Tampuhan Blues

18.6K 1K 196
                                    

Chapter Eleven

GABI na nang makauwi si Jethro. Pinilit niya talagang matapos nila ni Boogie ang dyip ni Mang Ponce. Tahimik na tahimik ang buong kabahayan nang dumating siya.

Nasaan na ang mga tao rito? saisip-isip niya. "Andeng, buksan mo ang pinto."

Walang tugon.

Nilakasan niya ang pagkatok. "Andeng, ano ba? Buksan mo ang pinto."

Wala pa ring sagot. Napipikon na siya. Pagod siya at nagugutom. Mag-a-alas otso na ng gabi. Madalas kapag ganoong oras ay nanonood lamang ng tv ang mga ito.

Kakatok sana ulit siya nang bumukas ang pinto ng isa sa mga nangungupahan doon, si Aling Lourdes.

"Jet, walang tao riyan. Umalis sina Andeng," wika nito.

Napabuntong-hininga siya sabay hagod sa batok.

"Saan ho kaya nagpunta?"

"Aba'y wala namang sinabi. Nakita ko lang silang tatlo na bihis na bihis at umalis kaninang makapananghali."

Napapalatak siya. Saan na naman kaya dinala ni Andeng ang mga ito?

"Salamat po," aniya sa may-edad na tenant. 

Iyon lang at pumasok na ulit ang matandang babae sa bahay na inuupahan nito.

Lumapit siya sa may gilid ng bintana. Bahagya niyang itinulak iyon. Bumukas. Kinapa niya ang gilid noon, nakapa niya ang susi. Iyon ang sikreto nilang lagayan kapag may mga biglaan silang lakad at walang mapag-iwanan ng susi.

Binuksan niya ang pinto. Nakakapanibago ang katahimikang sumalubong sa kanya. Samantalang dati-rati, nasa labas pa lang siya ng bahay ay maririnig na niya ang asaran nina Marcy at Andeng. Habang si Chantal naman ay tahimik na nakaupo sa sala at matamang nanonood ng tv. Minsan ay napapangiti pa siya dahil tutok na tutok ito kapag nag-uusap ang mga karakter sa palabas. Nakikita niya itong tila ginagaya ang pagsasalita ng mga iyon. 

Binuksan niya ang ilaw. Nakita niya ang alaga nilang pusa na si Samin. Sumalubong ito sa kanya at pulupot sa kanyang binti.

"Iniwan ka ng amo mo, hindi ka man lang ba pinakain?"

Miyaw lang ang sagot nito.

"Tsk. Alangan namang magsalita 'yan. Pusa 'yan, Jethro. Pusa." 

Napailing-iling siya at saka dumiretso ng kusina. Naghugas muna siya ng mga kamay dahil puno halos iyon ng grasa. Nalingunan niya ang ngumingiyaw na si Samin.

"Oo, gutom na rin ako. Sandali at titingin ako kung may pagkaing iniwan ang amo mo." 

Matapos maghugas ng kamay ay nagpunas siya sa hand towel na nasa pinto ng ref. Inalisan niya ng takip ang dalawang kalderong nasa stove. May kaunti pang sinigang doon, tira marahil ng pagkaing inihatid sa kanya kanina. Pagtingin niya sa ikalawang kaldero ay may kanin pa naman, kaso medyo matigas dahil nabahaw na.

"Sandali lang, Samin. Iinitin ko muna ang pagkain natin," muling pumulupot sa binti niya ang pusa. Nilagyan niya ng kaunting tubig ang kanin para lumambot.

Habang nag-iinit ng pagkain ay pumasok siya ng banyo. Naglinis ng sarili at nagpalit ng damit. Palabas na siya ng kuwarto nang marinig niya ang pagdating ng mga kasama sa bahay.

"Hay, nakakapagod talagang mamili," narinig niyang reklamo ni Andeng.

Paglabas niya ay nakita niya ang mga ito na may kanya-kanyang bitbit na shopping bags.

"Mukhang ang layo ng narating niyo, ah?" aniya sa mga ito. Ang mga mata niya ay kaagad na tumutok kay Chantal na nakaupo at hinihilot ang binti.

Nakita niyang saglit na natigilan ito. Pagkatapos ay tumuwid ito ng upo at dinampot ang dalawang paper bags na katabi nito at tumayo.

The Heiress and the HoodlumTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon