Bulong ng Damdamin

20.2K 1.1K 106
                                    

Chapter Sixteen

HATINGGABI na nang makauwi si Jethro. Bagama't maagang natapos ang kanilang paggawa ay pinagbigyan niya ang mga kasama na maghappy-happy katulad ng gusto ng mga ito. At siyempre pa, nagpumilit na sumama si Maita. Pinagbigyan na lamang niya para wala ng mahabang pagtatalo. Nagpunta sila sa isang KTV bar na malapit lamang sa kanilang lugar. Hinayaan niyang mag-enjoy ang kanyang mga kasama. Lalo na si Boogie na ilang araw ng hindi nasasayaran ng alak ang lalamunan.

Siyang-siya ang mga ito sa pagkanta. Ang hindi lang niya pinayagan ay ang kumuha ng ka-table ang mga ito. Kahit pa nga panay ang pahaging ni Boogie na naiinggit ang mga ito dahil siya'y may ka-table. Hindi na kasi naalis ang pagka-pulupot ng mga braso ni Maita sa braso niya. Daig pa ang tuko na permanente ng nadikit sa kanyang balat. At kapag may lumalapit sa kanilang GRO ay kaagad nitong pinanlilisikan ng mga mata. Lalo na kapag malagkit ang tingin sa kanya.

Hindi siya nagpakalasing katulad ng kanyang mga kasama. Nagpatay lang talaga siya ng oras dahil gusto niya pagdating ng bahay ay mahihiga na lang siya. At paglapat ng kanyang likod ay kaagad na siyang makakatulog. Bagaman sa nakalipas na isang linggo ay hindi ganoon ang nangyayari. Daig pa niya ang nagkaroon ng insomnia. At bakit nga naman hindi kung ang babaing ayaw magpatulog sa kanya ay pinto lamang ang pagitan nila sa isa't isa.

"Baba ka na," aniya kay Maita nang makarating sa tapat ng bahay ng mga ito. 

Naihatid na niyang lahat ang kanyang mga tauhan. Inuna niya si Boogie dahil halos gumapang na ito sa kalasingan. Pagkatapos ay sina Dose at Frank, magkapitbahay lang kasi ang mga ito. Panghuli si Maita dahil madadaanan lang naman ang bahay ng mga ito bago ang sa kanila.

"Maita, nandito na tayo. Bumaba ka na," muling sabi niya sa babae. Tinapik-tapik pa niya ito sa braso.

"Hm," nagtutulug-tulugang sagot ng babae.

"Pumasok ka na sa loob at baka kanina ka pa hinihintay ng tatay mo."

"Dito lang ako," yumakap ito sa braso niya.

"Hindi puwede, bumaba ka na at hatinggabi na," nakita niyang bumukas na ang pinto sa loob ng bakuran ng mga ito.

"Jet, lasing na ako, ihatid mo ako hanggang sa amin."

"Hayan lang ang pinto ng bahay niyo. At hindi ka lasing. Sige na, uwi ka na at gusto ko na ring magpahinga."

"Hmp, nakakainis naman 'to. Ihatid mo na 'ko sa amin. Hindi na ako makalakad nang tuwid."

"Bababa ka ng jeep o itutulak kita at iiwanan sa gilid ng kalsada?"

"Ang sama mo talaga," hinampas siya nito sa braso.

Hindi na lang siya nagsalita. Nahilot niya ang sentido upang ipakita rito ang pagkainip. Gusto na talaga niyang umuwi. Hindi niya maintindihan kung bakit parang may humihila sa kanyang mga paa para magmadaling umuwi.

"Kiss ko," ngumuso si Maita at dumukwang sa kanya.

Itinaas niya ang isang kamay at itinulak ang mukha nito.

"Labas na. Hindi ako nagbibiro, masakit na ang ulo ko at naghahanap na ng higaan ang likod ko."

"Malaki naman ang kama ko. Dito ka na la--"

"Maita."

Napabuga ito ng hangin sa bibig. 

"Sige na nga," napilitan itong bumaba ng owner-type jeep niya.

Pagkababang-pagkababa nito ay kaagad niyang pinatakbo ang sasakyan. Sampung minuto lang naman ang layo ng bahay ng mga ito mula sa kanyang talyer. Nang maipasok doon ang sasakyan at matiyak na nakakandadong mabuti ang lahat ay dumiretso na siya ng uwi.

The Heiress and the HoodlumTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon