Mula Ngayon

21.3K 1K 223
                                    

Chapter Seventeen

NANG magmulat ng mga mata si Chantal ay ang naiidlip na mukha ni Jethro ang nalingunan niyang nakayupyop sa gilid ng kinahihigaan niyang hospital bed. Hawak-hawak pa nito ang kanyang kamay na walang suwero. Itinaas niya ang kanang kamay na walang IV para sana hagurin ang mukha nito. Pero mabilis din niyang inawat ang sarili sa dahilang ayaw niyang maistorbo ang tulog ng binata.

Akala niya ay produkto lamang ng kanyang mataas na lagnat ang presensya nito sa pagdadala sa kanya sa pagamutan, pero hindi pala. Dahil hayun ang maliwanag na pruweba, naroroon ito at kasama niya. Kuntento niyang ipinikit na muli ang mga mata at hinayaan ang sariling muling bumalik sa pagtulog. Medyo guminhawa na ang tila inaapuyang pakiramdam sa kanyang baga. Hindi na rin siya masyadong hirap sa paghinga.

Nang muli siyang magmulat ng mga mata ay umaga na. Na-disappoint pa siya nang makitang wala na sa hospital room niya si Jethro.

Was it all just a dream?

Noon bumukas ang pinto ng banyo. Lumabas mula roon si Jethro na tila kagagaling lamang sa paghihilamos dahil basa pa ang unahan ng buhok nito. Nang makita nitong gising na siya ay kaagad itong lumapit.

"Kumusta na ang pakiramdam mo?" Naupo ito sa silyang katabi ng kanyang kama. "Nahihirapan ka pa rin bang huminga?"

Akmang tatanggalin niya ang oxygen mask para sagutin ito nang mabilis siyang awatin ni Jethro.

Pinigilan nito ang kanyang kamay. "Huwag mo na munang tanggalin kung nahihirapan ka pang huminga. Kahit sumenyas ka na lang."

Umiling siya para ipahiwatig dito na ayos na ang kanyang paghinga.

"I'm feeling a little better now," aniya na nilakipan ng munting ngiti ang sinabi.

Tila ito nabunutan ng tinik sa dibdib. Ilang ulit itong lumunok na tila kayrami nitong gustong sabihin. Pero sa halip ay inabot lang nito ang isa niyang kamay at banayad na pinisil.

"May gusto ka bang kainin? Lugaw o kahit na anong lutong may sabaw, gusto mo ba 'yon? Ipagluluto kita."

"Y-you will?" biglang nagkabikig ang lalamunan niya. 

"Oo. Kung ano ang gusto mo, lulutuin ko."

Napalabi siya. "You are just being nice to me because I'm sick. Once I recovered from this, you'll ignore me again."

Napayuko ito. Hindi siya sigurado kung tanda iyon ng pag-amin o guilt.

"Sorry, pangako hindi na 'yon mauulit."

"Promise?"

"Promise. Mula ngayon... aalagaan na kita."

Parang may pumitlag sa loob ng dibdib niya sa sinabi nito. Mali ba siya na mag-assume na may ibang ibig sabihin iyon? O dahil talagang ganoon na si Jethro sa mga taong itinuturing nitong parte ng kanyang pamilya? Gusto niya sana itong tanungin at hingian ng paliwanag tungkol doon ngunit hindi na niya nagawa nang magkasunurang pumasok sina Andeng at Marcy. 

Pasimpleng ibinaba ni Jethro ang kamay niya atsaka binalingan ang mga bagong dating. May naramdaman siyang kahungkagan sa kaibuturan ng damdamin. Gusto niya ang pakiramdam na dala ng paghawak nito sa kanyang kamay. It gives her a semblance of comfort that no matter what happens, he'll always be there for her.

"Pinsan, puwede ka ng umuwi. Kami naman ang magbabantay ngayon kay Chan-chan."

"Sige. Maliligo na rin muna ako at babalik na lang ako mamaya."

"May dala kaming pagkain dito. Baka gusto mong mag-breakfast muna," ani Marcy. 

"Hindi na, sa bahay na lang. Magluluto na rin ako ng pagkaing gusto ni Chantal para mamaya."

The Heiress and the HoodlumTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon