang napala niya. Itinulak siya nito at tinadyakan na muntik na niyang ikawala ng malay.

Namanhid ang buo niyang katawan. Pati yata utak niya saglit na huminto sa paggana. Hindi siya makapaniwala na may ganoon palang klase ng magulang. Sabi nila, ang mga nanay kahit gaano pa kasama may isang kubling bahagi sa puso nito ang mananatiling nakareserba bilang isang ina. Ngunit naisip niya, kung sino man ang nagsabi niyon ay isa iyong malaking kaulolan.

Nagrebelde siya. Ilang beses siyang naglayas sa bahay ng tiyuhin. Minsan inaabot ng ilang araw, pakalat-kalat lang siya sa kalye. Mahaba na ang isang linggo. Kapag hindi na talaga niya kaya at hindi na siya makadiskarte ng ilalaman sa kumakalam na sikmura, natatagpuan niya ang sariling kumakatok at nakatayo sa harap ng tahanan ng kanyang tiyuhin. Tahimik siya nitong pagbubuksan ng pinto, patutuluyin at hahainan ng pagkain. Wala siyang maririnig na sermon o pagmamaltrato mula rito. Kabaliktaran ng anak nitong si Andeng. Daig pa nito ang nakalulon ng megaphone. Alaga siyang sermunan na akala mo kung sinong nanay. Gayong kung iisipin ay mas panganay siya rito ng ilang taon. Ngunit ayaw nitong pumayag. Mas matanda raw sa dugo ang tatay nito kaysa nanay niya kaya dapat siya ang tatawag ng Ate rito. Isang mahabang balitaktakan iyon na pareho nilang ayaw magpatalo. Sa huli ay hindi na lamang sila nagtatawagan ng Ate o Kuya.

The Heiress and the HoodlumTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon